Kaarawan ngayong araw, Marso 19, 2024, ng National Artist na si Ricky Lee — ang scriptwriter na may pinakamaraming awards sa local movie industry at ang mentor ng napakaraming scriptwriters na naging direktor.
Siyempre pa, magtitipun-tipon ang mga kaibigan at anak-anakan ni Ricky ngayong Martes upang ipagdiwang ang kanyang ika-76 kaarawan.
Huling nainterbyu ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) si Ricky noong Pebrero 23 sa Sampaguita Hall ng St. Paul University-Quezon City, bago ang screening at talkback session doon ng pelikulang Anak (2000) na pinagbidahan nina Vilma Santos at Claudine Barretto.
Read: National Artist Ricky Lee reveals getting "bonus" from Vilma Santos after box-office success of Anak
Kabilang sa napag-usapan namin ni Ricky ang apat na milestones sa local movie industry this year — 20th Cinemalaya filmfest sa Agosto, 30th anniversary ng Manila Film Festival Scam sa Hunyo, 50th edition ng Metro Manila Film Festival (MMFF) sa Disyembre, at 100th birth anniversary ng National Artist na si Direk Eddie Romero sa Hulyo.
Read: Showbiz Anniversaries 2024: Manila FilmFest Scam, MMFF, Cinemalaya
RICKY LEE ON CINEMALAYA
Sa nakaraang dalawang Cinemalaya ay nag-book launch si Ricky.
Maraming Cinemalaya premiere screening ang dinadaluhan niya, dahil naging workshopper niya ang mga writer-director ng mga pelikulang iyon.
Read: National Artist Ricky Lee, may libro at pelikulang ilulunsad sa Cinemalaya XIX
“Tumatanggi lang akong mag-juror lagi sa Cinemalaya, kasi madugo, e. Saka karamihan, estudyante,” pagtatapat ni Ricky.
“So, usually tumatanggi akong mag-juror. Pero full ang support ko sa lahat ng entries.
“Kasi kadalasan, mga workshoppers yung gumawa, so I make it a point na sumuporta talaga sa Cinemalaya, and even yung QCinema.”
Speaking of book launch, dadalo pa rin ba siya ng book fair kung saan ibebenta ang mga libro niya at merch?
Read: National Artist Ricky Lee speaks up about "hawi" incident with Pia Wurtzbach at book fair
Tumango si Ricky, “Of course… magde-devote na ako ng time para sumuporta — sa pelikula, sa literature, sa TV, kumonekta sa mga tao. Lalo na yung kabataang filmmakers.”
Nakakapagod iyon, di ba? Nawawalan siya ng oras para sa kanyang sarili.
“Nagma-manage lang. Nung naging National Artist ako, ang hirap, kasi ang dami-daming imbitasyon,” pagtatapat ni Ricky.
“Kabi-kabila. So siguro 70 percent, kailangang tanggihan. Pero yung 30 percent, kung anong maise-share ko. So, OK naman. Masayang kumonekta.
“Actually, masayang kumonekta sa mga kabataan ngayon, filmmakers, writers. Kasi they’re so full of energy and dreams and passion.”
Makakapagbakasyon pa ba siya? May magagawa pa ba siyang hindi related sa trabaho?
Napangiti si Ricky, “Puro related, e. Like nung MMFF, bilang suporta, pinanood ko the 10 films sa sinehan, pumila ako talaga.
“Para maramdaman ko, kami ng assistant ko, si Adel [Abrigonda]. Para maramdaman ko…”
Andaming moviegoers araw-araw sa 49th MMFF!
“At pumipila ako.”
May priority lane para sa senior citizens, PWD, at pregnant women, di ba?
“Mas mahaba pa minsan yung lane para sa senior citizens. Dinaanan ko lahat yun, for all the 10 films,” sabi ni Sir Ricky.
“Gusto kong maramdaman, at gusto kong ipakita yung suporta ko sa industriya. Industriya natin ito.”
Read: Ricky Lee grateful for the opportunity to give back after being named National Artist
RICKY LEE'S LOVE STORY WITH THE MMFF
Wagas ang “love story” ni Ricky Lee with the MMFF.
Sa 49 taon ng MMFF, nagwagi ang screenplay niya para sa Moral (1982); Olongapo, The Great American Dream (1987) with co-writers Frank Vrechek and Allan Cummings; Andrea, Paano Ba Ang Maging Isang Ina (1990) with Gil Portes; Ang Totoong Buhay ni Pacita M (1991); Takbo… Talon… Tili… (1992) with Jose Bartolome; Muling Umawit Ang Puso (1995); Jose Rizal (1998) with Jun Lana and Peter Lim; at Muro Ami (1999) with Jun Lana.
Tinanggihan niya ang award para sa Olongapo, The Great American Dream.

Cesar Montano in Jose Rizal
“All through this time, hindi nawala ang MMFF. Nag-survive siya. Nakipaglaban siya na nandiyan siya lagi!” bulalas ni Ricky.
“Imagine, 50 years, and eto naman ang nagiging puna natin sa kanya every now and then. Marami rin siyang malalaking achievements na nagawa.
“And ako personally, I think nakilala ako ng mga tao dahil tatlo ang nominations ko noon — Moral, Haplos, Himala.
“And I think after that… dati, ayokong may attention ang public. Ayokong masyadong lantad.
“But after that, wala na. Dun ako nakilala na, dahil sa MMFF Awards na yun.”
Iyon ang una’t huling MMFF awards night kung saan ang tatlong mahigpit na magkakalaban sa kategoryang best screenplay ay pawang akda ng isang tao.
RICKY LEE ON MANILA FILMFEST SCAM
Matapos ang Manila Film Festival Scam noong Hunyo 1994, bumagsak ang local movie industry. Sumemplang ang Pinoy movies.
Flop maging ang MMFF noong Disyembre 1994 kung saan walang napiling best picture, best directot, best screenplay, at Gatpuno Antonio J. Villegas Cultural Award.
Read: Lolit Solis looks back on Manila Film Festival 1994 scam she masterminded
Read: UNTOLD STORIES: Details Lolit Solis has never revealed about Manila Film Fest Scam
Paniniwala ni Ricky, “Sa akin, healthy yung bumabagsak, umaangat, bumabagsak. Pag steady lang na horizontal, wala yung fire na explosion ng pataas.
“So, sa akin, natural na rhythm yan whether ng buhay, or ng ano pa mang bagay sa mundo natin ngayon na bumababa, umaakyat, bumababa, umaakyat.
“So, that’s why optimistic din ako, e. Kasi sinasabi nilang, ‘Naku, namamatay na ang industriya! Ang pelikulang Pilipino. Naku! Mamamatay ang MMFF or ano.’
“Sa akin, bumabagsak lang siya para magpanibagong-bihis, then aakyat ulit.”

Gretchen Barretto, Miss Mauritius Viveka Babajee, and Rocky Gutierrez presenting the Best Actress award at the Manila Film Festival 1994 awards night
RICKY LEE ON making movies in the past
Hindi nakatrabaho ni Ricky ang kapwa National Artist na si Direk Eddie Romero, na nagsusulat din ng screenplay.
“Pero naging magkaibigan kami ni Eddie. Marami akong hindi nakatrabahong mga direktor na naging kaibigan,” pagsisiwalat ni Ricky.
“And maraming plano. Celso Ad. Castillo, nagplano kami ng maraming project na hindi natuloy. Mario O’Hara.
“Sayang. Marami kaming inupuang projects. It happens, e. May natutuloy, may hindi.”
Read: Showbiz History: The great Lino Brocka questions MMFF 1977 winners; walks out in protest
Nakaka-miss ba ang mga klase ng pelikula dati na sinu-shoot ng 19 or more days? Gaya ng mga obra ni Eddie Romero na Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon? (1976) at Aguila (1980).
Pag-ayon ni Ricky, “Sayang, sayang. Sayang, and apektado lahat. Mula sa writer na lang, e. Like, minamadali ako.
“And then, maski na anong pagsusulat ang gawin ko, conscious ako na, ‘Naku! Six to nine days lang ito magsusyuting. Hindi ko puwedeng gawing masyadong mahirap ang mga eksena.”
Hindi na rin puwedeng gawin iyong tipo ng Himala (1982) na isang buwan syinuting ni Direk Ishmael Bernal, at may finale na 3,000 ang mga ekstra.
“So ngayon, baka i-post prod na lang yung dami ng ekstra,” pakli ni Ricky.
CGI (computer-generated imagery) na lang, special effects.
“Yun pa ang isa na nakaka-miss. Bukod sa yung budget at number of shooting days… less siyang pinapakialaman ng technology,” lahad ni Ricky.
“Like in the case of Himala, walang daya. I mean, daya, not in the negative sense. Pero part ng technology ngayon, e, yung, ‘Dayain na natin ito. Lagyan natin ng ganito. CGI na lang.’
“That time, medyo may purity yung paggawa ng pelikula. Pero mas nakaka-miss yung number of shooting days.
“Kasi, Himala took one month. Karnal [1983], I think one month and a half.
“So, ang maganda kasi sa marami kang shooting days, may time kang mag-reflect din sa ginagawa, e.
“Di ba, pag nag-shoot ng so many days, may pahinga. Napag-aaralan uli, e. May pumapasok ulit sa utak mo na mas maganda pang magagawa.
“Nawala yun. Lalo na sa atin dito. Kumbaga, patipiran sila, pababaan ng budget. Pag nagawa ng isa ng PHP3M lang ang budget, ‘Dapat magagawa mo rin.’
“So, pababa siya nang pababa habang may nagiging peg sila…
“On the other hand, even if may konti akong ganung… hindi naman puna, observation, ‘Sana, mas maraming shooting days,’ and so on…
“Naa-appreciate ko rin na all these producers, no matter na nagtitipid sila, they keep doing films.
“Puwede rin namang sabihin nila, ‘Titigil na kaming gumawa ng pelikula.’ E pag tumigil sila, baka halos wala nang pelikulang magawa.
“So, na-appreciate ko naman lalo na itong mga producers na may pera man, kapos man sa pera, nalulugi man sa mga ginagawa nila, tuluy-tuloy pa rin silang gumagawa ng pelikula.”
RICKY LEE ON STREAMING SERVICES
Ano na ang nangyari sa collection niya ng laser discs?
“Nasa bahay pa rin. Hindi na magamit. Maski ang mga DVD ko, andami-dami. Wala, e. Streaming na.”
Nanonood pa rin siya ng DVD?
“Paminsan-minsan. Pero mostly, stream.”
Anu-ano ang nagustuhan niyang panoorin sa streaming services?
“Marami. Lately, nasimulan ko yung True Detective. Yung season 4, si Jodie Foster. Naka-two episode pa lang ako,” saad ni Ricky.
“Masipag akong manood. Part yan ng trabaho ko. And then like ngayon, may sinusulat akong gay novel. So, nag-i-immerse ako maski sa mga BL [boys love].
“So, nanood ako ng kataku-takot na BL—Thai, Taiwanese, and Korean.”
Sa gay novel na limang dekada ang sakop ng kuwento, may karakter na mahilig sa BL.
“Yung research ko ngayon, all over, e. Nag-iinterbyu kami ng iba-iba. From transsexuals to lesbians to gays to pansexuals,” pagmamatuwid ni Sir Ricky.
“Nagbababasa ako. Nag-i-immerse ako. So it’s mostly research and immersion, preparation sa pagsusulat ng nobela. Isa lang doon ang BL, isang aspect lang.”
