Hindi na mahagilap sa Facebook ang account ng Pinoy Big Brother (PBB) 737 Fourth Big Placer na si Dawn Chang.
Ito ang dahilan kaya hindi na mababasa ng netizens ang viral niyang patutsada sa dating PBB main host na si Toni Gonzaga matapos ang kontrobersiyal na paghu-host nito sa proclamation rally ng UniTeam tandem nina former senator at presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Davao City Mayor at vice-presidential aspirant Sara Duterte.
Ayon kay Dawn, na-hack ang account niya at hindi na nila mahanap.
Sa Twitter kahapon, February 16, 2022, sinagot ng dancer ang isang netizen na nagsabing binura raw ni Dawn ang kanyang mga post sa Facebook.
May halong pangungutyang sabi ng netizen, “Sadly.. Dawn took down some of her posts. Sana she wont feel down. As in walang nagtatanggol sa kanya sa mga kampon. [crying emoji] di nila kaya mga gaya ni angel locsin or angge. So they bully the others.”
Paglilinaw ng dating miyembro ng GirlTrends: “I didn’t. My facebook was hacked and cannot be found. We are working on it.”
Kung may mga sumang-ayon sa pahayag ni Dawn laban kay Toni, mayroon ding nagtanggol sa Kapamilya TV host.
Isa na rito ang kontrobersiyal ding showbiz columnist at radio host na si Cristy Fermin.
Nagkabanggaan ang kampo nina Cristy at Dawn dahil sa akusasyon ng una na diumano’y “nakikipaglandian sa mga boss” ang huli sa kinabibilangang home network nito kaya ito nagka-career.
Mariin itong pinabulaanan ni Dawn sa ipinadala niyang mensahe sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong February 12.
Bunsod nito, nag-demand ng public apology ang abogado ni Dawn na si Atty. Rafael Vincent R. Calinisan mula kay Cristy dahil sa character assassination umano nito sa kliyente niya.
Nag-demand din si Atty. Calinisan na i-retract ni Cristy ang akusasyon nito kay Dawn.
Hindi nagpatinag ang kampo ni Cristy.
Sa pamamagitan ng abogado nitong si Atty. Ferdinand Topacio, nag-demand din sila ng public apology mula kay Atty. Calinisan.
Ayon kay Atty. Topacio, may mga nilabag na provisions of the Code of Professional Responsibility si Atty. Calinisan sa mga ginamit niyang salita laban kay Cristy.
Kahapon, February 16, ang taning na ibinigay ng magkabilang kampo sa pagbibigay ng public apology ngunit walang tumalima sa kanila.
