Sa Bohol magba-Bagong taon sina Sunshine Cruz at Cesar Montano kasama ang kanilang mga anak.
Base sa Instagram posts ng dating mag-asawa, sasalubungin nila ang 2023 sa Bohol, kasama ang kanilang mga anak na sina Angelina, Samantha, at Franchesca.
Indikasyon ito na tanggap na nina Cesar at Sunshine ang kanilang extended family set-up.
Nag-post ng video si Cesar ngayong Biyernes, December 30, 2022, ng video na kuha sa Virgin island, Panglao Beach, Bohol.
Naka-tag sa kanyang post ang anak na si Diego Loyzaga at tatlong anak kay Sunshine, gayundin ang current partner ng actor na si Kath Angeles.
Ang paternal side ni Cesar ay tubong Baclayon, Bohol.
Ngayong araw, sunud-sunod din ang Instagram Stories ni Sunshine tungkol sa excitement niya dahil sa “new adventure” kasama ang kanyang mga anak.
Sa mga sumunod na posts ay matutukoy na nasa isang beach resort ang aktres.
Sa isa niyang post ngayong Biyernes, sinabi ni Sunshine na sa Bohol nilang mag-iina sasalubungin ang 2023.
Ani Sunshine (published as is): “It’s been a while Bohol. Happy to be able to spend time with my girls and celebrate new year here.”
May kanya-kanya ring posts sina Angeline at Samantha na nasa dagat.



BLENDED FAMILY
Nitong mga nakalipas na buwan, makikita sa mga posts na mas maayos na ang relasyon nina Sunshine at mga anak kay Cesar.
Nakasama nina Sunshine ang partner ni Cesar at ang mga anak ng aktor sa mga dating nakarelasyon.
Nangyari ito sa kaarawan ni Samantha noong Augusto 2022 at naulit sa kaarawan ni Angelina noong September 2022 .
Ikinasal sina Sunshine at Cesar noong 2000, at na-grant ang annulment nila noong 2018.
