Kasalukuyang nakapiit sa Quezon City Jail Male Dormitory sa Payatas si Senator Jinggoy Estrada matapos siyang boluntaryong sumuko sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).
Nitong Lunes, June 1, 2026, naglabas ang Sandiganbayan Fifth Division ng ikalawang warrant of arrest laban kay Estrada kaugnay ng kasong plunder na walang piyansa.
May kaugnayan ang kaso sa pagkasangkot niya umano sa maanomalyang flood control projects sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Read: Jinggoy Estrada, Joel Villanueva tagged in flood project anomaly
Mismong si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla ang nagtungo sa Senado upang isilbi ang warrant kay Estrada.
Sa mga oras na iyon, nakatakda sanang dumalo ang senador sa Senate session.

Sa halip, nagsagawa siya ng isang press conference upang ipahayag ang kanyang desisyong harapin ang kaso at kusang-loob na sumuko sa mga awtoridad.
Sa press conference, sinamahan siya ng mga kapwa niya senador na sina Rodante Marcoleta, Imee Marcos, at Camille Villar.
Pahayag ni Estrada: "I will be proceeding now to the CIDG to voluntarily surrender myself.
"Hindi ako papasailalim sa kustodya ng Senado. Hindi ko gagamitin ang Senado bilang panangga laban sa mga alegasyon sa akin.
"Nakahanda akong ipagtanggol ang aking sarili sa hukuman at hindi ako magtatago sa likod ng institusyong ito upang umiwas sa proseso."
Tila tinutukoy ni Estrada ang naunang paglalagay sa Senate custody kay Senator Ronald "Bato" dela Rosa matapos itong maharap sa arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Read: Robin Padilla dodges questions on role in Bato dela Rosa’s escape
Dagdag pa ni Estrada: "If this is the price I must pay for the decisions I have made and the principles I have chosen to uphold, then I am prepared to face the consequences—however difficult they may be, especially for my family."
Read: DOJ issues immigration lookout order against Bato dela Rosa
Matapos ang press conference, nagtungo si Estrada sa Camp Crame.
Sinamahan siya ng kaalyadong si Senate President Alan Peter Cayetano.
Doon ay agad siyang isinailalim sa standard booking at documentation procedures.
Ayon sa ulat ng TV Patrol, bandang 5:23 ng hapon nang matapos ang booking process. Pagkatapos nito, dinala si Estrada sa Sandiganbayan para sa return of warrant.
Bandang 7:40 ng gabi naman nang lisanin niya ang Sandiganbayan at dalhin sa Quezon City Jail sa Payatas.
Nakapiit din sa nasabing pasilidad ang ilan pang akusado sa flood control scandal, kabilang ang dating senador at kaibigan ni Estrada na si Ramon "Bong" Revilla Jr..
Read: Bong Revilla on malversation and graft cases: "Laban lang."
ESTRADA'S GRAFT AND PLUNDER CASES
Una nang nagpiyansa si Estrada sa kasong graft ng Sandiganbayan noong May 29, ngunit sa pagkakataong ito ay wala nang inilaang piyansa sa kasong plunder.
Bago ang kanyang pagsuko, naghain ang kampo ni Estrada ng mosyon upang hilinging ibasura ang graft at plunder cases laban sa kanya.
Noong Mayo 28, ipinaliwanag ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na nag-ugat ang mga kaso sa isang "intricate mechanism" na umano'y kinasasangkutan ng "illegal budgetary insertions and project allocations" para sa mga proyekto ng DPWH noong 2025.
Batay umano sa mga rekord ng imbestigasyon, umabot sa PHP573 million ang kabuuang "illicit payouts" na sistematikong naihatid umano kay Estrada.
"Our evaluation shows that substantial public funds were deliberately funneled into designated infrastructure projects in exchange for predetermined commission fees or kickbacks," ayon kay Clavano.
Read: Jinggoy Estrada charged with plunder in flood control issue
Iro na ang ikatlong pagkakataong nasangkot si Estrada sa kasong plunder.
Noong 2001, unang naharap si Estrada sa kasong plunder na may kaugnayan sa jueteng operations. Dawit dito ang kanyang amang si dating Pangulong Joseph "Erap" Estrada.
Sa naturang kaso, si Erap lamang ang nahatulang guilty habang naabsuwelto si Jinggoy.
Habang ang ikalawang kasong plunder na kinaharap ni Estrada ay may kaugnayan sa pork barrel scam noong 2014.
