Maituturing nang longest loveteam in Philippine television ngayon ang tambalan nina Michael V at Manilyn Reynes sa GMA-7 comedy series na Pepito Manaloto.
Umabot na ng labing-anim (16) na taon ang kanilang tambalan sa ere.
Lahad ni Michael, "Siguro. Oo. Kasi dati yung John En Marsha sabi, seventeen years. As far as we know, ha?
"Pero as far as I know din, parang on and off siya. Hindi siya continuous ng seventeen years.
"So, yung sa amin, if it's sixteen years, I believe ito yung pinakamatagal."
Ang sitcom na John En Marsha, na pinagbidahan nina Dolphy at Nida Blanca, ay nagsimulang umere noong November 22, 1973.
Pansamantala itong nagpahinga sa ere noong 1978.
Bumalik ito sa telebisyon noong July 25, 1980, hanggang tuluyan nang magpaalam sa ere noong March 19, 1990 sa RPN-9.
Sa kabuuan, labinlimang (15) taong umere sa telebisyon ang John En Marsha.

Read: Rene Baterbonia’s dream: "Maiahon ko ang pamilya ko sa kahirapan"
MICHAEL V, MANILYN ON SECRET OF PEPITO MANALOTO'S SUCCESSFUL
Hindi biro ang 16 taong pamamayagpag sa ere.
Paano nila ito nagawa? At paano nila napanatili ang maganda nilang tambalan sa ere?
Saad ni Manilyn: "Just like any other relationship, a successful relationship, 'no, yung relasyon namin, hindi lang kay Bitoy at ni Elsa, hindi lang kami-kami, mga sari-sarili namin.
"Pati lahat ng characters, lahat ng artists, built talaga sa love, sa respect, at honesty.
"Totoo kami sa isa't isa at sa sarili namin. So, lumalabas din yun dun sa mga ginagawa namin.
"At yung love namin sa show, nandun talaga."
Dagdag ni Michael: "Most of the stories naman na ginagawa namin sa show, galing din sa mga kuwento namin.
"Hindi lang ng mga artista, kundi ng mga writers din, ang mga staff and crew, at saka ang mga kaibigan namin."
Pagpapatuloy ni Manilyn, "So, pag ikinukuwento nila talaga sa amin, sabi namin, 'So, ito na ba yun? Ito yung kuwento ni ano.'"
"Very relatable" nga raw sa totoong buhay ang bawat episode nila.
Ibinahagi rin ni Michael ang naging puhunan nila kung bakit nagtagal ng halos dalawang dekada na ang kanilang programa.
Aniya: "Siguro yung dedication sa show. Hindi lang ng mga artista, hindi lang ng creative group at saka ng kahit yung mga staff, dedicated talaga sila.
"Parang minsan may mga trabaho silang iba, tatablahin nila para magawa yung show."
Ayon pa kay Manilyn, pamilya talaga ang turing nila sa isa't isa sa likod ng camera.
"Family talaga ang turing, pati ng staff and crew, e.
"Hindi bale minsan, although sobrang minsan lang nangyayari na mapuyat kayo, pero alam mo yung ngiting-ngiti ka pa rin."
Biro ni Michael, "Masarap mapuyat sa show."
Sabi naman ni John Feir, na gumaganap bilang si Patrick, teamwork talaga ang namamayani sa kanilang grupo.
Aniya, "We work as a team. We work as a family. Hindi lang sa camera nakikita na nagsasamasama. Pati mga personal na... off-cam, ganun."
Read: Who is Rene Clert Baterbonia?

REAL-LIFE LESSONS FROM PEPITO MANALOTO SHOW
Kadalasan, maririnig sa mga manonood na may natutunan sila sa karakter ng isang show.
Pero sila, bilang artista, ano naman ang natutunan nila sa karakter na ginagampanan nila sa show na naia-apply nila sa totoong buhay?
Sagot ni Manilyn: "Si Elsa ngayon, sa totoong buhay, si Manilyn, natuto siya kay Elsa na kapag ayaw niya, hahampasin niya talaga.
"Parang kay Bitoy, di ba? Hindi, hindi, pero totoo.
"Natutunan ko... baligtad na nga, e, yung ibang bagay na dapat gawin mo sa buhay mo, natutunan ko galing sa Pepito, sa totoo lang.
"Katulad nung sa aming mag-asawa, 'no, kami ni Aljon [Jimenez], si Pepito at si Elsa, hindi binabalewala ni Pepito si Elsa, di ba?
"Lagi niyang sinasabi, 'O, puwede tayong mag-date.' Tsaka totoo namang payo niya [Michael] yun sa totoo ng buhay.
"'Alam mo, Mane, hindi dapat nawawala yung magdi-date. Every now and then, meron din kayong time together, na kayo lang. Hindi naman ibig sabihin nun baka maitsapuwera, hindi ganun.'
"Pero yung kayo lang na ginagawa na rin namin ni Aljon, galing yun kay Pepito at Elsa."
Sabi naman ni Michael: "Ako, yung pasensiya. Kasi, yun yung karakter ni Pepito, ha, dumarating na... may edad na kasi ako, e, sa totoong buhay.
"Nararamdaman ko na yung init ng ulo minsan. Umiiksi na pasensiya ko."
Biro pa niya: "Lalo na sa mga interview. Pero hindi sa inyo. Hindi sa inyo. Sa inyo, okay kayo, may exception.
"Tapos ang ginagawa naming istorya, madalas si Pepito ay nalalagay sa mga ganung sitwasyon na nasusubok yung pasensiya niya.
"And dahil nga nagpu-pursue siya na ma-overcome yung problema na yun, yung pagkatao niya na yun, yung personality niya na maiksi ang pasensiya niya, nagbubunga nang maganda.
"So, parang from there, natututo si Michael V na i-apply yung script sa totoong buhay."
Biniro naman ni Michael si John na, "I'm sure natuto ka ring kumain nang tama."
JOHN FEIR'S "PATRICK" MOMENT
Pagbabahagi ni John, "Alam niyo, sa totoo lang, Toybits 'no, bumabaligtad na yung karakter ko, nagiging Patrick na ako in real life.
"Like for example, yung sa kasal, na-Patrick ako dun. So, kinausap ko nga, 'Toybits, mukhang yung karakter ko, mukhang nagiging totoong buhay na.'"
Ang tinutukoy na "kasal" ni John ay ang kasal ni Mikoy Morales sa kanyang non-showbiz girlfriend noon.
Nag-viral ang "na-Pepito" moment ng Kapuso comedian matapos siyang magpunta sa maling kasal.
Naganap ang nakatatawang insidente matapos magkamali si John sa pagbasa ng wedding invitation ng kaibigan at dating co-star sa Pepito Manaloto na si Mikoy.
Kumalat sa social media noong unang bahagi ng January 2026 ang larawan ni John na naka-Barong Tagalog.
Ikinuwento rin niya ang naging pagkakamali niya, na inakalang January 3, 2026 ang petsa ng kasal ni Mikoy sa kanyang non-showbiz partner na si Isa Garcia.
Pero noong panahon na iyon, may dalawang buwan pa pala bago ang kasalan— March 3, 2026.
Ayon sa post ni Mikoy sa Facebook (published as is): "Nananawagan po kami: Kung sinuman ang kinasal kaninang 4pm nang hapon sa Don Bosco, Makati, baka po puwedeng makahingi ng kopya ng SDE (same day edit).. Andun po si John Feir, siya lang ang nakabarong.
"Kwento: Sa March pa ang kasal at ang nakalagay sa invitation ay, 'Please RSVP on or before Jan 3.' Eh Jan 3 lang yung nabasa. Ayun, dumating kanina.
"Pag dating niya lahat naka-suit, siya lang ang naka-barong. Pina-gitna pa siya at ginandahan daw ng anggulo yung pagkuha sa kanya ng photo/video.
"Wala siyang nakilala at iba daw hitsura ng groom. Tsaka lang tumawag kay Chariz Solomon para magtanong at magkwento at ayun nga, confirmed: Na-Patrick siya in real life.
"Kaya advance thank you sa pag punta, kuya John! I-kain mo na lang yan ng hatdog!"
Read: John Feir attends Mikoy Morales’ “wedding” two months early
Sa kaslaukuyan, tumatakbo na ang Pepito Manaloto sa ika-17 taon nito.
Read: Manilyn opens up about reconciliation with Janno and Bing
