Muling naungkat ang pagkaka-link ng 22-year-old Kapuso actress na si Faith da Silva sa veteran actor na si Albert Martinez, 62.
Read: Faith da Silva asked if she had relationship with Albert Martinez: “Nagustuhan ko siya.”
Nang nakapanayam ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) si Faith sa mediacon ng primetime series na Maging Sino Ka Man, binanggit niyang madalas ay matured guys ang nagkakagusto sa kanya.
"Medyo lapitin ako ng mga ganyan. Medyo lapitin ako ng mga may relationship na mga tao, kahit hindi asawa. Kahit may mga dyowa-dyowa lang.
"Siguro kasi akala nila makukuha nila ako, di ba? Pero mataas yung respeto ko sa sarili ko, e," pahayag ni Faith.
Matagal na raw siyang single. Pero kung sakaling pumasok siya sa panibagong relasyon, mas gusto niyang mas matanda sa kanya.
"Mas prefer ko pa rin yung mature na guys. Mas tinututukan ako, mas nasusuportahan ako, at saka feeling ko, mag-a-align kami," paliwanag ng Kapuso actress.
Naniniwala si Faith na mas maggu-grow siya kung lalaking mas matanda sa kanya ang makakarelasyon niya.
"Kasi ang feeling ko, merong magga-guide and magpu-protect sa akin bilang isang babae, di ba?
"Ako kasi, pag relationship ang pinag-uusapan, kailangan mag-benefit ako from you. Hindi lang material things. Kailangan yung growth ko bilang isang tao, nandodoon din.
"Siyempre yung suportahan natin. Siyempre ngayon, mostly career talaga yung pina-prioritize ko.
"And I could see, magtu-two years na ako walang ka-text, walang ka-chat, walang anything," nakangiti niyang pahayag.
Umiiwas lang daw si Faith sa lalaking may sabit. Kadalasan kapag nasa matured men, may asawa o merong ibang karelasyon, di ba?
"Hindi ako makipag-relationship with someone na alam ko hanggang dito lang," diin ni Faith.
"Kailangan, kahit in the future, kahit na... kasi parang, since ang tagal ko na nga po na naging single, tumaas na yung self-respect ko. So, hindi ko hahayaan na mapunta ako sa ganung sitwasyon.
"Siguro, kahit man lang ano sana, annulled or divorced, di ba? O kahit mag break muna kayo saka mo ako kausapin."
ON BEING LINKED TO ALBERT MARTINEZ
Dito muling itinanong ng PEP.ph si Faith kung ano talaga ang namagitan sa kanila ni Albert Martinez, na nakasama niya sa Kapuso afternoon drama series na Las Hermanas. Totoo bang na-in love siya sa beteranong aktor?
Read: Faith Da Silva, 20, neither confirms nor denies relationship with Albert Martinez, 60
"Siyempre yung kay Direk Albert, I can only answer for myself, di ba?" pasakalye ni Faith.
"Kung ma-fall, siguro masyado pang malalim para sabihin kung ma-fall ako. Pero yung appreciation ko sa kanya, at siguro sa pagkagusto ko sa kanya nung mga time na yun, it was really there.
"It was apparent naman sa akin.
"Pero mahirap yung sitwasyon kasi siyempre biyudo po siya. At saka mahal na mahal niya po talaga yung wife niya. Na kapag nag-uusap po kaming dalawa, siya po lagi niyang kinukuwento."
Ang misis ni Albert na si Liezl Sumilang-Martinez ay pumanaw dahil sa mga kumplikasyon sa breast at lung cancer, noong March 14, 2015. Siya ay 47.
Patuloy ni Faith, "Siyempre, ako din naman bilang respeto ko sa relationship nila, di ba? Nagtagal din naman po sila, di ba?
"At saka minahal talaga nila yung isa't isa, hindi ako sa pampagitna. O kahit wala naman akong papagitnaan, parang I don't wanna be involved in it, di ba?
"Kasi, aside from him being a director, bilang isang artista na kilala talaga, yung pagkatao po niya, mabait talaga siya, e. He's gentleman.
"Saka nung time na yun, galing po siya sa ABS-CBN e. So, sino naman po ang mag-aakala na magkakaroon pala kami ng partnership?
"Saka yung role po naming dalawa sa Las Hermanas ay mag-asawa kami. So, siguro mahirap din pong sabihin na... kahit sino naman po... siguro po kahit papano."
Umere ang Las Hermanas mula October 25, 2021 hanggang January 14, 2022.
Read: Albert Martinez, nagsalita na tungkol sa pagkaka-link niya kay Faith da Silva
Iginiit ni Faith na hindi talaga sila umabot sa sinasabing "dating" o nagkaroon man lang ng mutual understanding.
"Yung sa amin po, hindi ko masasabi na MU po.
"Napakalalim po ng character niya at napakamabuti niya pong tao," sabi ni Faith.
Wala raw munang panahon si Faith na makipagrelasyon dahil mas nakatutok siya sa trabaho.
Bukod sa regular taping niya sa Maging Sino Ka Man, meron din siyang daily show na TiktoClock.
Naka-focus din daw siya sa kanyang pag-aaral online. Nasa Grade 12 na siya sa Jesus dela Peña National High School sa Marikina City.
Aniya, "After ko sana mag-senior high school, meron sana akong mga plano na gusto kong i-try gawin.
"Ayoko lang po muna siyempre magsalita ng tapos, di ba?
"Kailangan ko po muna matapos yung Grade 12 ko bago ako magbigay ng any comment about it.
"Pero ang masasabi ko lang po, may mga bagay ako na gusto kong gawin in the future. And para magawa ko po yun nang excellent, gusto ko maging prepared ako in every area of my life."
