Sa halos apat na dekada ni Randy Santiago sa enterainment industry ay hindi pa siya napapanood na mag-perform sa concerts nang wala ang kanyang iconic shades.
Hindi naman lingid sa kaalaman ng marami na kirat ang isa niyang mata kaya tinatakpan niya ito ng shades.
Sa presscon para sa kanyang EYE CON concert na ginanap sa Limbaga Restaurant, Scout Limbaga, Quezon City, noong Miyerkules, April 3, 2024, ibinahagi ni Randy kung panoo nagsimula ang pagsusuot niya ng shades.
Nagkaroon daw ng cyst ang kanyang kaliwang mata noong bata pa siya at kinailangan niyang magpaopera.
Read: Randy Santiago happy to reconnect with Pinoy fans in U.S. concert tour
"Kuwento ko lang how it started, it was 1983," simula ng singer/actor/director.
"Iniisip namin na initially tatakpan lang namin yung mata ko sa kaliwa. Nagkaroon ng diperensiya yung mata ko, inoperahan ako nung Grade 2.
"I had to stop [school] so ni-repeat ko ulit yung Grade 2.
"Then lumaki ulit yung cyst, inoperahan ulit. Three times akong nag-Grade 2.
"Tinatanong nila kung bakit hindi ako nabu-bully. Hindi nila kaya dahil mas bata sila ng two years sa akin.
"Lumaki po akong mas matanda ako sa mga kaklase ko. Ayun, walang naka-bully sa akin all throughout."
Noong high school daw nagsimula ang pagsusuot niya ng shades upang matakpan ang isa niyang mata.
"In high school, I was wearing lighter shades.
"In college, I was also wearing lighter shades, until sa Cicada, tatakpan namin," pagtukoy ni Randy sa kinabibilangan niyang banda noon.
Pagpapatuloy niya, "Nilalagyan ko ng eye patch pero nahihirapan akong humawak ng microphone kapag nakatakip kasi hindi naman bulag yung dalawang mata ko, 20/10 to, e.
"Ang sabi ko, Tanggalin na natin tong patch na to at mag-shades na lang ako.
"Ayun, it started in 1983."
Read: Willie Revillame recalls humble beginnings as Randy Santiago’s sidekick
THE MAGIC OF RANDY'S SHADES
Ayon kay Randy, ang tanging pagkakataon na tinanggal niya ang kanyang shades sa harap ng kamera ay para sa La Luna Sangre, ang teleserye ng ABS CBN noong 2017 na pinagbidahan nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.
N-request daw ito ng direktor ng teleserye na si Cathy Garcia-Sampana.
“Ginawa ko lang tanggalin at ipakita yung kanang mata ko dun sa La Luna Sangre, ni-request ni Direk Cathy.
"Ayan yung problema ko po sa mga nagtatanong kung bakit hindi ako nagteteleserye. Paano naman ako magteteleserye lagi akong naka shades?
"Sitcom puwede. Pero teleserye, baka hindi bagay, e.
"Hayaan na natin si Kuya Rowell at Kuya Raymart na magteleserye," pagtukoy ni Randy sa kanyang dalawang nakababatang kapatid.
Aniya pa, “Sa totoong buhay, kapag kasama ko sila Kuya Rey [Cantong, musical director] and most of the guys, tinatanggal ko talaga yung salamin ko. Lalung-lalo na kapag nandun lang kami sa bahay.
"Sooner or later, makikita niyo rin ang mata ng Tito Randy niyo."
Maraming nagsasabing bagay naman kay Randy ang nakasuot palagi ng shades dahil guwapo naman ito at asset nga raw niya ang kanyang salamin.
“Yes, kahit papaano naging signature. Ang daming gustong dumukot ng salamin ko e, gusto nilang makita,” pagsang-ayon niya.
Maraming shades na pagmamay-ari si Randy dahil halos araw-araw ay nagpapalit ito ng salamin na ginagamit.
Saad niya, “Marami. Marami ring nagtatanong kung ilan na yung sunglasses ko. Hundreds.
"May mga sponsors po kasi tayo, e. Aside from sponsors, yung iba ang daming regalo.”
RANDY ADMITS HE'S NOW A SENIOR CITIZEN
Aminado si Randy na senior citizen. Hindi niya itinatagong magiging 64 years old na siya sa November 26, 2024.
Pero kumpara sa mga kasing-age niya, hindi halata sa hitsura niya ang kanyang edad dahil sa mukhang bata ito.
“I’m getting old. I’ll be turning 64," pakli niya.
"And siyempre, yung nakasanayan nilang galaw ko, e, siyempre hindi naman magandang kumakanta pa ako tapos yung galaw ko, e, may edad na ako.”
Tinanong ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) kung may plano na ba siyang mag-retire soon.
Sagot ni Randy, “Nope, hindi naman po, as long as they’re still there to watch me.
"Tsaka medyo maikot tayo ngayon, e.
"We do a lot of concerts also. So, yun, medyo maikot tayo.
“Aside from concerts naman, television is there. So, medyo may mga nagpaparamdam na bumalik tayo.”
ON WILLIE REVILLAME'S TV COMEBACK
Balitang babalik na si Willie Revillame at ang kanyang programang Wowowin sa TV5. Kasama ba si Randy sa pagbabalik-telebisyon ni Willie?
Read: Willie Revillame, kumpirmadong babalik sa TV5; Wowowin, eere pagkatapos ng Eat Bulaga!?
Tugon niya, “As a production, sa production siguro muna, I’ll be there to help him. So, definitely as a friend.”
Kilala si Randy na magaling mag-host at ilang beses na nga niyang nakasama si Willie. Hindi ba nito nami-miss ang hosting?
Pag-amin ni Randy, “Nami-miss, kakatapos lang namin ng Sing Galing, e.
"Pero ang hirap dun, hindi ako makaalis, which is of course singing when you’re abroad, hindi ka naman makakaalis-alis diyan. Hindi ka puwedeng magtagal ng isang buwan.”
Tungkol naman sa sitcom. Ayaw na ba niyang umarte?
Sabi ni Randy, “As a director, kapag sitcom, director ako.
"Naka-shades kasi ako, e. Alam mo namang sobrang dami ng limitasyon.
"Kahit yung mga teleserye, ginawan na lang namin, pinakita ko yung kanang mata ko just for the teleserye.”
RANDY SANTIAGO'S SECRET TO SUCCESS
Sa tagal na ni Randy sa industriya, ano nga ba ang secret to his longevity and success?
Pahayag niya, “Tumagal kami dito siguro dahil sa pakikitungo namin sa lahat ng taong nakakasama namin and, of course, malaking bagay po ang press people na hindi po nasira yung image namin.
"So, probably, kung yung imaheng napapakita namin sa industriya ay hindi maganda, I’m very sure na noon pa lang ay nasira na kami.
"Of course, I’m just so blessed dahil lahat ng nakasama ko ay nandun pa rin, especially the '80s group.
"Siguro yun din ang ipapabahagi namin sa mga susunod na henerasyon, na kung ano man yung maibibigay naming payo sa kanila, we are more than willing to do that and give it to them.”
Bilang matagal na sa industriya at masasabing successful ito sa kanyang career, ano yung payo na puwede niyang i-share sa bagong henerasyon?
“Marami, e. Sa landscape ng mga nangyayari ngayon, nakikita naman natin ang treatment with regards to how they are handled by their production, their managers, and all.
"Tayo kasi, kahit saan nabibitbit tayo, e. Kaya itinuturo rin namin sa kanila na huwag silang masyadong nagpapahawak.
"Although they have managements and managers, pero kasi minsan makikita mo na hinahatak na lang kaagad yung mga artist, hindi pa nakakausap yung ibang tao.
"Kung paano kami tumagal, wala pang nagko-control sa amin masyado dati. Kung kailangang makihalubilo kami for a longer time, nandun kami para sa tao," saad ni Randy.
Ano ang pakiramdam kapag tinatawag na siyang "legend"?
Ayon kay Randy, “Para matawag po ng mga kabataan na 'alamat' ay nakakataba po ng puso, honestly.
"So, it doesn’t mean na mamamatay na po kami, hindi naman sa ganun.
"Actually, ang gusto lamang nilang ipahiwatig ay respeto."
EYE CON CONCERT
Gaganapin ang EYE CON concert ni Randy sa PICC Plenary Hall sa April 12, 2024.
Makakasa niya rito ang ilan sa mga kaibigan niyang singers gaya nina Nina, Rachel Alejandro, Gino Padilla, Juan Miguel Salvador, at Pops Fernandez.
Kasama rin ang mga baguhang sina JM Yosures, Khimo, Lyka Estrella, JM dela Cerna, Marielle Montellano, Jezza Quioge, LA Santos, Six Part Invention & Calista.
Ang musical director ng concert ay si Rey Cantong, at ididirek naman ito Jay Clio Bermudez.
Kinumpirma naman ni Randy na hindi niya kakantahin sa concert ang ilan sa kanyang hit songgs, gaya ng "Hindi Magbabago."
Paliwanag niya, “It’s a concept so iniwan muna namin most of my songs.
"Actually, when we were doing the lineup, wala talaga yung kanta ko, e. Wala kasi we will bring them to the '80s, '90s, tsaka yung mga bago.
"So, kung mapapansin niyo, kinalimutan ko muna yung mga songs ko kasi gusto nga namin yung mga dance.
"Bahala na, ready naman si Kuya Rey."
View this post on Instagram