Nilinaw ng aktres na si Matet de Leon ang kanyang viral Facebook post na umani ng atensiyon online matapos niya umanong pasaringan ang kapatid na si Ian de Leon kaugnay ng naiwang mana ng kanilang pumanaw na ina na si Nora Aunor.
Noong April 23, 2026, nag-post si Matet ng larawan niya kasama ang mga kapatid na sina Lotlot, Kiko, at Kenneth de Leon.
Makahulugang caption ni Matet: "Post ko lang uli. Eto nga pala ang ngiti ng mga ampon na walang mana. Mukha ba kaming may pake?"

Ipinost ito ni Matet ilang araw matapos ideklara ni Ian na siya ang nag-iisang legal na tagapagmana sa mga naiwang ari-arian at assets ng yumaong Superstar.
Hindi lingid sa kaalaman ng marami na lima ang anak ni Nora—sina Ian, Lotlot, Kiko, Matet, at Kenneth de Leon.
Sa lima, si Ian lamang ang biological child ni Nora sa dati niyang asawa na si Christopher de Leon; habang sina Lotlot, Matet, Kiko, at Kenneth ay pawang adopted.

Umani ng samu’t saring reaksiyon ang naturang post ni Matet, kung saan maraming netizens ang nag-ugnay dito sa pahayag ni Ian tungkol sa pagiging legal niyang tagapagmana.
Read: Is this Matet’s reaction to inheritance issue with brother Ian?
MATET ON HER INTRIGUING VIRAL POST
Sa panayam ni Matet sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Huwebes, May 7, tinanong ng host na si Boy Abunda ang aktres kung ano at sino ang ibig niyang patungkulan sa viral post niya.
Giit ni Matet, hindi ito direktang patama kay Ian.
Aniya, para ito sa netizens na patuloy kumukutya sa pagkakakilanlan nilang magkakapatid.
Read: Matet de Leon fires back at bashers amid inheritance issue
Ayon pa sa aktres, madalas silang makatanggap ng negatibong komento tungkol sa usapin ng mana—bagay na aniya'y masakit lalo’t patuloy pa rin silang nagluluksa sa pagkamatay ni Nora.
Paliwanag ni Matet: "E, yun naman kasi yung sinasabi ng tao e, na, 'Wala kayong mana. Wala kayong karapatang pamanahan. Mabuti nga inampon pa kayo.
"'E yung oras para kay Ian, ibinigay pa sa inyo. Kaagaw na kayo ni Ian buong buhay niya. Maging masaya na kayo at binihisan, pinag-aral, at pinakain kayo,' laging ganon.
"Doon po parang kumulo ako. As if we're not thankful? We're grateful for her.
"I'm here talking with you because of my mom. I am Matet because of my mother.
"I'm grateful pero sila puro mana ang nasa isip ng mga tao."
Diin pa niya: "Respetuhin niyo naman kami kasi inaalala pa namin si Mommy.
"Hindi po namin iniisip yung mana na yan at wala po kaming hinihiling, wala kaming kine-claim."
Read: Matet de Leon confronts basher: “Ano ba kasalanan namin sa inyo?”
Matet admits misunderstanding with brother Ian
Bagamat hindi umano si Ian ang pinapasaringan niya, inamin ni Matet na hindi pa rin sila nag-uusap hanggang ngayon ng kapatid.
"Hindi ko po masabi na away, but misunderstanding," pagtatapat niya.
Nang hingan ni Boy si Matet ng reaksiyon sa sinabi ni Ian na siya ang legal na tagapagmana ni Nora, hindi na ito nagawang kontrahin pa ng aktres,
Sabi niya, "Totoo naman po, e. Totoo naman, wala namang pagdududa dun.
"Kumbaga, kahit nga hindi na niya sabihin, understandable, alam na po ng lahat yan."
Ang hindi lang daw maintindihan ni Matet ay kung bakit sinabi ni Ian sa publiko na isinangguni at ipinaalam niya sa kanyang mga kapatid ang pagtatatag niya ng One Person Corporation (OPC), kung saan sakop ang Nora Aunor Enterprise at Nora Aunor Foundation.
Read: Ian de Leon no personal motive in managing Nora Aunor's legacy
Ayon kay Matet, wala itong katotohanan. Hindi raw sila naabisuhan ni Ian sa mga plano nitong gawin sa naiwang assets ng kanilang ina.
Pahayag niya: "Hindi po kami kasama. And nalaman na lang po namin about the enterprise and the foundation sa social media din po.
"Baka po yung dalawang boys, baka po alam nila. But kami ni Ate [Lotlot], definitely wala po. Hindi po kami kasama, hindi po kami nasabihan."
Ang alam lamang daw niyang foundation ay ang unang itinatag nila, partikular na ni Lotlot, matapos pumanaw ang kanilang ina.
Kalaunan ay pinamahalaan na raw ni Ian ang naturang foundation.
Read: Lotlot de Leon's camp breaks silence on issue with brother Ian
Saad ni Matet: "Shortly after mom passed away, nagmadali po kami na magtayo ng foundation because ang dami po ang gustong mag-ano kay Mommy. Capitalize po ba tawag doon.
"Parang gusto nilang gumawa agad ng mga foundation and everything. So, nagmadali kami. Kasi kailangan kaming lima yon. Kaming lima po dapat yon."
Sundot na tanong ni Boy: "I'm interested to know this, may mga iniwan ba siyang properties, estate, may naiwan ba siyang last will and testament?"
Sagot ni Matet: "Yung mga properties, madami po talaga. Kasi mga in-invest po nila ni Lola.
"But yung last will, hindi ko po alam kung meron. And hindi ko na po inaalam."
Sa ngayon ay hindi pa raw nagkakausap sina Matet at Ian tungkol dito, at sa mga desisyong ginawa ng aktor na hindi man lang daw sinabi sa kanila.
Read: Ian de Leon: "Each family has its own issues."
Nora's First Death Anniversary
Sa nasabing panayam, ipinagtapat din ni Matet ang dahilan sa hiwalay na pag-alala nilang magkakapatid sa unang anibersaryo ng pagkamatay ni Nora.
Si Ian ay nagpamisa sa harap ng puntod ni Nora sa Libingan ng mga Bayani, sa Taguig City, noong April 16.
Habang may sariling pamisa rin ang adopted children ni Nora na ginanap naman sa St. John Paul II Parish sa Eastwood, Quezon City, noong araw ring iyon.
Read: Lotlot at Matet de Leon, wala sa misa para kay Nora Aunor
Paliwanag dito ni Matet, pinili lang nila ang tahimik at simpleng pag-alala sa kamatayan ng kanilang ina kaya't nagkasundo silang magpamisa nang hiwalay.
"We chose na parang doon na lang sa medyo tahimik po.
"Because what happened last year was very, very painful for us.
"Sa mga nawalan, naiintindihan niyo na bumabalik po lahat ng nangyari noong araw na yon.
"We are not ready at all to face the fans. We were not ready," saad niya.
Inimbitahan ba sila ni Ian sa inorganisa nitong misa sa mismong puntod ng kanilang ina?
Ani Matet: "Nag-announce po kasi, may announcement po na lumabas sa social media, sa Facebook.
"Lumabas na may invitation for everybody for the Mass, but personal na call or message, kami po for sure ni Ate, wala.
"So, nahiya naman kami...
"Pero siguro, a week or two before April 16, nagparating po ng message si Ian na parang, 'Gusto niyo, dito na lang [sa Libingan ng mga Bayani]?'
"But yun nga, ang reason naman is hindi kami handang humarap sa mga tao pa."
Habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang tugon o reaksiyon ang kampo ni Ian sa mga naging pahayag ni Matet.
Read: Lotlot de Leon says Nora Aunor's legacy "hindi tungkol sa pera"
