Nagpahayag si Paulina Sotto ng suporta para kay Vice President Leni Robredo na tatakbo sa pagkapresidente sa darating na 2022 elections.
Si Paulina ang anak ng Eat Bulaga host na si Vic Sotto sa dati nitong partner na si Angela Luz.
Marami ang nagulat sa naging pahayag ni Paulina lalo't alam ng karamihan na pamangkin siya ni Senate President Vicente "Tito" Sotto III at hindi nito kapartido sina Vice President Leni at Sen. Kiko.
Noong Miyerkules ng umaga, October 6, 2021, nagsumite ng certificates of candidacy (COCs) si Sen. President Tito bilang bise presidente. Si Senator Panfilo "Ping" Lacson ang running mate nito at kakandidato para sa pagkapangulo.
Sa ilang sunud-sunod na post sa kanyang Instagram Stories nitong Linggo ng umagawa, October 10, 2021, ipinaliwanag ni Paulina kung bakit si Vice President Leni ang napili nitong suportahan.
Sulat nito, "FYI: You are not obliged to support or promote someone simply because you are related to them or have connections to them. Enough is enough."
Dagdag pa Paulina, "It's time to FOCUS on what our country NEEDS. #LetLeniLead"
Mapapansin ding ginamit niya ang kulay na pink, na siyang napiling color motif ng mga supporters ni Robredo.

Sa sumunod na post sa Instagram Story, ibinahagi ni Paulina ang art card na naglilista ng credentials at nagawa ni Vice President Leni nitong mga nakaraang taon.

Matapos nito, isang selfie naman ang kanyang in-upload sa kanyang Instagram Story na nilagyan pa nito ng hashtag na #LabanLeni2022.

Bukod kay Paulina, naging usap-usapan din sa social media ang naging pahayag kamakailan ni Ciara Sotto tungkol sa pagtakbo ni Sen. Kiko bilang bise presidente laban sa kanyang ama na si Sen. Tito.
Inamin ni Ciara na naiyak at na-disappoint siya sa desisyon ni Sen. Kiko.
Malapit si Ciara kay Sen. Kiko. Ang misis ni Sen. Kiko na si Sharon Cuneta ay pamangkin ni Helen Gamboa, ang kapatid na ina ng Megastar na si Elaine Gamboa-Cuneta. Ayon kay Ciara, "nanay-anak" din ang turingan ng dalawa.
