Nagluluksa ang local entertainment industry dahil sa nakakagulat na balitang pumanaw na ang multi-awarded actress na si Jaclyn Jose.
Binawian ng buhay si Jaclyn dahil sa myocardial infarction o heart attack sa kanyang tahanan sa Marikina City noong Sabado, March 2, 2024.
Siya ay 60.
Kinumpirma ng PPL Entertainment, Inc., ang talent management na kinabibilangan ni Jaclyn, ang malungkot na balita.
Hindi pa binanggit dito ang dahilan ng pagkamatay ng aktres.
Ngunit nakikiusap ang mga naulila ni Jaclyn na ipagdasal ang kaluluwa ng aktres, at bigyan sila ng respeto at privacy upang ipagluksa ang pagpanaw nito.
Nakasaad sa kanilang Facebook post nitong Lunes ng hatinggabi, March 4:
"It saddens us to inform everyone of the untimely passing of Miss Jaclyn Jose (real name Mary Jane Guck).
"More details will be shared as soon as they are available.
"The Guck and Eigenmann families are requesting for everyone to please pray for the eternal repose of Miss Jaclyn Jose and for them to be allowed the respect and privacy to mourn her passing, and navigate these difficult times."
Naulila ni Jaclyn ang kanyang mga anak na sina Andi Eigenmann at Gwen Guck.
Si Andi ay anak ng aktres sa namayapa na ring aktor na si Mark Gil.
Si Gwen naman ay anak niya sa miyembro ng bandang “The Dawn” na si Kenneth Ilagan.
Mary Jane Guck ang tunay na pangalan ni Jaclyn.
Nakababatang kapatid siya ng dating aktres na si Veronica Jones.
Si Jaclyn ang kauna-unahang Pilipinong nanalo bilang Best Actress sa Cannes Film Festival ng France noong 2016. Nagwagi siya para sa kanyang pagganap sa pelikulang Ma' Rosa.
Read: Jaclyn Jose wins Best Actress at Cannes for Ma' Rosa

Jaclyn Jose in a scene from Ma' Rosa
Nagsimula ang acting career ni Jaclyn noong 1984 nang ipakilala siya bilang isa sa mga bida ng Chikas ng Baby Pascual Films and Associates. Launching movie nila ito ng mga kapwa baguhang aktres na sina Lovely Rivero, Tanya Gomez, Rachel Ann Wolfe, at Karla Kalua.

Mula noon, hindi na huminto si Jaclyn sa pag-arte.
Kahit nagbida sa mga sexy movie tulad ng White Slavery (1985) at Private Show (1986), ipinakita niya ang husay bilang aktres kaya paulit-ulit siyang nanalo ng mga acting award sa lahat ng mga award-giving body sa Pilipinas.
Pinatunayan ni Jaclyn na walang malaki o maliit na role para sa isang aktres na punumpuno ng talent dahil nagampanan niya nang buong husay ang lahat ng mga klase ng karakter na ipinagkatiwala sa kanya.
Read: Jaclyn Jose, naranasang sindakin ng sikat na sexy stars noon
Kabilang pa sa mga pelikulang ginawa niya na tumatak sa mga manonood at kritiko ay Celestina Sanchez Alyas Bubbles/Enforcer: Ativan Gang (1985), Takaw Tukso (1986), Misis Mo Misis Ko (1986), Itanong Mo Sa Buwan (1988), Macho Dancer (1989)...

The Flor Contemplacion Story (1995), Mulanay: Sa Pusod ng Dagat (1985), May Nagmamahal Sa 'Yo (1986), Curacha: Ang Babaeng Walang Pahinga (1988), Tuhog (2000), Minsan May Isang Puso (2001), Sarong Banggi (2005), at Serbis (2008).

Tumatak din sa mga manonood ang mga pagganap niya sa mga teleserye ng ABS-CBN at GMA-7.
Kabilang sa Kapamilya teleserye na ginawa niya ay ang Familia Zaragoza, Mula Sa Puso, Hiram, Ikaw Ang Lahat Sa Akin, Prinsesa Ng Banyera, Dyosa, Nagsimula Sa Puso, Kung Tayo'y Magkakalayo, Sabel, Reputasyon, at Kahit Puso'y Masugatan.
Ilan naman sa Kapuso drama series na ginawa niya ay Sana Ay Ikaw Na Nga, Makita Ka Lang Muli, Zorro, Mundo Mo'y Akin, My Husband's Lover, Akin Pa Rin Ang Bukas, Carmela, Ilustrado, More Than Words, Marimar, The Millionaire's Wife, Alyas Robin Hood, My Korean Jagiya, The Better Woman, The World Between Us, at Bolera.
Naiwan ni Jaclyn ang Kapamilya primetime series na FPJ's Batang Quiapo, kung saan gumanap siya bilang Jail Chief Supt./BGen. Dolores Espinas.
Read: Jaclyn Jose, balik-Kapamilya; pasok sa 'FPJ's Batang Quiapo'
Huling pelikula naman niyang naipalabas ang Broken Blooms noong 2023.
Hindi pa naipapalabas ang natapos niyang pelikula na Pieta, kung saan kasama niya sina Nora Aunor, Alfred Vargas, at Gina Alajar.
Read: Alfred Vargas, feeling nasa Marvel universe habang kaeksena sina Nora, Gina, at Jaclyn
Noong Setyembre 2022, inamin ni Jaclyn sa Cabinet Files na pumasok sa isip niyang magretiro sa pag-arte pero nagbago ang desisyon niya.
“I wanted to but I still have two years contract with GMA 7. I have to finish my contract. Akala ko expired na, my road manager told me hindi pa,” pahayag ni Jaclyn.
Read: Jaclyn Jose, binura ang "I am retiring" post; may two-year contract pa sa GMA-7