Umapela ng tulong ang beteranang aktres na si Daria Ramirez sa kanyang dating asawa na si Joey de Leon.
Si Joey ang ama ng dalawang anak ni Daria na sina Cheenee de Leon at Keempee de Leon.
Read: Keempee de Leon, naglabas ng sama ng loob sa taong "walang paki" sa kanya
Sa panayam niya sa YouTube vlog ni Ogie Diaz nitong Lunes, October 30, 2023, inamin ni Daria na walang-wala na rin siya ngayon, kaya naman naglakas-loob na siyang humingi ng tulong kay Joey.
Panawagan niya, “Don De Leon, baka naman, ano. Siguro naman nararamdaman mo, hindi mo lang pinapansin. Kailangan ko ng tulong mo.
"Baka naman maalala mo ako. Naghihintay lang ako.
"Hindi lang masabi ng mga anak natin dahil ayaw nilang gumitna."
Paglilinaw ni Ogie, "Tulong pinansiyal?"
Sagot ng aktres, "Oo, Pinansiyal.
"Hirap [ako] in a way na lack of financial.
"Every day iniisip ko, kanino na naman kaya ako lalapit para makabayad ng ganito, ng gano'n.
"Baka naman [Joey]. Sana man lang maramdaman mo na naging bahagi rin naman ako ng buhay mo.
"Kahit na kung ano man ang nangyari nung araw, nagpatawad na naman ako sa 'yo, di ba?
"Nagpatawaran naman na tayo, sana ilagay mo yun sa isip mo. Tapos na yun, e."
Read: Who is Joey de Leon alluding to in his “KAPALMUKS” post?
Napag-usapan naman na raw nila dati ang tungkol sa paghingi niya ng pinansiyal na tulong bago pa man niya sabihin kay Joey na magpa-annul na sila para maging legal na ang pagsasama nila ni Eileen Macapagal.
Si Eileen ang kasalukuyang asawa ngayon ni Joey.
Ikinasal sila noong March 2018 matapos silang biyayaan ng tatlong supling—sina Jocas Eightria, Jako Raphaelle, at Jio Sebastian.
Read: Joey de Leon marries long-time partner Eileen Macapagal
Kabilang daw noon sa mga hiningi ni Daria sa E.A.T. host ay ang matitirhan at monthly allowance lalo pa't wala raw siyang steady income.
Kuwento ni Daria, "Ako mismo ang humingi sa kanya ng annulment.
"Kasi sabi ko, 'Okey ka naman na, di ba? Magkasama naman na kayo [ni Eileen], tatlo na anak niyo. Ako naman nagkaanak na rin naman ako. E, san ba pupunta yun, di ba sa kasalanan. Kaya magpa-annul na tayo para at least maayos na.'
"Sabi niya [Joey], 'Ayan ba gusto mo?' Sabi ko naman, 'Common sense naman, ano ka ba, ang tagal niyo na nagli-live-in [ni Eileen] 'tapos ako dito nakanganga. Tanggap ko naman na.’
"'Sige', sabi niya. Kaya lang sabi ko, bilang nanay ng mga anak mo. Kung gusto mo, sabi ko, bigyan mo ako ng monthly [allowance] 'tapos kuha mo na ako ng place ko, para naman sabi ko may sarili akong place."
Sumang-ayon naman daw si Joey sa request na ito ni Daria, ngunit sa paglalahad ng aktres kay Ogie, hindi raw ito nangyari at natupad.
Read: Joey de Leon greets son Keempee on his birthday by posting throwback photo of Dabarkads
DARIA SAYS SHE DIDN’T SIGN ANNULMENT PAPERS
Pagpapatuloy ng kuwento ni Daria kay Ogie, siya man daw ang humiling kay Joey na tuldukan na ang kanilang pagsasama ay wala naman diumano siyang dokumentong pinirmahan na nagsasabing wala nang bisa ang kanilang kasal.
Nagulat na lamang daw siya nang mabalitaang kasal na si Joey kay Eileen.
Hindi na rin daw niya nagawang maghabol dahil naubos na ang kanyang pera noon sa kakabayad sa abogado para lamang sa kanilang annulment.
Aniya pa, "Naubos yung one million ko, na binayad ko doon sa lawyer ko. 'Tapos ang ending wala naman, defeated ako.
"Talo yung kaso ko, yung annulment.
"Annulled nga daw ako, e. Hindi ko alam paano ako na-annul. E, wala naman akong pinirmahang annulment papers.
“Tinawanan ko na lang, although nag-isip din talaga ako nung umpisa, ‘Bakit wala naman akong napirmahan? Annulled na pala ako. Ay, kinasal na. Ah, okey.'"
Wala rin daw siya noong nakuhang alimony o suportang ipinag-uutos ng korte na magkabayaran ang mag-asawa matapos nilang maghiwalay.
Kaya bukod sa tulong pinansiyal, hiling din daw ngayon ni Daria sa dating asawa na bigyan siya ng kopya ng annulment papers.
Mensahe ni Daria kay Joey, "Gusto ko rin sabihin sa iyo na bigyan mo naman ako ng kopya ng annulment papers, kasi kung ako pa lalakad, gastos.
"Yung gagastusin ko e ibibili ko na lang ng pagkain ko.
Sundot na tanong ni Ogie, "Bakit kailangan mo pa ng annulment papers?"
Ani Daria, "Kasi siyempre para may katibayan na annulled na ako. Kailangan ko ng papeles.
"To show the people that I'm annulled. Para maalis na yung de Leon [sa apelido ko].
"How will I do that, if I don't have the annulment paper."
DARIA ON EILEEN: "KAUSAPIN MO SI JOEY...."
Sa bandang huli ng kanilang panayam, sa asawa naman ni Joey na si Eileen nanawagan si Daria, na sana ay maunawaan siya nito.
Wala naman daw siyang planong manggulo sa buhay nila ngayon.
Mensahe niya kay Eileen, "Congratulations, alam ko na masaya kayo at masayang-masaya rin ako para sa inyo.
"Kaya lang sana naman, Eileen, ma-realize mo naman na nagdaan din ang pamilya mo sa sitwasyon ko.
"Kausapin mo si Joey na ibigay naman yung aking hinihingi.
"Hindi ako nagpepresyo. Hindi naman ako gano'n kasuwapang.
“Hindi naman ako nakikipag-away. Sana ma-realize niyo naman na may isang tao kayong napabayaan o ayaw niyong lingunin—huwag naman.”
Read: Jimmy Santos surprises legit Dabarkads on Joey de Leon's birthday in 'E.A.T.'
Dagdag pa niya, “Bago ko ginawa itong [interview] na ito, matinding pagdarasal ang ginawa ko na walang gulong mangyari, walang away na mangyari.
"Ang akin lang ay yung kaluwagan ng dibdib naming dalawa [ni Joey], magkaroon na kami ng peace sa isa’t isa.”
Read: ‘E.A.T.’ apologizes to MTRCB for Joey de Leon’s “lubid” joke
