Tinupad ni Willie Revillame ang kanyang pangako noong Lunes, May 3, na bibigyan niya ng tribute sa Wowowin sina Kim Idol at Le Chazz, ang mga stand-up comedian na naging co-host ng kanyang top-rating game show sa GMA-7.
Nangyari kahapon, May 7, ang pagpupugay ni Willie at ng programa nito.
Pero hindi lamang sina Kim (namatay noong July 13, 2020 ) at Le Chazz (nagpaalam noong May 1, 2021) ang kanyang binigyan ng pagkilala.
Kasama rin sina Rico Puno (pumanaw noong October 30, 2018), April Boy Regino (binawian ng buhay noong November 29,2020), Claire dela Fuente (namayapa noong March 30, 2020) at ang Philippine Star entertainment editor na si Ricky Lo na sumakabilang-buhay noong May 4, 2021.
Naging bahagi sina Rico, April Boy, at Claire ng Wowowin dahil sa kanilang mga nakaraang guesting.
Samantalang itinuturing ni Willie na isa sa kanyang mga tunay na kaibigan si Ricky.
Madamdamin ang tribute ni Willie dahil ipinakita nito ang mga video footage ng guesting sa Wowowin at maliligayang araw noong mga nabubuhay pa ang mga nabanggit na personalidad habang tinutugtog ang "Send in the Clowns."
Matapos ipalabas ang mga video footage, isa-isang sinariwa ni Willie ang mga hindi niya makalilimutan na pagsasama nila nina April Boy, Claire, Rico, Kim, Le Chazz, at Ricky.
“We will miss you. Mami-miss namin kayo nang sobra lalung-lalo na ako, dahil alam nyo naman kayo ang nagbibigay ng saya sa akin.
"Kapag napapagod ako, kapag mainit ang ulo ko, nandiyan kayo,” ang bungad na pananalita ni Willie.
“Miss Claire, thank you very much. Sa isang tawag lang namin, lagi kang available sa programang Wowowin.
“Pareng Rico, salamat din. Kapag nag-uusap tayo, lagi mo akong ina-up. Lagi mo akong sinasabihan na, ‘Ikaw lang ang nakagawa nito sa industriya.’ Salamat, nami-miss kita.
"Kapag nagte-text ka sa akin, tinatawagan mo ako bigla. Hindi ko makakalimutan yung mga huling araw mo sa ospital, tine-text mo ako.
“Kay April Boy, hindi ko nakakalimutan sa backstage. Sabi mo sa akin, ‘Sir Willie, pakisabi kung may step, ha? Wala akong nakikita, e.’
“So dun ko naisip na talaga palang sabi mo nga nabubulag ka na kaya inakay kita. Dun ko naramdaman yung hawak mo sa akin, talagang parang humihingi ka ng guide para hindi ka madapa.
“Kay Kim Idol... Kim, salamat, ha. Kapag isinasama kita, out-of-town, lagi kang available kahit meron kang show, kina-cancel mo. Lolokohin mo ako, ‘Basta bayaran mo lang ako, kuya.’
“Naging part ka din ng Wowowin. Salamat, hindi kayo naging guest dito. Naging part kayo ng Wowowin.
“Si Le Chazz po. Last February 12, yun po ang last guesting niya. Hindi ko naman ine-expect na meron siyang karamdaman kasi ang hiningi lang niya sa akin, tablet.
"'Kuya bigyan mo lang ako ng tablet.’
“Ito pong mga taong ito, naging part at kasama ko po. Sila po ay naging bahagi ng programang Wowowin.
“Nakapagbigay ng saya, nakapagbigay ng inspirasyon sa ating lahat.
"Sa lahat sa amin dito, mami-miss namin kayo. Maraming-maraming salamat sa ibinigay ninyong kasiyahan, sa aming mga labi na napangiti ninyo.
“Maraming salamat sa inyo, sa ating mga mahal na kaibigan palakpakan natin sila.
“And also to a good friend, talaga naman pong respetado sa industriya ng manunulat, the editor of Philippine Star, Tito Ricky.
“Nagulat ako sa ’yo. Kakausap ko lang sa ’yo. Hindi ko alam na may ganyan kang karamdaman, Tito Ricky.
“Salamat din sa ’yo, Tito Ricky, sa magagandang panulat mo sa akin sa programang Wowowin.
“Every time na may mangyayari sa akin, bigla kang magte-text, 'Puwede ba kitang tawagan? May itatanong lang ako.’
“Hindi ako makahindi sa ’yo, tatanungin mo ako kung anong nangyari. Tatanungin mo ako, 'Totoo ba ito?'
"Salamat, Tito Ricky sa lahat ng mga napakagandang isinulat mo para sa akin at para sa programa kong Wowowin.
"We love you, mami-miss namin kayo.”