Nag-trend sa social media ang rebelasyong muntik nang maging magkasintahan sina Yeng Constantino, 33, at Ryan Bang, 30.
Nangyari ito sa segment ng "Tawag Ng Tanghalan" sa January 28 at January 29, 2022 episodes ng Kapamilya noontime show na It's Showtime.
Isang contestant ang nagsabing natatakot siyang pumasok sa isang relasyon dahil takot siyang masaktan.
Nagkomento si Yeng na masakit talagang masaktan kahit hindi naging kayo ng taong napupusuan mo, sabay banggit ng pangalan ni Ryan.
Dito na naungkat ang panliligaw ng Koreanong TV personality kay Yeng noong 2010.
Ayon kay Ryan, huminto siya sa panunuyo kay Yeng sa pag-aakalang ayaw siya ng singer.
Nagkagulatan sila nang klaruhin ni Yeng na hindi pala niya binasted si Ryan. Ang buong akala ni Yeng ay napagod na si Ryan sa paghihintay sa kanya at may nililigawan nang iba.
Hindi lang sila nagkaintindihan dahil sa kani-kanilang takot noon.
Read: Yeng Constantino, Ryan Bang put closure to their "love story"
Nagsilbing closure ang tapatan nilang dalawa tungkol sa kanilang nakaraan.
Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), inamin ni Yeng na bukod sa nalungkot siya nang tumigil sa panliligaw noon si Ryan, nakaramdam din siya ng hiya at pagkailang sa It's Showtime host.
Sa tuwing magkakasalubong sila sa ABS-CBN ay simpleng "hi" at "hello" lang ang ginagawa nila sa kabila ng closeness nila noon.
Ayon pa kay Yeng, naintindihan na niya kung bakit napanghinaan ng loob si Ryan noon, at nawala na kung anuman ang sama ng loob na naramdaman niya rito.
"Sobrang nakakatuwa... Ang ano lang kasi, nasa TV, naka-TV, kasi naman talaga ang daldal ko. Talagang hiniritan ko pa siya.
"E, medyo mahilig din kami sa chismax sa Showtime so medyo napag-usapan.
"Pero after nun, nag-sorry naman ako sa kanya kasi feeling ko na-caught off guard ko siya tapos sa TV pa.
"Sobrang happy siya kasi di talaga kami nag-uusap. Parang hi, hello, goodbye kami."
Sinsero raw talaga ang pag-uusap na iyon nina Yeng at Ryan.
"Siguro nasa telebisyon lang, but I'm really glad na napag-usapan yun. Kasi ako, may natutunan ako, may natutunan siya, at bonus na yun na may natutunan din ang mga tao," dagdag ng singer.
Ano ang natutunan niya sa naunsiyaming mutual attraction sa pagitan nila ni Ryan?
"Communication," sagot ni Yeng.
"Yung importance ng communication para maintindihan mo kung ano yung napagdadaanan nung kabilang tao.
"Kasi, at times you feel you're right, pero pag narinig mo na ang point of view ng isang tao, 'A, ganun pala ang napagdaanan mo.'
"So now, I can empathize with you, makikita kita without inis or parang hassle. Ganun."
Nakapanayam ng PEP.ph si Yeng sa virtual media conference ng collaboration nila ni Gloc-9 na may titulong "Paliwanag" ng Universal Records noong February 16, 2022.
Pati ang mister ni Yeng na si Victor "Yan" Asuncion ay nagulat sa kakatwang rebelasyon nina Yeng at Ryan.
Ayon kay Yeng, "Nagtanong siya, 'Mayroon palang ganyan, bakit di mo sa akin naikuwento?'
"Kasi may mga nakukuwento ako sa kanya, pero yung kay Ryan, never kong naikuwento sa kanya. Siguro nawala lang sa isip ko kaya di ko naikuwento."
Hindi naman daw isyu iyon sa kanilang mag-asawa.
"Naki-empathize siya kasi nakita niya yung dalawang araw na interview ni Vice sa amin. Sabi niya, 'Grabe, ang hirap pala ng pinagdaanan ninyo, 'no? Naiintindihan ko.'
"Naintindihan niya. Hindi naman seloso ang asawa ko, e. Sobrang trust niya talaga ako."

WHAT YENG LEARNED ABOUT MARRIED LIFE
Nagselebra sina Yeng at Yan ng kanilang 7th wedding anniversary noong February 14.
Pagbabahagi ng singer, hindi biro ang mga pinagdaanan nila ng asawa at kung paano nila nalagpasan ito.
"Kami ng asawa ko, hindi naman kami yung ideal kung paano kami nagkakilala, kung paano kami naging together.
"Christian kasi ang naging background namin, and most Christians dapat friends kayo muna, ganyan.
"Minsan dadalhin ka ng Panginoon sa ibang istorya," ani Yeng.
Eight months pa lang magkarelasyon sina Yeng at Yan nang ma-engage sila noong 2014. Ikinasal sila noong February 14, 2015 sa Hacienda Isabella sa Cavite.
Noong kasal na sila ay saka pa lang daw sila mas nagkakilanlan ni Yan.
Paliwanag ni Yeng, "Seven years na kami. And when you look back, sinasabi sa akin ng asawa ko, 'Grabe, yung first two years ng marriage natin sobrang hirap kasi di talaga tayo magkakilala.'
"It was a risk na tinake naming dalawa."
Wala raw pinagsisisihan sina Yeng at Yan.
"You should be proud of yourself, and I feel proud sa relationship namin ng asawa ko. I've grown so much as person, as a woman, kasi ang dami naming differences na talagang nahasa kami sa isa't isa.
"Yung love, yung respect, natutunan ko kung ano talaga ang ibig sabihin nun in the context of husband and wife. To listen, to be patient with him as well as to be patient sa growth ko."
Mas na-appreciate ni Yeng ang simpleng saya na dulot ng buhay mag-asawa.
"Ngayon, sobrang mature na naming mag-asawa. Yung anniversary namin, sobrang simple lang, nag-camping lang kami.
"Walang bulaklak, walang cake, walang anything. Magkasama lang kami, nagkuwentuhan lang kami, not about sa aming dalawa, kami as friends.
"I think yun ang maturity sa relationship namin. I feel contented, I feel happy, I'm not looking for something extravagant.
"Yun ang importante, yung kayong dalawa. And I think nandun na kami sa level na yun ng asawa ko."

Kapag nagkaroon siya ng anak, hahayaan din daw niya itong mamili kung kailan at sino ang gusto nitong mapangasawa.
Saad ni Yeng, "Sa tingin ko, ganun din, kung ano ang freedom na ibinigay ko sa sarili ko na magmahal, gusto ko di takot ang anak ko, gusto ko matapang din siya no matter what.
"Gusto ko yung freedom niya, hawak niya sa mga kamay niya, hindi controlled of anyone kung sino ang dedesisyunan niyang mamahalin niya.
"Di ako magiging magulang na pipigilan ko siya.
"At the end of the day, gusto ko powerful ang anak ko sa kanyang desisyon.
"At the end of the day, pag nagkamali ka, kasalanan mo yun. Pag may di magandang nangyari, kasalanan mo pa rin yun."
