Mariing itinanggi ng GMA-7 "independent contractors" na sina Jojo Nones at Richard "Dode" Cruz na may katotohanan ang reklamong sexual harassment sa kanila ng GMA Sparkle artist na si Sandro Muhlach.
Nitong Lunes, August 12, 2024, dumalo sina Nones at Cruz sa pagdinig ng Senate Committee on Public Information and Mass Media makaraan silang padalhan ng subpoena nang hindi sila dumalo sa unang pagdinig noong Biyernes, August 10.
Read: Jojo Nones at Dode Cruz, hindi dadalo sa Senate investigation
Paliwanag ng dalawa, hindi sila umiiwas sa imbestigasyon. Dahil daw sa takot na mahusgahan agad ay minarapat nilang hindi dumalo sa unang pagdinig.
Bagay na hiningi nila ng paumanhin nang humarap sila sa komite at basahin ang inihanda nilang statement, matapos nilang sumumpang magsasabi ng katotohanan.

Pahayag ni Nones: "Bago po ang lahat, gusto po naming humingi ng paumanhin sa hindi namin pagdalo sa unang pagdinig.
"Inaamin po namin na natakot po kaming ma-subject sa media circus at premature trial.
"Gayundin po, natakot din kami na malabag namin ang confidentiality ng imbestigasyon na isinasagawa ng NBI [National Bureau of Investigation] nang nagsimula na ang mga panahong iyon at nagpapatuloy pa rin sa ngayon.
"Nasabihan po kasi kami na bawal ilabas ang lahat ng mga counter-allegations at ebidensiya namin sa publiko, dahil ayon sa NBI ay kahit ang alegasyon ng diumano'y biktima ay hindi pa rin nila maaaring ilabas dahil subject pa ito sa validation ng kanilang ahensiya.
"Lahat pa raw po ng hawak ng NBI ay hindi pa ebidensiya hangga't hindi pa napapasa sa piskalya.
"Subalit matapos po naming mapanood ang nakaraang pagdinig ay nakita po namin na hindi mangyayari ang aming kinakatakutan dahil sinabi at siniguro naman po ng kagalang-galang nating chairman na si Senator Robin Padilla na hindi magiging korte ang senado.
"Kaya humihingi rin po kami ng patawad sa kagalang-galang nating senador na si Jinggoy Estrada, kung naunahan po kami ng takot, kaba, at pangamba."
Read: Niño Muhlach gets emotional at Senate hearing on son's ordeal
NONES AND CRUZ DENY SEXUAL HARASSMENT COMPLAINT FILED BY SANDRO MUHLACH
Nagsimulang kumalat ang balita tungkol sa insidenteng kinasasangkutan ni Sandro at nina Nones at Cruz sa pamamagitan ng blind items.
July 30, 2024, naglabas ang PEP Troika ng blind item tungkol sa isang baguhang aktor na muntik nang maging "midnight snack" diumano ng "dalawang powerful accla" ng isang istasyon.
Mabilis na kumalat ang usap-usapan sa social media kunsaan tinukoy ng netizens ang mga hinihinalang personalidad na sangkot sa isyu.
Gabi ng July 30 nang maglabas naman ng official statement ang GMA-7 na nagsasabing nakarating dito ang kontrobersiyal na insidenteng sangkot ang isang "artist" at dalawang "independent contractors" ng network.
August 1, isinapubliko ng GMA Network ang natanggap nilang pormal na reklamo ni Sandro laban kina Nones at Cruz.
Read: GMA-7 names "independent contractors" in Sandro Muhlach incident
Sa pagdinig kanina sa Senado, inamin nina Nones at Cruz na sila nga ang "independent contractors" ng GMA Network na inireklamo ni Sandro sa anila'y walang katotohanang alegasyon.
Pinabulaanan din nilang sila'y maimpluwensiyang tao sa Kapuso Network. Katulad daw ng ibang empleyado ay alam nilang anumang oras ay maaari silang tanggalin sa kanilang mga posisyon sa trabaho.
Paglilinaw ni Cruz: "Opo, kami po ang independent contractors ng GMA Network na tinutukoy sa mga online post na kumalat noon mga nakaraang araw.
"Subalit, hindi po kami gumawa ng anumang sexual harassment or abuse laban kay Sandro Muhlach.
"Sa pagkakataong ito, sa harap ninyong lahat, mariin pong itinatanggi namin ang lahat ng mapanirang akusasyon na ito laban sa amin.
"Kami po ay hindi executives ng GMA Network, tulad ng lumalabas. Taliwas sa sinasabi online, wala po kaming kapangyarihan o impluwensiya sa network, lalung-lalo na sa mga artista nito.
"Sinabi naman po ng GMA na hindi kami regular employee ng network. Alam po namin na konting pagkakamali lamang na nagawa namin sa produksiyon ay maaaring ma-terminate ang aming kontrata at mawalan kami ng trabaho."
NONES AND CRUZ GOOD RECORD IN GMA NETWORK
Kung kaya't hindi raw makapaniwala sina Nones at Cruz na hahantong sila sa puntong irereklamo sila ni Sandro.
Kilala raw silang magalang, malinis, at may iniingatang pangalan sa entertainment industry.
Read: Jojo Nones at Dode Cruz, itinangging nag-apologize sila kay Niño
Ito raw ang naging sandata nila para tumagal ng halos tatlumpung taon sa GMA-7 at makapagbigay-kontribusyon sa pamamagitan ng paggawa ng mga top-rating television show at teleserye.

Pahayag ni Cruz: "Tumagal kami sa telebisyon ng more or less thirty years, at bago ang pangyayaring ito ay malawak ang aming naging kontribusyon sa industriya sa telebisyon sa pamamagitan ng naiambag naming mga award-winning at top-rating television shows and teleseryes.
"Maganda po ang takbo ng aming karera. Maitatanong niyo po sa aming mga nakatrabaho at masasabi naman po namin na iginagalang kami at naging malinis po ang reputasyon namin sa aming naging employer at nakatrabaho sa loob ng tatlumpung taon.
"Sa tinagal-tagal namin sa industriya, wala po kahit ni isang reklamo, sexual man or anuman ang nag-file sa amin.
"Kaya hindi po namin sisirain ang iniingatan naming pangalan, karera, at reputasyon para makapang-abuso o harass ng isang tao."
Hindi rin daw nila maaatim na abusuhin si Sandro, lalo na't alam nila ang maaaring gawin nito dahil sa impluwensiya ng kanyang amang si Niño Muhlach.
Saad ni Nones, "Lalo na po na alam namin na anak ng sikat na artista at maimpluwensiyang pamilya si Sandro.
"Ano naman po ang laban naming mga ordinaryong manggagawa lamang laban sa kanila?"
Aminado sina Nones at Cruz na gay ang kanilang sexual orientation, ngunit hindi raw ito sapat na rason para makapangtapak, makasakit, at mang-abuso sila ng kapwa-tao.
Sabi ni Nones: "Hindi naman po namin itinatanggi na bakla kami.
"Sa katunayan, ang pagiging bakla namin ang isa sa mga dahilan kaya kami naging creative, artistic, at nagkaroon ng skills na kailangan sa industriya.
"Buong buhay namin ginamit namin ang pagiging bakla namin sa maayos na paraan para maitaguyod ang aming pamilya.
"Kaya napakasakit sa amin at sa aming pamilya na mabasa ang aming mga pangalan online na may caption na bakla o kung anu-anong masasakit at mapanirang puri na bansag at deskripsyon."
Diin pa niya: "Bakla po kami, oo, pero hindi kami mga abuser.
"Bakla kami, oo, pero hindi kami gumagawa ng masama sa kapwa.
"Bakla kami, oo, at may takot po kami sa Diyos."
Sa pagpapatuoy ng imbestigasyon, may hiling sina Nones at Cruz sa publiko na huwag silang husgahan sa kung ano raw ang mga nababasa nila online.
Kung maaari raw sana ay hintayin muna ang pinal na imbestigasyon bago sila paratangang parang "convicted criminals."
Emosyunal na saad ni Nones: "Sa huli, kami rin po ay humihingi ng hustiya. Mabigyan sana ng hustisya ang malisyosong pagbibintang sa amin.
"Kaya po naming patunayan sa piskalya o anumang korte na wala kaming kasalanan. Hintayin lang po sana natin ang proseso, ang due process.
"Pero habang hinihintay po yan, humihiling po kami sa sambayanan na huwag niyo muna po kaming husgahan, ituring na parang mga convicted criminals."
Sa huli, may mensahe silang nais ipahatid kay Sandro.
Anila, "Kay Sandro, wala kaming ginawang masama sa iyo, alam mo yan sa puso mo. Hindi pa huli ang lahat na magsabi ng totoo."
