Biktima ng fake news sa social media ang TV host na si Kim Atienza.
May nagpakalat ng pekeng balita na agaw-buhay raw ang 53-year-old weather anchor ng TV Patrol.
Ayon sa kunwaring balita, nabaril si Kim ng mga nanloob sa bahay nito.
Ngayong linggo lang kumalat sa social media ang fake news.
Nitong Huwebes ng gabi, July 16, nagbigay na ng pahayag si Kim tungkol dito.
Ipinost ng TV host sa Facebook, Instagram, at Twitter ang kanyang official statement kasama ng screenshots ng gawa-gawang balita.
Mababasa ang titulo ng fake news (published as is): "Kuya Kim Atienza Kritikal Ngayon matapos Barilin ng mga Magnanakaw sa Kanyang Bahay. Nakunan ng CCTV."
Dalawang litrato ang pinagtabi bilang main photo ng fake news.
Nakangiti si Kim sa litrato sa kaliwa, habang makikita sa picture sa kanan ang isang lalaking walang malay habang nasa operating room ng ospital.
Ipinalalabas ng gumawa ng fake news na si Kim din ang lalaking nasa litrato sa kanan.
FAKE NEWS: KIM CRITICALLY INJURED IN SHOOTING INCIDENT
Sa Facebook unang kumalat na nabaril si Kim.
Iniimbitahan ng Facebook user ang mga nakabasa ng post na panoorin sa kanyang account ang umano’y CCTV (closed-circuit television) footage ng insidente ng pamamaril.
Gumamit pa ito ng hashtags na "#Pray4KuyaKim #getwellsoon #plsShare #respect" sa nabanggit na post.
Para magmukhang lehitimo, pinalalabas din ng gumawa ng pekeng balita na ipinost din ito ng GMA News.

Tampok din ang screenshot ng "video" raw ng insidente, na ipinost sa YouTube channel na "Trending News."
Makikita roon ang apat na lalaking naka-hoodie na puwersahang binuksan ang isang sports utility vehicle (SUV).
“PAG NAMATAY AKO DADALAWIN KO SIYA GABI GABI”
Sa kanyang pahayag, nagpasalamat si Kim sa lahat ng nangumusta sa kanya, matapos mabasa ng mga ito ang nabanggit na fake news.
Ayon sa TV host, ayaw na sana niyang pansinin ang pekeng balita.
Sa katunayan, nitong Miyerkules, July 15, isang Twitter follower ni Kim ang unang nag-alerto sa kanya tungkol sa pekeng balita. Pero ipinagkibit-balikat lang ito ng TV host.
Naniniwala siyang bahagi iyon ng pamba-bash sa kanya ng mga pabor sa ABS-CBN shutdown.
Biro pa ni Kim: "Pag namatay ako dadalawin ko siya gabi gabi."
Gaya ng nangyayari sa iba pang Kapamilya artists, dagsa rin ang pinaniniwalaang Internet trolls sa social media accounts ni Kim.
Nagsimula ang pangunguyog ng trolls sa kasagsagan ng pagdinig ng Kamara sa franchise renewal application ng ABS-CBN.
Sa nakalipas na mga araw, nag-trending si Kim dahil sinasagot niya ang bashers sa pamamagitan ng pagbibigay ng trivia sa mga ito.
Ang trivia ay ibinabase niya sa mismong batikos na ipinukol sa kanya ng bashers.
“I AM VERY MUCH ALIVE AND STILL WORKING”
Sa statement ni Kim nitong Huwebes, seryoso na niyang sinagot ang fake news.
Labis daw kasing nag-aalala ang kanyang pamilya at mga kaibigan.
Ito ang dahilan kaya kinailangan na raw niyang maglabas ng opisyal na pahayag.
"Thank you for all who called to check on me," bungad ni Kim.
"I tried to pass this off and be quiet but my friends and family are worried. I have to address this fake news item now."
Sinabi ni Kim na malinaw namang hindi totoo ang impormasyon, dahil buhay na buhay siya.
Tuloy lang daw siya sa pagtatrabaho, at araw-araw pa rin siyang napapanood sa ABS-CBN news program na TV Patrol.
Ito ay sa kabila raw ng kawalan ng prangkisa ng kanyang home network.
"I am very much alive and still working. kahit walang franchise, @tvpatrolabscbn2 is still on air."
Sa dulong bahagi ng statement, ibinahagi ni Kim ang Bible verse na Psalm 18:2-3: "The Lord is my rock, my fortress and my deliverer; my God is my rock, in whom I take refuge, my shield and the horn of my salvation, my stronghold.
"I called to the Lord, who is worthy of praise, and I have been saved from my enemies."
GRETCHEN SHOWS PROOF AGAINST FAKE NEWS
Bago pa mag-post ng official statement si Kim, pinabulaanan ngTV Patrol co-anchor niyang si Gretchen Fullido ang fake news.
Sa video na ipinost ni Gretchen, 40, sa Facebook nitong Huwebes ng hapon, July 16, ipinakita ni Gretchen na katabi niya sa pagkakaupo si Kim.
"Kuya Kim is alive and kicking!" sabi ni Gretchen sa video.
Sabat ni Kim, "May mga nababalita kasi na pinatay daw ako. Hindi po ako pinatay, ako po’y buhay na buhay na buhay."
Sabi naman ni Gretchen, "Ayan, katabi ko po siya, hindi po siya multo, buhay po si Kuya Kim."
GRETCHEN APPEALS FOR “RESPECT AND COMPASSION”
Sa caption ni Gretchen, ipinaalala niya sa publiko na hindi tamang pinaniniwalaan ang lahat ng nababasa sa social media.
Binigyang-diin niya na "NOT JOKE" ang pagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa muntikang pagkamatay ng isang tao. Marami na raw pinoproblema ang mga Pilipino dahil sa COVID-19 pandemic.
At mismong sina Kim at Gretchen, at iba pang Kapamilya talents at employees, ay kasalukuyang nagdadalamhati dahil sa pagpapasara sa ABS-CBN.
"Please show some respect and compassion," pakiusap ni Gretchen.
TV PATROL ONLINE
Tuloy pa rin ang trabaho nina Kim at Gretchen sa TV Patrol dahil may ABS-CBN pa rin sa ABS-CBN-affiliated cable channels dito sa bansa at sa TFC Channel.
Gayundin sa digital platforms ng Kapamilya network kabilang ang iWant, YouTube, Facebook, at TFC Online.
Nitong July 10, nauwi sa pagbasura ng Kamara sa franchise renewal application ng ABS-CBN ang 13 araw na pagdinig nito.
Dahil dito, tuluyan nang magtitigil-operasyon ang broadcasting unit ng network para sa radyo at free TV.
May 5, 2020 pa sarado ang Channel 2, kasunod ng expiration ng 25-taong prangkisa nito.
Ilang araw hindi umere sa telebisyon ang TV Patrol, pero ipinalabas ito sa digital platforms ng ABS-CBN.
Noon ding Mayo ay napanood muli sa telebisyon ang TV Patrol sa isang ABS-CBN-affiliated channel sa ABS-CBN TVplus.
Sinundan ito ng pagpapalabas ng ilang entertainment shows ng ABS-CBN sa ABS-CBN TVplus noong June 13.
Hanggang sa noong June 30, tuluyang ipinasara ng NTC ang pag-ere ng ABS-CBN sa ABS-CBN TVplus via Channel 43 ng Amcara Broadcasting Network.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
