Kinumpronta ni Kris Bernal si Aljur Abrenica upang personal na tanungin kung bakit hindi umano nire-reply-an ng aktor ang mga text message na ipinapadala ng aktres.
Sa video na kuha ng GMA News nitong Miyerkules, January 14, 2026, makikita si Kris sa backstage ng TiktoClock habang kinukompronta ang dati niyang ka-loveteam na si Aljur.

Diretsahang tanong ni Kris kay Aljur: “Hoy, bakit hindi ka nagre-reply sa akin? Sumagot ka, bakit hindi ka nagre-reply sa akin, ha?”
Dahil sa pagkakakorner sa kanya ni Kris, hindi na nakaligtas si Aljur at sinagot ang matagal nang tanong ng aktres.
Pakli ng FPJ's Batang Quiapo actor, “Nagre-reply ako.”
Muling tanong ni Kris, “That’s still your number? Ayun pa rin ba yung number mo?”
Mabilis na sagot ni Aljur, “Oo, same pa rin.”
“Nire-reply-an naman kita, hindi lang nagse-send,” hirit pa niya sabay yakap sa aktres.
Read: Toni Gonzaga shuts down "power couple" blind item
Dagdag pa ni Aljur, “Noong nakaraang araw, tinatawagan kita pero hindi mo naman sinasagot.”
Dito na naglabas ng tila sama ng loob si Kris tungkol sa tila pandedeadma sa kanya ni Aljur.
Sabi ni Kris, “E, kasi hindi mo ako sinagot noong una, kaya sabi ko hindi ko na lang siya sasagutin kasi hindi naman niya ako sinasagot.”
Read: Aljur Abrenica: a look back at his rumored and real romances
Hindi rin pinalampas ni Kris na tanungin si Aljur tungkol sa pag-unfollow nito sa kanya sa Instagram.
Aniya, “Tsaka bakit ka naka-unfollow sa akin, ha?”
Saglit na napahinto si Aljur at waring walang maisagot sa tanong ni Kris kaya idinaan na lamang niya ito sa biro.

Saad niya, “Huwag mo namang sabihin sa camera.”
Agad namang nilihis ni Kris ang usapan at binati si Aljur sa tinatahak nitong karera ngayon, lalo na ang pagkakaroon nito ng pamilya sa piling ng partner na si AJ Raval.
Ani Kris, “Na-miss kita. I’m so happy for you, and congrats sa family life.”
Read: AJ Raval on Aljur Abrenica: “I love him endlessly.”
NETIZENS’ REACTION
Maraming netizens ang natuwa sa muling pagtatagpo nina Kris at Aljur.
Sa comments section ng video, ilan sa kanilang mga tagahanga ang napa-throwback sa tambalan nilang AlKris.
Sabi ng isang netizen (published as is), “Grabe, the OG loveteam.”
Saad naman ng isa (published as is), “OMG, I remember my younger self. Infer ha, bagay pa rin sila.”
Hirit pa ng isa (published as is), “Matanda ka na talaga kapag ang love team nina Kris at Aljur ang naabutan mo.”
“Iba pa rin talaga ang chemistry ng AlKris. Nakakamiss silang makitang magkasama on screen,” dagdag pa ng isa.
KRIS–ALJUR LOVETEAM
Nag-umpisa ang loveteam nina Kris at Aljur nang sumali sila sa Season 4 ng StarStruck, ang reality-based artista search ng Kapuso Network na umere mula December 2006 hanggang March 2007.
Si Aljur ang itinangal na Ultimate Hunk, samantalang si Kris naman at ang ka-batch nilang si Mart Escudero ang itinanghal na Ultimate Loveteam.
Ilan sa mga teleseryeng pinagbidahan nina Kris at Aljur sa GMA-7 ay Dapat Ka Bang Mahalin?, All My Life, The Last Prince, Coffee Prince, at Prinsesa ng Buhay Ko.
Noong 2023, nauna nang ibahagi ni Kris sa publiko ang kagustuhan niyang muling makasama at maka-collab si Aljur sa kanyang vlog sa YouTube.
Ngunit sa hindi malamang dahilan ay hindi raw siya sinasagot ng aktor.
