Malaking break para kay Dave Bornea ang pagkakasama niya sa pelikulang Oras De Peligro.
Kasama niya rito sina Cherry Pie Picache bilang Beatrice at Allen Dizon bilang Dario.
“Ako po dito si Jimmy, anak nina Beatrice tsaka ni Dario. Kami yung pamilya na naka-experience ng police power tripping,” umpisang kuwento ni Dave sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).
Pagpapatuloy ng Sparkle artist, may anggulo ng police brutality ang kuwento ng pamilya nina Jimmy.
“As na-experience ng father ko dun sa movie, which is si Dario, so iyon po, and then sa family din, of course, apektado.
"Kasi nga ano na, e... kumbaga nagiging rebelde na, it’s because of the happenings sa istorya, kaya ayun, ayoko lang kasi masyadong i-spoil kasi.”
Dahil may mga eksena ng police brutality, naging physical challenge ba para kay Dave ang pag-shoot nito? Binugbog ba siya sa pelikula?
Paglinaw ng aktor, “Hindi, yung police brutality na what I mean is yung sa istorya, so sa nangyari sa tatay ko, kung ano yung ginawa ng mga pulis sa kanya.
"Pero sa amin naman yung ano lang, yung power tripping lang na anytime puwede kayong dukutin. Kung sa tingin nila alam mo yun, wala kang rights as a civilian.
"Kasi nga kung ano sa tingin nila, e, iyon yung parang... alam mo yun, yung ginagawa na sa tingin nila sila yung tama lagi, mga ganun.”
Maaring ganito ang naging karanasan ng kanyang karakter, pero ano ang tingin ni Dave sa mga pulis sa tunay na buhay?
Pagklaro niya, “Sa tunay na buhay ano e, ayoko naman i-close yung door, yung meron namang mababait, meron ding kups na pulis. Balance, balance lang din.
“Pero alam mo yun, as long as ginagawa lang nila yung trabaho nila and naniniwala ako na meron pa ring… marami pa ring mababait na pulis.”
Nahuli na ba si Dave ng pulis?
“Ako? So far, wala pa naman. Mga enforcers lang, pero sa pulis, never pa. Checkpoints, yung mga ganun, pag nagmo-motor, ganyan.”
working with co-stars
Masasabi ni Dave na ang role niya dito sa Oras De Peligro ang pinakamabigat sa kanyang buong acting career.
Pagtitiyak niya, “Oo, kasi mabigat, aktingan talaga po, e. Saka hugot ka talaga ng hugot. So it’s a challenging role din."
Aminado naman si Dave na noong una, na-intimidate siya sa kanyang co-star na si Cherry Pie.
“Nung una medyo na-intimidate ako, kasi nga it’s my first time working with her. Pero yun nga, hindi ko naramdaman sa kanya na kailangan akong ma-intimidate, kasi nga sobrang open niya. I mean, feel na feel ko na nanay ko talaga siya.”
Kung ilalarawan niya ang kanyang experience working with Cherry Pie, ani Dave, “Sobrang ano po, sobrang magaan, sobrang jolly, sobrang nakakatuwa.”
Para kay Dave, si Allen naman ay isa ring magaling na aktor.
“Opo, pero sa eksena kasi na ‘to, medyo hindi kami gaanong nagka-eksena ni Kuya Allen, kasi nga sa simula pa lang, di ba… ayokong mag-spoil,” ang natatawang pambibitin ni Dave.
HEAD TO HEAD WITH MARTYR OR MURDERER
Sa March 1, 2023, ipapalabas sa mga sinehan ang Oras De Peligro, sa direksyon ni Joel Lamangan.
Makakatapat nito ang Martyr Or Murderer, ang pelikula tungkol sa mga Marcoses.
Ano ang reaksyon ni Dave tungkol sa tapatang ito?
Pag-amin niya, “Actually, wala po ako talagang idea e, outdated nga ako sa mga nangyayari kasi medyo lie-low muna ako sa social media, so more on nag-a-upload lang ako, pero outdated ako sa mga nangyayari sa social media.
“Kung meron mang ganun, if they produced that movie, e di good for them, ganun. Basta sa amin, this film is our truth, so yun.”
Bukod kina Dave, Allen, at Cherry Pie ay nasa cast rin ng Oras De Peligro sina Therese Malvar, Alan Paule, Mae Paner, Timothy Castillo, Alvi Siongco, Crysten Dizon, Jim Pebanco, Nanding Josef, Apollo Abraham, Marcus Madrigal, Rico Barrera, Elora Espano, at Gerald Santos.
Mula ito sa Bagong Siklab Productions ni Atty. Howard Calleja, sa panulat nina Bonifacio Ilagan at Eric Ramos.
Nakausap ng PEP.ph si Dave sa mediacon ng Oras De Peligro nitong Linggo, February 12, 2023, sa Max’s Restaurant sa Roces Avenue.
blessed to work with gma-7
Apat na taon pa ang kontrata ni Dave sa Sparkle, at ayon sa Kapuso actor, wala siyang balak lumipat ng network.
Pagpapasalamat niya, “Happy ako sa network ko, I’m so blessed kasi for [the] seven years of my career wala akong… hindi ako natengga, magaganda yung mga trabaho na binibigay nila sa akin. So yun lang, I’m just giving them back the love and loyalty lang din sa kanila.”
Huling napanood si Dave sa Apoy Sa Langit noong May 2022, at muli siyang mapapanood sa Mga Lihim Ni Urduja, ang upcoming “megaserye” ng GMA.
Magpapaka-aksyon-aksyon si Dave sa Mga Lihim Ni Urduja.
Lahad niya, “Opo, kasama ko sila Kylie [Padilla] dun, kami yung parang partners as pulis.”
Samantala, hindi dapat iisyu si Dave kay Kylie dahil mayroon siyang girlfriend ngayon.
Pagkumpirma niya, “Opo meron, non-showbiz, pero mas gusto ko siyang private.
"Pero pag may tinatanong naman sa akin I would say yes. But I just don’t wanna talk about it, kasi mas gusto kong may privacy, e.”
Bagu-bago pa lang daw sila ng kanyang girlfriend, kaya hindi niya masasabing mas okay na non-showbiz ang girlfriend.
Aniya, “Depende, depende din sa tao yun, e. Depende din yun sa connection sa inyong dalawa.
"Hindi naman ako nagbe-base dun kung mahirap ba or ano, sa akin lang yung connection lang ng tao, that’s it.”
May girlfriend man o wala, si Dave ang isa sa mga hunk actors ng GMA na pinagpapantasyahan sa Instagram.
Ano ang mensahe niya sa mga nagpapantasya sa kanya?
“Ano lang, gawin niyo lang akong inspirasyon, yun lang naman talaga yung purpose ko—makapagbigay lang ng inspirasyon sa mga taong nanonood sa akin.
“Iyon lang, sana mahawahan kayo ng enerhiya ko, alam mo yun, to inspire you na gawin din yung lifestyle ko, doing some good stuff.
"Tsaka the intention is to give some good vibes sa kapwa lang din, gawin niyo rin yun.”
