Idinaan sa throwback pictures ni Bea Alonzo ang kanyang pakiusap upang muling bigyan ng Kongreso ng bagong prangkisa ang ABS-CBN.
Sa kanyang Instagram post kahapon, July 5, nagbalik-tanaw si Bea sa pagsisimula ng showbiz career niya.
“These were pictures of me when I was a teenager auditioning to be part of a new show of ABS-CBN,” panimula ng 32-year-old actress.
Deklara niya, “Nakakamiss. Hindi ko maiwasang hindi bumalik sa simula.”
Kasunod nito, ikinuwento ni Bea kung paano hinubog ng Kapamilya network ang kanyang pagkatao at karera.
Dahil daw sa ABS-CBN, naitaguyod niya ang kanyang pamilya at kamag-anak.
“Yung mga panahong iniisip ko lang na abutin yung mga pangarap ko, suportahan ang pamilya ko. Yung mga panahong iniisip kong posible ang lahat.
“Malaki ang pinagbago ng buhay ko dahil sa ABS-CBN.
“Pero alam nyo na yun. Alam nyo nang naitaguyod ko ang pamilya ko dahil sa tulong nila, at alam nyo na ring malaki ang natutunan ko sa aspeto ng pag-arte dahil sa mga taong nakatrabaho ko mula dito.
“Alam nyo nang lahat yun.”
Ayon sa aktres, hindi lang siya ang natulungan ng ABS-CBN.
Marami pa raw ibang taong nabigyan ng kabuhayan ng network.
Saad ni Bea, “Siguro, ang hindi ninyo alam, maski ako, nagtatanong, bilang Pilipino, ano ba ang tama? Ano ba ang ikabubuti ng karamihan?
“Ang alam ko lang, sa halos dalawang dekada ng buhay ko, hindi ko na mabilang kung ilang tao sa paligid ko ang nabigyan ng pagkakataong makapaghanap buhay ng maayos at makatulong sa kanilang pamilya dahil sa ABS-CBN.
“Kabilang ako dun.”
“NAWA’Y GABAYAN TAYO NG MAYKAPAL”
Ika-apat ng Mayo nagtapos ang 25-taong prangkisa ng broadcast giant.
Kinabukasan, May 5, nagpaalam sa ere ang ABS-CBN dahil sa cease and desist order mula sa National Telecommunications Commission (NTC).
Nakabalik man ang ABS-CBN sa digital broadcast sa pamamagitan ng ABS-CBN TV Plus, ipinahinto rin ito ng NTC dahil wala raw provisional permit ang AMCARA Broadcasting Network.
Ang AMCARA Broadcasting Network ang nagpapadala ng digital transmission sa mga may hawak ng ABS-CBN TV Plus—mas kilala sa tawag na "mahiwagang black box."
June 30, 2020, nagsara rin ang digital broadcast ng ABS-CBN dahil sa alias cease and desist order na inilabas rin ng NTC.
Dasal ni Bea, magabayan sana ang mga mambabatas na tanging susi para sa bagong prangkisa ng ABS-CBN.
Aniya, “Gusto kong magdasal para sa desisyong magbabago ng maraming buhay. Nawa’y gabayan tayo ng Maykapal.
“Kahit anong mangyari,
babalik ako sa simula,
kahit saan ako dalhin,
ako’y isang kapamilya,
nakaukit yan sa puso ko.
“#IbalikAngABSCBN”
Sa linggong ito, magbobotohan na ang mga miyembro ng House Committee on Legislative Franchises.
Dalawa lamang ang inaasahang magiging kalabasan nito: bibigyan ng bagong prangkisa ang ABS-CBN o tuluyang ibabasura ang aplikasyon nito.
Bumabaha ngayon ng mga panawagan, apela, pakiusap, at kampanya sa social media mula sa iba’t ibang personalidad upang himukin ang mga kongresistang bigyan ng pangalawang pagkakataon ang ABS-CBN.
Ang mga kongresista naman ay mas malamang, kaysa hindi, magba-back up kay Presidente Rodrigo Duterte na may history ng away sa ABS-CBN.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
