Labis na nalungkot si Ogie Alcasid sa ipinapakalat na fake news ng isang Facebook page tungkol sa pagsasama nila ng asawang si Regine Velasquez.
Sa nasabing post, isang video story ang ibinahagi tungkol sa diumano'y nakatakdang "divorce" nina Ogie at Regine.
Ayon pa dito, "pagtataksil" ang dahilan sa panig ni Ogie kaya nakaumang ang kanilang hiwalayan.
Caption ng post, "Regine Velasquez Pinaasikaso na Divorce Papers nila ni Ogie Alcasid matapos ng Pagtataksil!"

Read: Ogie Alcasid on being husband to "THE" Regine Velasquez
OGIE ALCASID: "I-REPORT NATIN ITO."
Ayon sa singer-songwriter, may nagpadala ng post na ito sa kanya.
Sa Threads kahapon, August 21, 2024, nagbahagi si Ogie ng mensahe na ikinalulungkot niya ang ganitong mga post lalo na kung tungkol sa kanilang pagsasama ng asawang si Regine.
Sagrado raw kasi sa kanila ito, pero pilit ginagawan ng gawa-gawang istorya kahit walang katiting na katotohanan.
Buong post ni Ogie, "This post was sent to me. It is so sad that the owner would spread rumors about our marriage that is so sacred to both me and my wife and fabricate stories about our supposed separation. I report po natin ito."

Malinaw na fake news ang post ng netizen dahil hindi pa aprubado ang divorce sa Pilipinas.
Ikinasal sina Ogie at Regine sa Peak, Terrazas De Punta Fuego, sa Nasugbu, Batangas, noong December 22, 2010.
Read: Ogie Alcasid, Regine Velasquez reunite with Michelle van Eimeren “after 3 long years”
NETIZENS REACT
Sa comments section ay marami ang nagpahayag ng kanilang simpatiya kay Ogie.
May nagsabing na-report na nila ang post.
Meron ding nagpayo na gayahin ni Ogie ang aktor na si Mon Confiado, na naghain ng reklamo laban sa isang netizen na nag-post ng gawa-gawang kuwento tungkol sa kanya.
Dumulog si Mom sa National Bureau of Investigation (NBI) Cyber Crime Division, noong August 12, 2024, para sampahan ng reklamo ang isang content creator na ginawan siya ng malisyosong istorya at ipinakalat sa social media.
Read: Mon Confiado files cyber libel complaint against content creator



OGIE ALCASID DENIES SAME ISSUE IN 2022
May kahalintulad na ring isyung ibinato kina Ogie at Regine noong 2022.
Sabi ni Ogie noon, may mga nababasa siyang tweets na nagsasabing baka may pinagdadaanan silang mag-asawa kaya minabuti niyang linawin ang tungkol sa mga intrigang ito.
Sa kanyang Twitter account noong June 2022, sinabi ni Ogie na walang katotohanan ang mga naglabasang tsismis.
Hanggang ngayon daw ay hindi nababawasan ang pagmamahal nila ni Regine sa isa't isa.
Ani Ogie, “I have read some tweets about my wife and I having marital problems. For the record, wifey and I are so much in love and there has not been a day where that love has for each has ever diminished.”
Read: Ogie Alcasid denies marital problems with Regine Velasquez: “Wifey and I are so much in love.”
Sa December 22, 2024 ay ipagdiriwang nina Ogie at Regine ang kanilang ika-14 anibersaryo bilang mag-asawa.
Mayroon silang isang anak, si Nate.
