Matindi umano ang pagla-lobby sa Kongreso ng maimpluwensiyang religious group na Iglesia ni Cristo (INC) upang harangin ang franchise renewal ng ABS-CBN.
Ayon sa ulat ng online website na Politiko noong February 4, nakipagkita raw kamakailan ang mga matataas na pinuno ng INC sa ilang opisyal ng Kongreso.
Dito ay inihayag umano ng INC ang pagtutol nito sa nakaambang pagtalakay at pagbigay ng bagong prangkisa sa Kapamilya network.
Nakatakdang mapaso ang prangkisa ng ABS-CBN sa darating na March 30, 2020.
Ayon sa Congress insider ng nasabing website, hindi raw nagustuhan ng INC ang coverage ng ABS-CBN noong may tensiyon sa pagitan ng mga namumuno ng INC, na nagdulot daw ng dungis sa kanilang sekta.
Taong 2015, nasangkot sa kontrobersiya ang INC dahil sa diumano'y pag-aaklas ng ilang miyembro laban sa mga namamahala ng kanilang organisasyon.
Sangkot sa kontrobersiya si INC Executive Minister Eduardo Manalo, sarili nitong ina na si Cristina “Tenny” Manalo, at kapatid na si Felix Nathaniel “Angel” Manalo.
Nag-ugat ito sa kumalat na video ni Ka Angel at voice recording ni Ka Tenny na humihingi ng tulong, dahil diumano’y nanganganib ang buhay nilang mag-ina at mayroong na-abduct nang INC minister.
Naiulat din noon sa ilang pahayagan at online news sites ang pagkuwestiyon ni Ka Angel sa paggamit ng P7.8-billion na pera ng sekta para sa itinayong Philippine Arena, na matatagpuan sa loob ng 50-hectare Ciudad De Victoria property ng INC, sa Bocaue, Bulacan.
Tinanggal ni Ka Eduardo sa INC sina Ka Tenny at Ka Angel sa rekomendasyon daw ng “Sanggunian,” matapos diumano ng pagpapasimuno nila ng hindi pagkakaintindihan sa grupo.
Dagdag pa sa ulat ng nasabing website, hindi raw nagustuhan ng “Sanggunian” ng INC ang pag-handle ng ABS-CBN coverage ng girian ng mga Manalo.
Kilala ang INC sa bloc voting tuwing eleksiyon kaya maraming mga pulitiko at personalidad ang lumalapit sa kanila upang magpa-endorse.
May halos tatlong milyong miyembro ang INC sa buong mundo.
IGLESIA NI CRISTO STATEMENT
Kaagad nangalap ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ng impormasyon ukol sa balitang ito.
Nagtanung-tanong din kami sa mga taong may kaugnayan sa INC kung may alam ba sila ukol dito.
Ngunit wala sa kanila ang may nakakaalam.
Hanggang nitong Biyernes, February 7, may nakausap ang PEP.ph na isang may mataas na katungkulan sa INC.
Tinanong namin kung may katotohanan ang report na nagla-lobby ang mga matataas na opisyales ng INC upang hindi ma-renew ang prangkisa ng ABS-CBN.
Tumangging magbigay ng opisyal na pahayag ang aming nakausap, na nakiusap ding huwag pangalanan, dahil wala umanong katotohanan ang lumabas na report.
Sa kanyang salita, "kuryente" ang nasabing report at hindi dapat pagtuunan ng pansin.
51 DAYS TO GO
May nalalabing 51 araw na lamang ang ABS-CBN upang makakuha ng legislative franchise mula sa Kongreso.
Ang anumang broadcast media, bago makapag-operate, ay kailangang makakuha ng prangkisa sa gobyerno.
Ang Republic Act (R.A.) No. 7966, ang batas na naggawad ng broadcast franchise ng ABS-CBN, ay naigawad sa istasyon noong March 30, 1995.
Unang nag-apply ng franchise renewal ang ABS-CBN noong 16th Congress, sa panahon pa ni dating Pangulong Noynoy Aquino, ngunit hindi ito nakapasa sa Kongreso.
Noong 17th Congress, inupuan lamang diumano ng Kongreso ang kanilang application for a franchise renewal dahil nais daw ng mga kongresista noon na maayos muna ang sigalot sa pagitan ng ABS-CBN at ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Inihayag ni Pangulong Duterte sa publiko na haharangin niya ang anumang batas ukol sa prangkisa ng Kapamilya channel dahil sa panggagantso diumano sa kanya matapos hindi inere ang kanyang political ad noong 2016 Presidential Elections kahit bayad na ito.
Ang pinakahuling banat ng Pangulo ay nito lamang bago magtapos ang taong 2019, kung saan hayagang sinabihan niya ang mga may-ari na ibenta na lamang ang istasyon sa ibang negosyante.
Ayon naman kay House Speaker Alan Peter Cayetano, tatalakayin ng House Committee on Legislative Franchises ang pending franchise renewal bills, kabilang na ang sa ABS-CBN, ngayong unang linggo ng Pebrero.
Ngunit hindi pa rin nagkaroon ng hearing ang nasabing kumite.
Sa March 14 ang huling session ng Kongreso bago ito mag-summer break.
Bukas ang PEP.ph sa panig ng lahat ng nabanggit sa artikulong ito.
