May ilang netizens ang nagtaka kung bakit wala si Kim Chiu sa kasal nina Maja Salvador at Rambo Nuñez.
Ikinasal sina Maja at Rambo sa Bali, Indonesia, noong July 31, 2023.
Read: Maja Salvador and Rambo Nuñez tie the knot in Bali, Indonesia
Sa YouTube, binigyang-linaw ni Kim ang tungkol dito.
Nagpaunlak si Kim na sagutin ang ilang katanungan ng netizens sa kanyang bagong vlog na “Cooking Tortang Talong with Q&A" na inilabas sa YouTube kahapon, September 24, 2023.
Isa sa tanong ay kung bakit absent siya sa kasalang Maja at Rambo.
Sa pagkakaalam kasi ng publiko ay malapit na magkaibigan sina Kim at Maja.
Tanong ng netizen, “Bakit po wala kayo sa kasal ni Ate Maja?”

Inamin ni Kim na hindi siya imbitado sa kasal nina Maja at Rambo.
Pero wala raw problema ito sa kanya dahil hindi naman sila "sobrang close" ng kapwa aktres.
Pahayag ni Kim, “Wala. Hindi naman kami sobrang close na ni Maja. And hindi na rin naman kami masyadong nag-uusap.
“And siyempre kapag kasal mo, gusto mo yung mga taong gusto mo lang… gusto mong nandidiyan to witness your love sa partner mo.”
Dagdag pa niyang natatawa, “Hindi ako naimbitahan! Pero okay lang, wala talaga."
Masaya raw si Kim para kay Maja at nagpalitan naman daw sila ng mensahe.
Lahad niya, “Sobrang happy ko para sa kanya and minessage ko naman siya. And na-touch din ako nung minessage niya ako dahil dun sa nangyari sa ate ko.
“Sabi niya, pinagpi-pray daw niya yung ate ko and sana daw okay lang ako. And nakausap ko siya nung may nangyari sa ate ko.”
Ang tinutukoy ni Kim na "ate" niya ay si Lakam Chiu na naospital noong April 2023.
Read: Kim Chiu appeals for prayers for sister Lakam’s recovery
Ayon pa kay Kim, masaya siyang nahanap na ni Maja ang kanyang forever.
Sabi niya, “Pero siguro sa kasal, hindi naman na importante kung imbitado ka o hindi basta sa sarili mo, masaya ka na nangyari sa kanya yun. Tsaka deserve nila ang isa’t isa, sila ni Rambo.
“Hindi naman mahalaga, isyu ba yun? Bakit, pagdating ko ba dun, e, hihinto ang kasal, bakit? Parang ganun.
“Hindi naman na siguro ako magma-matter kung present o hindi as long as happy ako na nahanap na niya yung forever niya. And yun si Rambo. Kaya congratulations, Mr. and Mrs. Nuñez.”
Masaya na rin ngayon si Kim sa piling ng boyfriend na si Xian Lim.
KIM-GERALD-MAJA CONTROVERSY
Dating malapit na magkaibigan sina Kim at Maja. Pero nagkaroon sila ng hindi pagkakaintindihan dahil kay Gerald Anderson.
Taong 2013, at kasagsagan ng teleserye nina Kim at Maja na Ina, Kapatid, Anak, nang nagkaroon sila ng alitan makaraang aminin ni Maja na nagde-date sila ni Gerald, ex-boyfriend ni Kim.
Kapwa produkto ng Pinoy Big Brother: Teen Edition, nauwi sa totohanang relasyon ang love team nina Kim at Gerald, na nagtapos noong 2010.
Kasunod nito, ilang taong hindi nagpansinan sina Kim at Maja hanggang sa mapaulat na nagkaayos sila noong April 2014.
Pagsapit ng 2015 ay nagkahiwalay rin sina Gerald at Maja.
August 2019, ikinatuwa ng netizens ang tila “restored friendship” nina Kim at Maja nang magkasama ang dalawa sa Kapamilya World Fiesta sa New Jersey.
Read: Kim Chiu, Maja Salvador flaunt restored friendship
