#EatBulagaWar
Isang matalinghagang mensahe ang ibinahagi ni former Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa kanyang Instagram ngayong araw, March 3, 2023.
May kalakip itong larawan niya at ni Tony Tuviera, ang isa sa founding owners ng TAPE Inc., ang producer ng noontime show na Eat Bulaga!
Sabi ni Tito sa caption, “Tito and Tony last night! Who says we’re splitting?”
View this post on Instagram
Bilang isa sa mga haligi ng Eat Bulaga!, maituturing na malaman ang mensahe ni Tito.
Ito ay sa gitna ng bali-balitang magkakaroon umano ng "major rebranding" ang longest-running variety show sa bansa, kunsaan apektado umano ang mga original hosts ng show.
Ang mga itinuturing na original hosts ng Eat Bulaga! ay sina Tito, Vic Sotto, at Joey de Leon kung saan nakilala ang kanilang grupo bilang TVJ.
INTERNAL PROBLEM in eat bulaga?
Diumano, may internal problem sa management ng halos 44 taon ng noontime show.
Base ito sa ulat ng batikang showbiz columnist na si Cristy Fermin sa kanyang programang Cristy FerMinute kahapon, March 2, 2023, sa One PH.
Ayon kay Cristy, "Siguro po ay marami sa inyo ang nagulat sa aming teaser kanina tungkol sa matinding gulo sa Eat Bulaga! Nabanggit natin yung titulo ng programa.
"Kasi kung mapapansin po natin yung mga naglalabasan pong balita, longest-running variety show, noontime variety show.
"Ano po ba yan? Eat Bulaga! lamang, yan naman yun talaga.”
May isang tao raw, na kabilang sa nagpapatakbo ng show, ang nais patalsikin sa management.
Patuloy ni Cristy, "Mayroon pong internal na problema na nagaganap sa programang ito.
"Hindi po kami magbabanggit ng mga pangalan, pero meron po talaga.
"At hindi naman kasi isang tao lang po ang nagpapatakbo o nagmamando ng Eat Bulaga!
"Ito po ay isang korporasyon, marami po sila dito sa TAPE Incorporated. Maraming namuhunan, maraming magkasosyo.
"Pero ang balita, merong isa na mahal na mahal natin, isang ehekutibo na gustong tanggalin, sipain, sa pamamahala ng programa.
"E, pinakamahal pa naman siya ng lahat."
Ayon pa kay Cristy, isang source ang nagpaabot sa kanya na matagal na umano ang iringan na ito sa ng management ng Eat Bulaga!
Kung tuluyan umanong mapaalis ang nasabing ehekutibo, sinasabing malaki ang posibilidad na sumama rito sa ang mga haligi ng noontime show.
"Alam mo, merong isang source na kakuwentuhan ko kanina, na hindi nanununog at hindi nangunguryente, bago pa pala nag-pandemya isyu na yan, e," saad ni Cristy.
Dagdag niya, "Isyu na talaga yan. May gustong tanggalin talaga na nagmamando doon sa kabuuan ng programa.
"Ang masakit, eto, siyempre umikot na ng umikot ang mga kuwento, di ba?
"Yun pong mga hosts, existing hosts ng programang ito, kapag tinanggal yung pinag-iinitan na ehekutibo at namumuhunan, sasama silang lahat sa tao na yun.
"Sino ngayon? Ano ngayon? Ano ang magaganap ngayon?
"Mula Aparri hanggang Jolo pinag-uusapan to."
JALOSJOS WANTS TUVIERA OUT, SAYS BILYONARYO
May karagdagang impormasyon ding lumabas sa hiwalay na ulat ng Bilyonaryo.com ngayong araw, March 3, 2023.
Ayon sa source ng news site, sangkot sa isyu si dating Congressman Romeo Jalosjos, na isa sa nagmamay-ari ng TAPE, na nagproprodyus ng Eat Bulaga!
Ang artikulo ay may pamagat na, "High noon showdown: Romy Jalosjos plotting to kick out partner Tony Tuviera and Tito, Vic & Joey from ‘Eat Bulaga."
Sabi sa report, "Jalosjos wants to kick out Tuviera and TVJ out of the show. He just waited to Tito to get out of politics before launching his takeover bid."
Ang tinukoy na TVJ ay sina Tito, Vic, at Joey.
Tila sinusuyo umano ng kampo ni Jalosjos ang iba pang co-hosts ng show, partikular na ang mga komedyanteng sina Jose Manalo, Wally Bayola, at Allan K na pumanig sa kanya.
Sina Jose, Wally, at Allan K daw gustong ipalit ni Jalosjos na nagsabi umanong “tumatanda” na ang TVJ.
Gusto rin daw ni Jalosjos na ipalit kay Maine Mendoza ang kanyang anak na babae sa noontime show.
Ayon pa rin sa Bilyonaryo.com, nagkaroon kagabi ng emergency meeting sina Tuviera kasama sina Tito, Vic, at Joey. Present din daw ang iba pang Dabarkads upang mapag-usapan ang kasunod nilang hakbang.
Una nang naiulat ng PEP Troika ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), nitong nakaraang March 1, ang impormasyon tungkol sa isang long-running show na magkakaroon ng malaking pagbabago sa pag-alis ng isang well-loved personality.
Read: Long-running show, magkakaroon ng malaking pagbabago sa pag-alis ng isang well-loved personality
Wala pang opisyal na pahayag na inilabas ang magkabilang kampo ukol dito.
Nananatiling bukas ang PEP.ph sa anumang pahayag ng mga personalidad na nabanggit dito.
