Nagbigay ng saloobin ang kontrobersiyal na personalidad na si Alvin Aragon kaugnay sa kontrobersiyang kinasasangkutan ngayon ni Quezon City Fourth District Representative Jesus “Bong” Suntay, matapos nitong magpahayag ng tila pagnanasa sa actress-TV host na si Anne Curtis.
Umani ng kaliwa’t kanang batikos online ang kongresista dahil sa anila’y harap-harapang pambabastos nito, hindi lamang kay Anne kundi maging sa lahat ng kababaihan, lalo’t naganap ito ngayong International Women’s Month.
Read: Anne Curtis’ mother, sister condemn Rep. Suntay's lewd remarks
Kaugnay nito, hindi rin nagpaawat si Alvin sa pagbibigay ng kanyang sentimyento hinggil sa naging pahayag ni Suntay.
Sa kanyang social media accounts nitong Miyerkules, March 4, 2026, ibinahagi ni Alvin ang video clip ng isa niyang panayam kung saan tinalakay niya ang sinasabing kaparusahan ng Diyos kapag ang isang lalaki ay nakakaramdam ng pagnanasa sa isang babae.
Saad ni Alvin sa naturang video clip: “Ano ang sabi ni Jesus? ‘If you look lustfully at a woman, you have already committed adultery in your heart.’
“So, tingnan mo pa lang ang isang babae na nagnanasa ka, parang ginawa mo na yung physical act.”
Read: Celebrities react to Alvin Aragon’s controversial religious stand
Sa caption ng kanyang post, iginiit ng aktor na ang pagnanasa ay isang tukso na mahirap iwasan ng tao, lalo na ng mga kalalakihan.
Aniya, mas lalo pa itong nadaragdagan kapag maikli o lantad ang kasuotan ng mga kababaihan.
Read: Pastor urges public to be “gracious” toward Alvin Aragon
Ayon pa kay Alvin, makatutulong umano ang pagiging maingat sa pananamit ng mga kababaihan upang maiwasan ang pag-usbong ng "sexual desire" ng mga lalaking nakakakita sa kanila.
Mababasa sa kanyang caption (published as is): "Kahit hindi si Anne ang tinitignan mo ng may pagnanasa may mag iinit sa loob mo.
"Lalo na kapag nakalabas pa ang cleavage mo at legs..Kaya Filipino men protect your wife, may “Sin of lust” kasi.
"And Filipino women dress modestly to avoid sexual desire. Kasi nga may "Sin of lust."
Read: Sofia Trazona pleads to stepfather Alvin Aragon to stop the hate
Aminado si Alvin na mahirap iwasan ang tukso, kaya naman payo nito kay Suntay ay humingi ng tulong sa Diyos para mapagtagumpayan at malampasan ito.
Pahayag niya: "Alam nyo mahirap talaga yan iwasan si Jesus lang ang makakatulong sayo ma-overcome yan.
"Jesus said: …if your eye causes you to sin, gouge it out and throw it away.
"It’s better to enter eternal life with only one eye than to have two eyes and be thrown into the fire of hell…"
BONG SUNTAY'S SEXIST REMARKS ABOUT ANNE CURTIS
Naging kontrobersiyal ang mga salitang binitiwan ni Suntay sa pagdinig ng House Committee on Justice noong Martes, March 8, kaugnay ng pangatlong impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa nasabing pagdinig, ipinipilit ni Suntay na wala umanong sedition o political destabilization sa naging pahayag ni VP Duterte tungkol sa pagiging “designated survivor” nito.
Pagtatanggol pa ng kongresista, bahagi lamang ito ng imahinasyon ni VP Duterte at hindi dapat kasuhan.
Bilang halimbawa, ibinahagi ni Suntay ang insidente kung saan nakita niya umano si Anne sa isang hotel.
Ayon kay Suntay, dahil sa kagandahan ng aktres, naramdaman daw niyang may "nag-init" sa damdamin niya at "na-imagine kung ano ang puwedeng mangyari."

Ngunit depensa ng kongresista, gaya ni VP Duterte, hindi siya puwedeng kasuhan dahil “imagination” lamang umano ito.
Read: Jasmine calls out journalists for “laughing” in Suntay interview
Kalaunan, sinabi ni Suntay na hindi tunay na insidente ang tinuran niya tungkol kay Anne kundi produkto lamang ng kanyang imahinasyon.
Nitong March 4, personal siyang humingi ng paumanhin sa lahat ng mga nabastusan at na-offend sa kanyang mga naging pahayag kay Anne.
Bagamat humingi ng patawad, iginiit ng mambabatas mula sa Quezon City na walang malisya ang sinabi niya.
Pangangatuwiran ni Suntay: “May mga statement which was taken out of context. Dapat tingnan ang kabuuan at hindi dapat napupunta sa konklusyon.
“While may mga tao siguro that found the analogy in bad taste, dun sa mga na-offend, tayo ay, inuulit ko, walang malice dun sa ninais nating gawin dun sa statement na yon.
“Ayaw nating makasakit with that analogy. But sa mga nasaktan, humihingi tayo ng dispensa."
Read: Aktor, DGPI, FAP nanindigan kontra Congressman Bong Suntay
Ayon din kay Suntay, napapanood lamang niya si Anne sa telebisyon at hindi pa niya ito nakikita nang personal.
Saad niya: “Kay Miss Anne Curtis din, kung nasaktan sa sinabi [ko], uulitin ko, there was no malice intended at tayo’y humihingi ng dispensa sa kanya.
"Pero it was a fictitious situation na aking ginawa.
"At isa lang ang totoo doon, yung sinabi ko na ang ganda-ganda niya dahil talaga namang maganda siya."
Read: Bong Suntay apologizes; insists there was no "malice intended"
