In-unfollow na ni Barbie Imperial ang ex-boyfriend na si Diego Loyzaga sa Instagram.
Bukod dito, binura na rin ng Kapamilya actress ang lahat ng posts niya kasama ang dating nobyo.

Ito ay matapos sabihin ni Barbie noong February 9, 2022 na okay pa rin ang pakikitungo nila ni Diego sa isa’t isa kahit naghiwalay na sila.
Pahayag ni Barbie sa panayam ng Star Magic Inside News, "We broke up na, break, wala na kami.
"Hindi naman siya bad breakup. Okay kami. Hindi kami nag-break na magkaaway kami, hindi. We are okay.”
Napagkasunduan daw nilang tapusin na ang lagpas isang taong relasyon dahil marami pa silang kailangang pagtuunan na ibang bagay.
Saad ni Barbie, “Okay naman, I think it's for the better naman.
"And even si Diegs naman, alam niya naman yun na parang marami pa kaming kailangang matutunan and kailangan pa namin na mag-grow apart."
Inamin ni Barbie na hiwalay na sila ni Diego noong February 3, pero hindi siya nagbigay ng detalye ukol dito.
Napansin ng netizens na tila may problema sa relasyon nina Barbie at Diego noong bandang kalagitnaan ng December 2021.
Matapos magdiwang ng kanilang unang anibersaryo bilang magkasintahan noong December 12, hindi na nakitang magkasama ang dalawa sa kanilang social media posts.
Hindi rin sila magkasamang nagdiwang ng Pasko at Bagong Taon.
Wala rin silang mensahe para sa isa’t isa sa mga nasabing espesyal na okasyon.
Nang magbakasyon kamakailan si Diego sa Amerika ay hindi rin niya kasama si Barbie.
Samantala, naka-follow pa rin si Diego kay Barbie sa Instagram at press time.
Pati larawan nila ng ex-girlfriend ay nasa feed pa rin ng aktor.

