Pumayag na ang Superstar at National Artist na si Nora Aunor na gawin ang sequel ng pelikulang Bona (MMFF 1980).
Si Nora aka Ate Guy ang title role sa nasabing pelikula na idinirek ng National Artist na si Lino Brocka.
Katambal niya roon si Phillip Salvador, at si Nora mismo ang nagprodyus niyon sa ilalim ng kanyang NV Productions.
Ipinalabas ang Bona sa Director’s Fortnight ng 1981 Cannes International Film Festival.
Read: How PETA’S theatrical version of Bona will differ from the Lino Brocka classic film

BONA SEQUEL
Si Adolf Alix Jr. ang magdidirek ng sequel ng Bona, at malamang na nasa cast din nito si Sid Lucero.
“Nagpe-pre-prod po kami ngayon for the sequel of Bona,” pagbabalita ni Direk Adolf sa mediacon ng pelikulang X & Y noong Abril 13, 2024, Sabado, sa Sequoia Hotel, Mother Ignacia Avenue, Quezon City.
“May sequel po kasi ang Bona. Si Nora pa rin po ang sequel ng Bona. So, yung kuwento po, we’ll announce later. Kasi inaayos po yan ngayon.”
Maliban kina Nora at Phillip, nasa cast ng Bona sina Raquel Montesa, Rustica Carpio, Marissa Delgado, Venchito Galvez, Nanding Josef, Spanky Manikan, Joel Lamangan, Archi Adamos, at Ruby Ruiz.
Kasama pa ba si Phillip sa sequel ng Bona?
“Andun po, baka andun pa po. We’re trying to get some of the actors of the original film as the characters,” sabi ni Direk Adolf.
“Kasi we’ll follow po na… well, in a nutshell, yun lang po ang puwede naming sabihin, we’ll follow po na after what happened to them, ni Kuya Ipe.”
Mahigit apat na dekada na mula nang ipalabas ang Bona.
“Nung ni-restore po ng isang French company, ng Carlotta Films yung pelikula ni Ate Guy, pinalabas yung 10 minutes last year sa Cannes film festival,” saad ni Direk Adolf.
“Pinakita niya yung parts nung restoration, napakaganda po nung restoration. Parang bagung-bagong pelikula.
“Kaya last year na nag-usap kami ni Ate Guy, sabi ko, ‘Ate Guy, baka puwedeng gawan natin ng sequel.’
“So, nag-pitch kami sa kanya ng story. Kasi siya po ang producer ng Bona, e. NV Productions po ang producer ng Bona.
“Yun, may isa siyang kuwento na direksiyon na nagustuhan. So, yun po yung dine-develop namin ngayon.”
MANANAMBAL
Natapos na ni Direk Adolf ang shooting ng pelikulang Mananambal (The Healer), kung saan bida sina Nora at Bianca Umali.

Nora Aunor and Bianca Umali
Nasa cast din nito sina Kelvin Miranda, EA Guzman, Jeric Gonzales, at Martin Escudero.

(From left) Jeric Gonzales, EA Guzman, and Kelvin Miranda
“Yung producer entered it po sa, I think, isang Japanese festival,” saad ni Direk Adolf.
“So, I think May yata po magpi-premiere siya.”
Kumusta sina Ate Guy at Bianca sa Mananambal?
“Maganda ang performance nila together. Well, si Ate Guy naman ever since nakatrabaho ko siya, OK siya gumawa ng iba-ibang mga materyal,” tugon ni Direk Adolf.
“Ito, medyo tribute na rin niya siguro sa Himala [MMFF 1982] because doon, healer din siya but of a different kind.
“Yung mananambal kasi ay parang healer sa South. So, para silang mga faith healer.”

Direk Adolf Alix Jr. (left) with Nora and Bianca
Nabanggit ang tungkol sa mananambal sa MMFF 2023 film ni Matteo Guidicelli na Penduko.
“Southern term siya for healer. So, nanggagamot din si Ate Guy dun,” lahad ni Direk Adolf.
“Parang in effect, post-Elsa, pinag-uusapan nga namin. Pero ito, horror kasi. Mag-nanay sila ni Bianca.
“Tapos sina EA, Kelvin, Jeric, at Martin Escudero ay mga social media influencer na na-curious, iinterbyuhin si Ate Guy.
“Tapos siyempre may mga nangyari sa kanila dun.”
NORA AUNOR BIOPIC
Ikinakasa na ang pagsasapelikula ng buhay ni Nora, na ididirek ni Joel Lamangan mula sa panulat ni National Artist Ricky Lee.
Hindi ba si Direk Adolf sana ang magdidirek ng life story ni Ate Guy?
Read: Nora Aunor reveals plan for trilogy movie about her life
Umiling si Direk Adolf, “Ay! Hindi! Ako po, libro, yung sa amin. Yung pelikula, kay Direk Joel po.”
So, walang isyu na si Direk Joel at hindi siya ang gagawa ng biopic ni Ate Guy?
“Wala po. Si Ate Guy naman po, yung pinag-usapan namin dati, is libro talaga,” pagdidiin ni Direk Adolf.
“So, yung kina Sir Ricky, pelikula naman. Nung nilatag namin yung book, sabi ko nga kay Ate Guy, maganda siyang gawing film.
“Tapos sabi niya, yun nga, meron nang bumubuo nung time na binubuo rin namin ang libro. Alam ko na po yun.
“Sabi ko sa kanya, ‘Mas maganda.’ Si Sir Ricky naman po ay ever since ang pinakamakakapagsulat nang tama kay Ate Guy because they have been collaborating together all these years.
“So, mas OK po yun, sabi ko. Kasi mas kamado nila ang buhay ni Ate Guy. Ako po, dun lang kami sa book part.
“Sa film part, sina Direk Joel. Mas kaya po nila yun.”
Kumusta na ang status ng libro sa buhay ni Ate Guy?
“Ngayon po, na-stop kami dahil si Ate Guy nga po ay medyo marami siyang ginagawa ngayon,” sambit ni Direk Adolf.
“Nagbalik-teleserye siya. Nagti-taping din siya ngayon sa amin sa Lilet Matias: Attorney-At-Law.”
Sa parte naman ni Direk Adolf ay nagpe-pre-prod na nga sila para sa sequel ng Bona.
Si Direk Adolf din ang nagdirek ng pelikulang Pieta nina Nora, Alfred Vargas, Gina Alajar, at Jaclyn Jose.
Nag-special screenings yon last December sa Cinema ‘76 at Sine Pop.
Read: Nora Aunor, hindi umurong sa challenges sa shooting ng Pieta
Iyong X & Y na pinagbibidahan nina Ina Raymundo at Will Ashley ay idinirek din ni Adolf, mula sa panulat ni Gina Marissa Tagasa. Mapapanood na ito sa mga sinehan umpisa Abril 17, Miyerkules.
Read: Ina Raymundo, Will Ashley may passionate kissing scene sa pelikulang X & Y
