Naging emosyunal si Nadine Lustre nang magbigay ng pahayag tungkol sa breakup nila ng dating boyfriend na si James Reid.
Sabado ng gabi, February 29, nag-premiere sa SM Megamall ang documentary ng dalawa na may titulong Making Mega in Rio with JaDine.
Sa documentary, mapapanood ang behind-the-scene videos ng kanilang photoshoot para sa fashion magazine sa Rio de Janeiro, Brazil, noong January 2020.
Ginanap ang photoshoot ilang araw matapos iulat ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na break na sina Nadine at James noong January 1, 2020.
Makalipas ang halos tatlong linggo, noong January 20, kinumpirma ng dalawa ang breakup nila.
Mapapanood din sa docu ang exclusive interview kay Nadine para sa cover story ng fashion magazine.
In-upload ng Twitter user na may handle name na @velvetnaddie ang ilang bahagi ng panayam ni Nadine matapos ang nasabing event.
Sa panayam, sinabi ni Nadine na malaki ang kanyang pasasalamat dahil dumating sa buhay niya si James.
Pahayag ng 26-year-old actress, "He is my security blanket.
"He's actually the first person who's always, like, come, parang to rescue, parang ganun.
"I've learned so much from him.
"It's not just when I'm sad, but also, like, things in life in general.
"I've learned so much [from him], and I'm always gonna be thankful that that guy came into my life—no matter what happens."
CROSSING THE LINE
Nagsalita rin si Nadine tungkol sa artikulo ng veteran entertainment editor and columnist na si Ricky Lo, noong January 4, para sa print edition ng The Philippine STAR.
Kaugnay ito ng lumabas na ulat ng PEP.ph tungkol sa breakup nina Nadine at James.
Kinumpirma ni Lo ang report ng PEP.ph, at nagbigay rin siya ng karagdagang impormasyon mula sa kanyang source.
Sa isang bahagi ng artikulo ay binanggit ni Lo ang "mental illness" diumano ni Nadine at ang malagim na sinapit ng kapatid nito.
Sabi ni Lo: "James is handling the breakup with care to cushion the impact on Nadine who has admitted grappling with mental illness [he (sic) has a brother who committed suicide]."
Ang bahaging ito ay tinanggal na sa online edition ng pahayagang lumabas din noong January 4.
Sa kanyang panayam para sa Making Mega in Rio with Jadine, isiniwalat ni Nadine ang saloobin matapos mabasa ang artikulo.
Saad niya, "When Ricky Lo published that article, which said, 'James is cushioning the breakup because...' or he's like, '[James] is taking things slow because... parang I'm mentally unstable.
"And he also mentioned my brother in the article, that's when I lost it.
"I was fine with the breakup article. I didn't care about it.
"But as soon as he mentioned, like, mental illness and my brother, that's when he, like, crossed the line."
Para kay Nadine, ang mentall illness, maging ang pinagdaanan ng kanyang nakababatang kapatid, ay mga sitwasyong hindi dapat maliitin.
Paliwanag ng aktres, "What my brother has gone through, it wasn't a joke.
"I can't even imagine what was going through his head when that was happening to him.
"Until now, I still wish na I pushed him a little bit more, so he opened up to me, so I helped him.
"I could have helped him, I could have done something.
"Until now, it's still in my head, but now, I'm more concerned with the people who are actually going through it and who need people to lean on."
Pumanaw ang nakababatang kapatid ni Nadine na si Isaiah Lustre noong October 7, 2017, sa edad na 16.
JADINE AFTER BREAKUP
Noong January 30, nakapanayam ng ABS-CBN entertainment correspondent na si MJ Felipe si Nadine sa first public appearance nito matapos kumpirmahin ang breakup nila ni James.
Dito, sinabi ni Nadine na maayos ang pakikitungo nila ni James sa isa't isa, taliwas sa iba't ibang istoryang naglabasan sa social media.
“We are good, we're good. That’s all everyone needs to know," paniniyak ng aktres.
"I think the social media kasi just blew it out of proportion.
"Talagang medyo naging OA lang, but we are super good."
Ilang oras matapos kumpirmahin nina Nadine at James ang kanilang hiwalayan, kumalat naman sa social media ang anggulo ng third party.
Idinadawit ng ilang netizens si Issa Pressman sa breakup ng dalawa.
Naging trending topic sa social media ang video ng umano'y pagyayakapan at paghahalikan nina James at Issa, habang nakatalikod si Nadine, sa isang kasiyahan sa Boracay.
Ang balitang ito ay mariing pinabulaanan nina Nadine, James, Issa, at maging ng kapatid ni Issa na si Yassi Pressman.
Matalik na magkakaibigan ang apat.
Ilang beses nang namataan sina Nadine at James na magkasama bilang patunay na maayos ang kanilang pakikitungo sa isa't isa matapos ang hiwalayan.
Sa ngayon, busy sina Nadine at James para sa kanilang solo projects.
Balik-prime time si Nadine, kasama si Julia Montes, para sa upcoming ABS-CBN teleserye na Burado.
Dito ay makakapareha niya ang Thai actor na si Denkhun Ngamnet.
Samantala, makakatambal naman ni James ang Momoland member na si Nancy McDonie para sa upcoming series na The Soulmate Project.
