Kahit na sila ay kapwa actress/director, aminado si Gina Alajar na "takot na takot" siya nang maidirehe ni Laurice Guillen sa GMA series na Asawa Ng Asawa Ko (ANAK).
Ano ang saloobin ni Gina kapag ang direktor niya ay kapwa rin niya artista?
Bungad na kuwento ni Gina sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), “Na-direk naman na niya ako sa Salome [1981], iba naman ang dynamics nun.
"Pag artista naman ako, artista. And, of course, naging direktor ko na siya dati, ang tingin ko talaga sa kanya hindi artista, direktor talaga.
“So she’s very superior, you know, hindi ko lang nasabi kanina,” pagtukoy ni Gina sa ginanap na panel interview sa mediacon ng Asawa Ng Asawa Ko.
"Takot na takot ako sa kanya because, takot in the sense na kasi meron siyang standards, e.
“Like, you know, she doesn’t want script on the set, so kailangan bago dumating sa set at mag-blocking, saulo mo na dapat.”
Wala silang hawak na script habang nasa set ng taping ng kanilang serye?
“Oo, kaya siyempre I have to adjust to that, so I made sure na yung mga PA [personal assistant], ‘Mahaba ang linya ko, mag-aral muna tayo dito bago ako umakyat sa itaas’.
“Yun mga ganun. Kung hindi ko mamemorya ang linya, ‘O, diyan ka lang, ha, pag-ano i-feed mo sa akin,’ yung mga ganun,” wika pa ni Gina.
Ilang beses na ba niyang naging direktor si Laurice?
“Si Laurice…dalawang major [projects], Salome and this one. Pero in between kasi, merong mga TV shows, guesting-guesting na direktor siya, artista ako, like sa MPK [Magpakailanman], yung mga ganun.”
Read:
Gina Alajar remembers confronting a director: "You did this to me when I was young."
Laurice Guillen recalls reprimanding newbie for arriving on the set in pajama with pillow
gina alajar on directing laurice guillen
Bilang direktor din si Gina, naidirehe na ba niya noon si Laurice?
Tumatawang sagot ni Gina, “Hindi pa, ‘katakot! Nakakatakot yun.”
Paglilinaw naman ng actress/director, hindi niya tatanggihan ang oportunidad, pero siya ay "nenerbiyusin."
Paliwanag niya, “Of course, kasi meron siyang standard. Kasi she’s Laurice Guillen, she’s, you know, ano siya, magaling siya, marunong siya, di ba?
“Hindi ko…hindi ko inilalagay ang sarili ko na kapantay ko siya, kasi ako parang… compared sa aming dalawa, I’m still a newbie compared to her.
“Yung wala akong alam sa lahat ng nalalaman niya, so compared sa kanya…”
Pagpapatuloy pang pahayag ni Gina, “I really feel that, I really feel that, oido lang ako, e.”
Oido o play by ear, nag-observe at natuto through experience si Gina sa pagiging direktor.
Si Laurice naman ay nag-aral talaga ng film directing.
Pagpapatuloy niya, “And siya, you know, hindi ako puwedeng makalaban yung ano ba ang sinabi ni A Clockwork Orange dito [1971 film ni Stanley Cubrick], yung ano ba ang gusto ni Quentin Tarantino dito?
“Wala akong ganun, and she can talk lengthily about it, di ba? Ako, wala ako nun, so ako I’m just a newbie.”
Sa husay niya, newbie director pa rin ang tingin niya sa sarili?
“Hindi, hindi, hindi ganun, hindi ganun,” ang natatawang reaksiyon ni Gina.
Nakapanayam ng PEP.ph si Gina sa mediacon ng Asawa Ng Asawa Ko noong Martes, January 9, 2024, sa Harold’s Evotel sa Timog sa Quezon City.
gina on her role in asawa ng asawa ko
Gaganap si Gina bilang si Carmen sa Asawa Ng Asawa Ko, na pagbibidahan nina Rayver Cruz (bilang Jordan) at Jasmine Curtis-Smith (bilang Cristy).
Tumatak sa publiko ang seryeng Nagbabagang Luha na umere noong 2021. Pareho ba ang scope ng role ni Gina doon at dito ngayon sa Asawa Ng Asawa Ko?
“Dun, nanay ako ni Rayver, dito, son-in-law ko siya. Anak ko si Jasmine.”
Viral ang eksena sa Nagbabagang Luha kung saan ginulpi niya (bilang si Calida) si Claire Castro (bilang Cielo), at halos mamaga ang mga pisngi nito sa sampal noong matuklasan ang mga panloloko at kasinungalingan nito.
May makakatikim ba ng hagupit ng kamay ni Gina dito sa ANAK?
“Si Rayver sinampal ko, pero hindi pa ano, light-light pa. Si Liezel, sabi meron pa daw, e.”
Bukod kina Gina, Jasmine, at Rayver, kasama sa Asawa Ng Asawa Ko bilang lead stars sina Liezel Lopez as Shaira, Joem Bascon as Leon, at Martin del Rosario bilang Jeff.
Tampok rin sa Kapuso serye sina Kzhoebe Baker as Tori, Mariz Ricketts as Pusit, Jennifer Maravilla as Sawa, Patricia Coma as Pusa, Luis Hontiveros as Alakdan, Kim de Leon as Kuwago, Quinn Carillo as Leslie, Crystal Paras as Nonette, Billie Hakenson as Buwaya, Ian Ignacio as Igat, at Bruce Roeland as Bakulaw.
Ang Asawa Ng Asawa Ko ay napapanood tuwing 9:35 p.m. sa GMA Prime.
