Carla Abellana, nagpahiwatig na may third party sa hiwalayan nila ng asawang si Tom Rodriguez?
Isang buwan makalipas ang balitang nag-break sila, pasabog ang pahiwatig ni Carla kung ano ang dahilan ng sinasabing marital issue nila ni Tom.
Tila sinang-ayunan ni Carla ang komento ng netizen na tinawag na "cheater" si Tom.
Nag-ugat ito sa Instagram post ni Tom kahapon, February 24, 2022. Nag-promote siya ng pelikula nila ni Meg Imperial, ang The Last Five Years, na tungkol sa longtime couple na nasa bingit ng hiwalayan.
"Nakilala, nagmahal, nasaktan. Kailan ka huling umiyak dahil sa pag-ibig?" bahagi ng caption ni Tom.
Sa comments section, ni-like ni Carla ang tahasang akusasyon ng netizen na "cheater" si Tom.

Hindi iyon nakaligtas sa mapanuring netizens na napansin ang reaksiyon ni Carla.



Bukod dito, may isa pang pagkakataong nag-like si Carla sa komento ng netizen tungkol kay Tom.
May ginawa kasi si Tom na NFT artwork gamit ang cowboy hat ng kanyang ama.
"Malungkot Ang daddy mo Ngayon sa nanyayari sau magayos kau ne Carla magiging maligaya daddy mo in heaven," komento ng netizen, published as is.

Ni-like ni Carla ang comment na iyon.

THE REPORTED BREAKUP
Hindi kaila sa publiko ang balitang third party diumano ang dahilan ng marital problem nina Carla at Tom.
Unang inulat ng PEP Troika sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang tungkol sa sinasabing hiwalayan ng couple.
Read Tom Rodriguez at Carla Abellana, hiwalay na tatlong buwan lamang pagkatapos ikasal?
Agaw-pansin din noon ang cryptic post ni Tom sa IG na may mensaheng hindi niya alam kung dapat siyang manatili o umalis sa kung anumang pinagdadaanan niya.
Read: Tom Rodriguez has cryptic post about leaving; is it related to Carla Abellana?
Pati si Carla ay may repost sa IG tungkol sa iba-ibang klase ng luha, at kung paanong ang "tears of grief" ay isang paraan para maibsan ang bigat na nararamdaman ng taong may pinagdadaanang depression.
Napagtibay ang balitang may problema ang couple nang mapansing tila nag-unfollow-an ang mga ito sa Instagram, at makalipas ang ilang oras ay nag-follow back muli sa isa't isa.
Kasunod nito, umugong ang espekulasyong third party ang dahilan ng hiwalayan nila.
Nadawit sa isyu ang The World Between Us co-star ni Tom na si Kelley Day.
Isang araw pa lang iyong usap-usapan sa social media ay agad na pinabulaanan ni Kelley ang pag-uugnay sa kanila ni Tom.
FIXING THE ISSUE OR NOT?
Sandaling tumahimik ang isyung hiwalay na sina Carla at Tom, na parehong tikom-bibig ukol dito.
Hanggang sa noong February 12, nag-iwan ng "I love you" si Tom sa Instagram post ni Carla.
Pero kapansin-pansing hindi nag-react si Carla sa mensahe ni Tom.
Read: Tom Rodriguez tells Carla Abellana "I love you" on Instagram; Carla says "ILY" to friends
Nito ngang February 22, binasag ni Carla ang kanyang pananahimik nang bigyang-linaw niya ang follow-unfollow issue sa kanila ni Tom.
Hindi man direktang pinangalanan ni Carla si Tom, malaman ang mensahe ng aktres na hindi siya ang tipo ng taong mag-a-unfollow sa importanteng tao sa buhay niya.
Pang-"grade school" daw ang ganung estilo, liban na lang daw kung gamitin ito para sa isang "spiteful game."
Ipinakita pa ni Carla na may option sa Instagram na "remove follower," na tila nagpapahiwatig na hindi man niya gustuhin ay posibleng ma-unfollow niya ang kanyang follower sa Instagram.
Nang araw na iyon ay may Instagram Story rin si Tom na nawawala ang likes ng isang Instagram follower kung ito ay blinock ng pina-follow nito.
Nag-peace sign pa si Tom, na waring nagbibigay ng mensahe sa kung sino mang blinock niya sa Instagram.
Read: Carla Abellana breaks silence about unfollow-follow issue; Tom Rodriguez deletes similar post
Sina Carla, 35, at Tom, 34, ay parehong Kapuso stars.
Una silang nagkatambal sa My Husband's Lover (2013), at huli silang nagkatrabaho sa Love of My Life (2020-2021) na isa ring hit Kapuso prime-time series.
Higit pitong taon silang magkasintahan bago nagpakasal noong October 23, 2021.
Bukas ang PEP.ph sa anumang pahayag ng mga personalidad na nabanggit sa artikulong ito.
