Trigger Warning: mental health, bullying
Nakatanggap ng pangaral mula kay Toni Gonzaga ang kontrobersiyal na content creator na si Jen Oliveros tungkol sa pagiging mabuting tao at sa kahalagahan ng pagkakaroon ng magandang kalooban.
Nitong Linggo, August 23, 2026, nakapanayam ni Toni si Jen sa kanyang YouTube show na Toni Talks.
Dito ay isa-isang sinagot ni Jen ang mga isyung kinakaharap niya kaugnay sa kanyang mga kapwa content creator na sina Chrish Ann Austria o Forda Ferson, Mercedes Lasac o Kamangyan, at Lash Omadto.
Ilang linggo nang pinag-uusapan online, partikular sa TikTok, ang magkakahiwalay na gusot ni Jen sa tatlo niyang kapwa content creator.

Inakusahan si Jen ng pagiging isang “toxic” na kaibigan at “bully,” lalo na dahil sa umano’y pagla-live niya sa TikTok para magparinig sa mga taong nakaalitan niya.
JEN ISSUE WITH FORDA
Isa sa mga naging isyu ni Jen ay ang dating pagkakaibigan nila ni Forda, na naunang nakapanayam ni Toni bago siya sumalang sa Toni Talks.
Sa panayam, inamin ni Forda na labis siyang nasaktan nang isinapubliko umano ni Jen ang kanyang pinakatatagong mental health struggles matapos silang magkaroon ng hindi pagkakaunawaan.

Bagamat hindi na idinetalye ni Forda ang puno’t dulo ng kanilang away, sinabi niyang minsan na silang nag-usap nang pribado ni Jen.
Kaya naman nagulat siya nang malaman niyang naibahagi pa rin sa publiko ang tungkol sa kanyang personal na pinagdaraanan.
Pahayag ni Forda sa interview: "Kasi po ang personality ko, Ate Toni, masaya lang ako, e.
"Ayokong malaman nila [followers] na sobrang hina ko. Alam na nila yung kay Mama, alam na nila yung sa harassment, alam na nila yung kay Papa, alam na nila yung hirap ng buhay namin.
"Pero bakit yung kaisa-isahan kong itinatago, bakit in-open mo?
"Noong nilabas niya po yung sa mental health problem ko, na-trigger na naman po.
"Sobrang na-trigger. Bumalik ang lahat. Nandoon na, e, kahit papaano nakakausad-usad na ako, nang ako lang, na walang tulong ng ibang tao, tapos ayun na naman.
"Iyon pa pong pinakatagu-tago ko, kasi po every time po na hindi ko po kayang i-handle…nag-a-attempt po ako.
"Hindi po nila naiintindihan, ang sabi pa po nila nagpapa-victim. Na-diagnose rin po ako, nagme-meds po ako.
"Nag-try na rin po ako ng parang therapy po. May medicine po ako sa anxiety at panic attack."
Read: Chanda Atienza arrested in Kuala Lumpur, Lars Pacheco confirms
JEN ISSUE WITH KAMANGYAN
Nadamay naman sa isyu nina Jen at Forda ang pangalan ni Kamangyan, na naging isa sa mga bagong kaibigan at kasa-kasama ni Forda matapos itong lumayo sa dating circle of friends nila ni Jen.

Batay sa mga kuwentong kumalat sa TikTok, nadawit si Kamangyan sa gusot nina Jen at Forda matapos siyang magkomento sa isang TikTok post tungkol sa pinagmulan ng alitan ng dalawa.
Dahil dito, pinasaringan na umano siya ni Jen na nakikisali umano sa isyu nilang magkakaibigan.
Mula rito ay nagsimula ang palitan ng maaanghang na salita at mga akusasyon sa pagitan ng dalawa.
JEN ISSUE WITH LASH
Isa rin sa mga nakaalitan ni Jen si Lash.
Batay sa kanilang magkahiwalay na pagpaparinig sa TikTok, nagsimula ang hindi pagkakaunawaan ng dalawa dahil sa pabango ni Jen na umano’y ginamit ni Lash nang walang pahintulot.
Nauwi ang kanilang alitan sa pagsasampa ng kaso laban sa isa’t isa noong 2023.
Kalauna'y na-dismiss ang kasong isinampa nila sa isa't isa.

Kasabay ng pag-dismiss sa kanilang mga kaso ay ang paghupa rin ng kanilang isyu matapos manahimik si Lash.
Gayunman, muling nabuhay ang kanilang gusot noong huling linggo ng July nang magsalita si Lash sa isang TikTok Live matapos ang matagal na pananahimik.
Emosyonal niyang ibinahagi ang kanyang panig at mga pinagdaanan noong panahong kinaharap niya ang mga kasong isinampa laban sa kanya ni Jen.
Inakusahan din niya si Jen, kasama ang mga kaibigan nitong sina Forda, Daniel Mentor, at Meiko Montefalco, ng pambu-bully sa kanya.
Hindi naman nagpatinag si Jen. Sunud-sunod din ang kanyang pagla-live at pagpo-post sa TikTok upang sagutin at pasaringan si Lash.
Jen on why she chooses to go live when discussing private matters
Sa panayam ni Jen sa Toni Talks, tinanong siya tungkol sa kanyang pagla-live sa TikTok tuwing may nakakaalitan siya, sa halip na kausapin nang pribado ang mga ito.
Saad niya: "Sa Live kasi, Ate Toni, parang nandoon na yung buong emotions mo, e.
"Parang hindi mo na kailangang i-filter o mag-isip pa masyado, kasi nga, ayun sa Live, kung ano yung nakikita ng tao, ayun na yung genuine na ikaw.
"Kaya rin siguro may mga times na pinipili ng mga content creator na live na lang para kung mayroon ding questions yung mga tao, e, direct mo nang masagot, para isahang upo na lang."
Read: Shirley Kuan says Bea "never defended me" amid wedding issue
Aminado si Jen na kapag nagla-live siya habang mataas ang kanyang emosyon, hindi na niya palaging napag-iisipan nang mabuti ang kanyang mga sinasabi at kung maaari ba itong makasakit.
"Parang ang dami kong gustong sabihin talaga, pero dahil nga ang taas ng emosyon ko, parang hindi ko na napi-filter o napipili yung mga words na kailangan kong sabihin. Hindi ko na masyadong nae-explain.
"That's why yung mga tao, madalas, e, nami-misinterpret ako.
"Pero sa likod ng isip ko, hindi naman yon talaga yung mini-mean ko talaga. Kaya sa mga live, even sa mga contents, kasi hindi talaga ako nagpi-filter ng mga words na sasabihin ko.
"Kaya most of the time, mali-mali talaga at nagagamit yon against me."
Jen on being labeled a “bad friend”
Isa pa sa natanong ni Toni kay Jen ang pangit na tingin ng ibang tao ngayon sa kanya, dahil sa pakikipag-away nito sa ilan niyang mga kaibigan.
Pahayag ni Jen: "Ngayon po kasi, sinasabi sa akin ng mga tao is masama raw po akong maging kaibigan, kasi inilalabas ko yung mga baho ng mga naging kaibigan ko.
"Ang totoo po kasing reason doon, e, once you've touched even an ounce of disrespect for the people I love, especially my family, my parents, parang hindi ko po makontrol, e.
"Hindi ko po makontrol na magsalita, na kailangan kong sabihin yung totoo kahit pa ikasira yon ng career ko, ng buhay ko.
"Basta masabi ko po yung kuwento kung saan nagsimula, kung ano yung pinagmulan, yung totoo."
Read: Shirley Kuan fires back at "cash cow" claims about Bea Alonzo
Bagamat aminado si Jen na mayroon siyang nagagawang mali, lalo na sa pag-handle ng mga misunderstanding, hindi naman daw dapat ibunton sa kanya ang lahat ng sisi.
Madalas ipinagtatanggol lang niya diumano ang kanyang sarili, bagay na hindi raw maintindihan ng iba.
Sundot na tanong ni Toni, "Saan mo nakuha yung side na kailangan mong ipagtanggol yung sarili mo, kailangan mong maging palaban?"
Sagot ni Jen, "Simula pa noong bata ako, very protective na ako sa mga taong nakapaligid sa akin, especially sa family ko.
"Lalo na after ng pinagdaanan ko noon."
Ani Jen, maaaring malaking bahagi ng naging ugali niya ngayon ang kinalakihan niyang pamilya noon, kung saan hindi maayos ang relasyon nila ng kanyang mga magulang.
Aniya: "Simula po yan noong first year high school ako. Lumayas po ako sa bahay namin dahil may nangyari... binubugbog po ako ng parents ko, kaya hindi ko kinaya.
"And then, kinuha na po ako ng lola ko hanggang fourth year high school.
"Tapos noong nag-college, naging independent na po ako, kasi nag-dorm na po ako.
"Kaya rin po siguro ako naging palaban dahil doon. Kasi parang wala namang gagawa nun sa akin, kaya kailangan ko siyang gawin para sa sarili ko."
Jen addresses her issue with Forda
Sa nasabing panayam, ipinaliwanag din ni Jen ang dahilan kung bakit niya isinapubliko ang mental health problem na pinakatagu-tago ng dati niyang kaibigan na si Forda.
Sabi niya: "Yung sa mental health po ni Forda, bago ko po yon i-explain sa public, e, nakabasa na po ako ng comments sa public, galing sa kapatid niya, or sa mga kaibigan niya na she's dealing nga po sa kanyang mental health.
"So, parang nagbigay po yon sa akin ng signal na i-explain na po sa tao.
"Kinailangan ko pong i-explain yon para mas maintindihan po ng tao, kasi tina-tag po nila kasi as bully, just because si Forda, e, out na sa group namin.
"Pinaliwanag ko lang na hindi kami nambu-bully, the reason why na paulit-ulit naming ina-accept yung mistakes ni Forda is ganito po yung ginagawa.
"Never ko pong inisip na gamitin yung mental health niya para i-mock siya."
Read: Shirley Kuan denies causing Bea Alonzo’s canceled Spain wedding
Jen explains her issue with Lash
Nagbigay rin si Jen ng kanyang panig sa naging alitan nila ni Lash.
Dito, mariin niyang itinanggi ang akusasyon ni Lash na binully niya ito.
Saad niya: "That's not true. Hindi po totoong binully ko siya.
"Yung mga statement po niya sa live niya na sinabi ko raw na de-depress-in ko siya, that's not true.
"Hindi ko kayang gawin at sabihin yon sa isang tao, kahit na pa nagkamali siya sa akin.
"Kaya sobrang sakit kasi nadamay pa po yung boyfriend ko, nalait-lait pa po yung boyfriend ko.
"Nag-react lang naman po ako sa bagay na nagawa niya sa akin before. Maaaring sabihin ng karamihan na, 'Dahil lang naman yan sa pabango.'
"Hindi po dahil lang sa pabango. Dahil po yon, nadamay yung pamilya ko.
"Kahit naman po siguro kahit sino, kapag family na po ang usapan.
"About po kasi yon sa family ko, especially sa daddy ko. Yung daddy ko kasi stroke patient, bedridden na rin.
"E, daddy's girl po ako. Yung mga information po kasi na narinig niya noong nandoon po siya sa bahay ko, nakarating po sa kung kanino.
"May mga dummy accounts po kasi yung nagme-message sa akin na mina-mock yung family ko, lalo na yung dad ko.
"Sinasabi nila na, 'Ah, yung tatay mo pala stroke. Yung tatay mo pala ay bedridden. Sabi ni Lash, ganito ganyan.'
"Na-trigger po ako, nagdamdam na po ako. At that time, hindi naman po kami magkaibigan ni Lash."
Jen describes herself as a “good friend”
Sa huli, iginiit ni Jen na hindi tugma sa kanyang tunay na pagkatao ang nakikita ng mga tao online.
Mangiyak-giyak niyang sabi: "Jen is a good friend. Hindi naman si Jen yung matapang palagi.
"Napakamasayahin kong tao. Napaka-soft ko. Pero somehow, kapag may mga ganitong nangyayari, lumalabas yung ibang side ko.
"Kasi again, parang kailangan kong maging matatag, ipakitang kaya ko.
"Kasi kapag talagang kaibigan ko, kaya ko talagang ipaglaban, maaasahan mo talaga ako. Hindi talaga kita iiwan.
"Sigurado akong mabuti akong tao. Naniniwala akong wala pa po sa kalahati yung nakikita nila sa social media."

Matapos marinig ang panig ni Jen sa mga kontrobersiyang kinasasangkutan niya, binigyan siya ni Toni ng payo tungkol sa pagpapakatotoo at pagiging mabuting tao
Ani Toni: "Sobrang ganda ng outside mo. The inside should also be as beautiful as the outside."
Nagpasalamat naman si Jen at pabirong kinilig sa komento ni Toni, "Oh, thank you," aniya.
Dagdag ni Toni: "Ayun na yung iwo-work on. Na-perfect na yung outside, yung beauty.
"The beauty is now from within. Ayan naman ang ating iwo-work on.
"No more hurting. No more lashing out.”
Nakangiti namang sagot ni Jen, “Yes, yes. Thank you, Ate Toni.”
Read: Niño Muhlach admits falling asleep at the wheel in Antipolo crash
