Ayon kay John Lloyd Cruz, iba ang hatid na kaligayahan ng pagkakaroon ng anak.
Pakli ng 37-year-old actor sa panayam ni Rachel Arenas, chairperson ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) para sa MTRCB Uncut YouTube show ng ahensiya: “Ang ganda ng segue mo, Ma’am.”
Pinag-usapan kasi ng dalawa ang naging hiatus ni John Lloyd sa showbiz at ang kanyang pagbabalik.
Pero naisingit ng MTRCB chairperson ang tanong ukol sa anak ni John Lloyd kay Ellen Adarna na si Elias Modesto.
Tanong ni Arenas: “How did your life change nung dumating sa buhay mo yung anak mo?”
Nakangiting sagot ni John Lloyd: “Siyempre ano, para kang nagkaroon ng bagong buhay.”
Ano ba ang pangarap niya para sa kanyang anak?
Sabi ni John Lloyd, nasa likod lang siya ni Elias para sumuporta sa lahat ng mga naisin nito sa buhay.
Magtatatlong taong gulang na sa Hunyo ang kanyang anak.
Saad niya, “Hindi ko alam kung big na yun para sa akin. I’m sure yung dreams niya will be so much bigger, ‘no.
“Pero para sa akin, magawa lang niya kung ano talaga, kumbaga, hangad ng damdamin niya or kung ano ang gusto niyang gawin.
“Kung gusto niya maging astronaut, kung gusto niya maging tambay, kung anong gusto niyang gawin... kumbaga, susuporta lang ako.”
JOHN LLOYD movie COMEBACK
October 2017 nang ianunsiyo ng dating home network na ABS-CBN ang "indefinite leave" ni John Lloyd upang asikasuhin ang ilang “personal matters.”
Kainitan noon ng usaping may namumuong relasyon sa kanila ni Ellen matapos ang bakasyon nila sa Bantayan Island, sa Cebu.
November 2017, inilabas ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang scoop ukol sa pagbubuntis ni Ellen at si John Lloyd ang ama.
Simula noon, bihira nang makita sa publiko ang aktor.
Ngayon, nakatakdang magbabalik-showbiz si John Lloyd sa pamamagitan ng pelikulang Servando Magdamag ni Lav Diaz.
Sa panayam ni Arenas, tinanong ang aktor kung balak na ba niyang magbalik sa showbiz nang 100 percent.
Sagot ni John Lloyd, "Medyo nagba-vary po talaga yun especially kung sino yung magpi-perform.
"Para sa akin, maganda yung opportunity na ‘to para malaman ko kung ano ba yung... kasi kung ano yung mga hindi nag-work before, I would like to correct it now.
"Now that I have a chance, di ba? Parang babalik ka ulit, parang ano ba yung pwede nating i-improve?
"Ano ba yung pwede nating mas pagtuunan ng pansin in terms of management, di ba?
"Kasi, parang napatunayan mo na, na hindi nag-work yung unang approach mo, e. Hindi siya sustainable.
"So yun, kung ano man yung kalalabasan nun, I hope, parang siguro 'yan yung ibig sabihin na 100 percent."