Coco Martin fears for Ang Probinsyano stars, employees amid ABS-CBN franchise woes

by Arniel C. Serato
Feb 12, 2020
Coco Martin on SolGen Jose Calida's quo warranto petition to revoke ABS-CBN franchise: "Sana po tulungan ninyo kami na ipanalangin na mapukaw ang puso at maliwanagan ang isip ng mga tao na nagnanais ipasara ang istasyon na tumutulong ng malaki sa maraming buhay!”
PHOTO/S: Courtesy: @mr.cocomartin on Instagram

Labis na ikinalulungkot ng Primetime King ng ABS-CBN na si Coco Martin ang quo warranto petition na inilagak ng Office of the Solicitor General (OSG) sa Supreme Court (SC).

Layon ng petisyon na ikansela ang prangkisa ng ABS-CBN dahil sa umano’y mga paglabag nito sa ilang probisyon ng kanilang legislative franchise.

Sa isang mahabang post sa Instagram nitong Martes ng gabi, February 11, ibinahagi ni Coco ang saloobin sa kinahaharap na isyu ng kanyang home network.

Ayon kay Coco, maraming tao ang labis na maaapektuhan kapag ipasara ang ABS-CBN.

Panimula niya, “Napakalaki ng utang na loob ko sa ABS-CBN, natupad ko lahat ng pangarap ko para sa sarili ko at sa aking buong pamilya.

“Dahil sa sa ABS-CBN, napakaraming tao at pamilya na nabigyan ng oportunidad magkaroon ng maayos na buhay.”

Dagdag pa ng 38-year-old actor, ang pinagbibidahan niyang primetime series, ang FPJ's Ang Probinsyano, ay nakapagbibigay ng oportunidad sa maraming artista upang makapag-hanapbuhay.

Continue reading below ↓

Anim na taon nang namamayagpag sa ere ang teleserye ni Coco.

Saad ni Coco, “Sa pamamagitan ng FPJ's Ang Probinsyano, napakaraming taong natulungan, mula sa aming mga artista, staff at crew.

“Nabigyan ulit ng trabaho lalo na ang mga artista na nawalan ng pag-asa na muling makita ulit sa telebisyon, nagkaroon ulit sila ng pagkakataon para kumita at ituloy muli ang kanilang mga pangarap!”

11,000 PEOPLE WILL BE JOBLESS

May lagpas 11,000 katao ang nagtatrabaho sa ABS-CBN bilang regular employees, contractual workers, at talents.

Ang lahat daw ng ito ay mawawalan ng hanapbuhay kapag pumabor ang Supreme Court sa reklamong isinampa ni Solicitor General Jose Calida.

Ikinakatakot din daw ni Coco na baka, pati siya, sampu ng mga kasamahan niya sa ABS-CBN, ay mawalan ng trabaho.

Pahayag niya, “11,000 na empleyado po ang mawawalan ng trabaho, kabilang na po ako.

“Paano na po ang aking pamilya at ang mga pamilya ng lahat ng nagtratrabaho sa kumpanyang ito?

Continue reading below ↓

“Dito po kami umaasa ng aming ikabubuhay.

“Sa pagtatrabaho ko sa ABS-CBN ay nalibot ko na halos ang buong Pilipinas at buong mundo upang pasiyahin at pasalamatan ang lahat ng mga Pilipino na tumatangkilik sa aming mga pinalalabas.”

Ayon pa sa actor-director, may charitable events din ang Kapamilya network na malaki ang naitutulong sa publiko.

“Gumagawa din po ang ABS-CBN ng mga charity events upang makatulong sa ating mga kababayan.

“Sa tuwing may sakuna, ang ABS-CBN ginagawa ang abot ng kanilang makakaya upang makatulong sa lahat ng nangangailangan.

“At ako mismo ang nakasaksi kung gaano kabuti ang hangarin ng ABS-CBN upang makatulong sa lahat ng mga Pilipino.”

Sa huli, nanawagan si Coco ng marubdod pang dasal mula sa publiko para sa kinabukasan ng ABS-CBN.

Aniya, “Hindi ko po alam kung ano ang mararamdaman ko kung mawawala ang ABS-CBN na naging malaking bahagi ng aking buhay.

“Sana po tulungan ninyo kami na ipanalangin na mapukaw ang puso at maliwanagan ang isip ng mga tao na nagnanais ipasara ang istasyon na tumutulong ng malaki sa maraming buhay!”

Continue reading below ↓

ABS-CBN FRANCHISE EXPIRES ON MARCH 30, 2020

Sa March 30, 2020 na magtatapos ang 25-year franchise ng istasyon.

Ngunit hanggang sa araw na ito ay hindi pa dinidinig ng Kongreso ang 11 franchise renewal bills na nakahain sa House Committee on Legislative Franchises.

Naglabas naman ng pahayag si House Speaker Alan Peter Cayetano kahapon, kunsaan sinabi nitong inuuna ng Kongreso ang mas mahalaga pang mga panukalang batas.

Continue reading below ↓

Bahagi ng kanyang pahayag: “Consistent with the Duterte Administration’s stand on the protection of the freedom of expression, Congress is committed to conduct an impartial hearing where those who are against or in favor of the renewal may make their case.

"While we understand that there are certain interests who want to rush this process, we stand by the leadership of the 18th Congress and the Committee on Legislative Fanchises on how to prioritize urgent and important legislation.

"We also commit that the 18th Congress shall study this issue from all aspects in order to protect the interest of the public.”

Bago nito, noong January 22, matatas na inanunsiyo ni Speaker Cayetano sa media na merong "enough time" para talakayin ang prangkisa ng ABS-CBN.

Ngunit sa ngayon, 11 session days na lang ang nalalabi bago mag-summer break ang Lower House.

Magbubukas ito sa May 4—o 35 araw matapos mawala ang prangkisa ng Kapamilya network.

Continue reading below ↓

Samantala, mariing pinabulaanan ng ABS-CBN na may mga nilabag sila sa kanilang prangkisa.

Wala rin daw silang utang na buwis sa gobyerno.

Read Next
Recommended Videos
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Coco Martin on SolGen Jose Calida's quo warranto petition to revoke ABS-CBN franchise: "Sana po tulungan ninyo kami na ipanalangin na mapukaw ang puso at maliwanagan ang isip ng mga tao na nagnanais ipasara ang istasyon na tumutulong ng malaki sa maraming buhay!”
PHOTO/S: Courtesy: @mr.cocomartin on Instagram
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results