Ibinasura ng Supreme Court ang quo warranto petition ng Office of the Solicitor General (OSG) laban sa ABS-CBN Corporation.
Ayon sa ulat ng GMA News Online ngayong araw, June 23, dalawang sources mula sa Korte Suprema ang nagsabing idinismis ang petisyon dahil “moot” o wala nang halaga ang usapin.
Napaso na raw kasi ang prangkisa ng Kapamilya network noong May 4, 2020.
Sa inihaing “Very Urgent Omnibus Motion” ni Solicitor General Jose Calida noong February 10, hiniling niyang kanselahin ang franchise ng ABS-CBN Corporation at ang subsidiary nitong ABS-CBN Convergence Inc.
Ayon pa sa ulat, hindi kasama sa ibinasura ng korte ang usaping tungkol sa ABS-CBN Convergence Inc. kaya mananatili ang kaso ukol dito.
Ang ABS-CBN Convergence ay ang telecommunications unit ng network, at nangangasiwa sa digital TV service ng kumpanya na ABS-CBN TV Plus.
Wala pang pahayag ang tanggapan ni Solicitor General Calida tungkol sa desisyon ng Korte Suprema.
ABS-CBN FRANCHISE
Napaso ang Republic Act No. 7966—ang batas na naggawad ng prangkisa sa ABS-CBN noong 1995—noong May 4, 2020.
Nagsara ang ABS-CBN noong gabi ng May 5, 2020 dahil sa cease and desist order na inihain ng National Telecommunications Commission (NTC).
Kasalukuyang dinidinig sa Kongreso ang labintatlong franchise renewal bills na naglalayong mabigyan ng panibagong 25-year legislative franchise ang Kapamilya network.
Ngayong araw, June 23, sana gaganapin ang ikawalong pagdinig tungkol sa prangkisa, ngunit iniurong ito sa Lunes, June 29.
Kulang-kulang pa raw kasi ang mga dokumento na hawak ng Committee on Legislative Franchises at Good Government and Public Accountability.
Humihiling ang mga ehekutibo ng network sa Kongreso na mabigyan sila ng bagong prangkisa upang makapagpahayag ng impormasyon, makapag-entertain, at makaiwas sa pagbawa ng tauhan.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika