Napaluhod at napaiyak sa gulat at tuwa sina Sugar Mercado at HORI7ON member Jeromy Batac nang hirangin silang kampeon sa ikalawang season ng GMA-7 dance reality competition na Stars on the Floor.
Naganap ang final dance battle nitong Linggo, May 31, 2026.
Nakatapat nina Sugar at Jeromy ang pares nina Chanty Videla at ALAMAT's Jao, Rocco Nacino at KAIA's Sophia, Paul Salas at CALISTA's Denise, at Jasmine Curtis-Smith at 1ST.ONE's Joker.
Read: Sugar Mercado: From dancer and TV host to beauty queen
Ipinamalas nina Sugar at Jeromy ang kanilang husay sa iba't ibang dance challenges, kabilang ang pagsasayaw sa balance rocker stage na nangangailangan ng matinding koordinasyon at balanse.

Nakakuha ang dalawa ng pinakamataas na boto na 20.21 percent mula sa pinagsamang scores ng judges na sina Marian Rivera, Rayver Cruz, at Jay Roncesvalles; gayundin sa online votes mula episodes 10 hanggang 16.
Pumangalawa ang tambalan nina Chanty at Jao na may 20.19 percent.

Ang dalawang pares ang nagharap sa final showdown.
Read: Jojo Bragais reveals his judging philosophy at MGI All Stars
Sa huli, sina Sugar at Jeromy ang itinanghal na Ultimate Dance Star Duo at nag-uwi ng PHP1 million cash prize at tropeyo.

Sugar and Jeromy get emotional over their win
Naging madamdamin naman sina Sugar at Jeromy nang marinig ang resulta ng kompetisyon.
Pinasalamatan ni Sugar ang Panginoong Diyos sa pagbibigay sa kanila ng lakas at talento upang magpatuloy sa kompetisyon.
Read: Rob Sy stands by son, denies bullying claims
Nagpasalamat din siya sa mga taong nasa likod ng programa, kabilang ang mga boss ng show; host na si Alden Richardd; judges na sina Marian, Rayver, at Jay; pati na ang production staff.
Emosyonal na saad ni Sugar: "Una po, Lord Jesus Christ, maraming salamat. Ikaw na ito, wala nang iba.
"Sa mga anak ko, sa pamilya ni Jeromy, sa inyong lahat mula sa mga judge, sa host, sa staff, sa mga naglilinis, sa lahat ng nag-aayos ng mga buto namin, sa mga cameraman, sa mga boss, salamat po sa trabaho. Hallelujah."
Read: Sugar Mercado now civil with ex-husband after legal tussle
Samantala, pinasalamatan naman ni Jeromy ang kanyang pamilya at mga tagahangang walang-sawang sumuporta sa kanila ni Sugar.
Aniya: "First of all, gusto kong magpasalamat sa daddy ko na nanonood ngayon. Daddy, nandito na ako. Tingnan mo, nanalo. Sana proud na proud ka sa akin.
"Also sa family members kong nandito, thank you so much for attending the finale.
"Especially sa mga boss ng SOTF [Stars on the Floor], GMA-7, and all the staff here, marami pong salamat sa tulong at suporta ninyo sa amin.
"And of course, HORI7ON and our Anchors, I love you so much."
Nagsimulang umere ang Stars on the Floor noong 2025. Sa unang season nito, sina Rodjun Cruz at Dasuri Choi ang itinanghal na kampeon.
