Nagbida na si Jerald Napoles sa mga nakaraang pelikula nila ni Kim Molina, pero ang Instant Daddy ang itinuturing niya na launching movie.
Magkahalong kaba at excitement ang kanyang nararamdaman ngayong malapit na itong ipalabas.
"Lately lang din nag-sink in sa akin na ang Instant Daddy ang launching movie ko,” ang sabi ni Jerald sa eksklusibong pakikipag-usap sa kanya ng Cabinet Files.
"Marami na akong nagawa na pelikula, pero ito nga pala ang unang title role sa mainstream na pagbibidahan ko.
"Siguro lately ko lang na-realize dahil nang ibigay sa akin ang project, nag-focus agad ako sa pag-aaral ng role at sa trabaho na dapat na ibigay ko.
"Ngayon ko rin na-realize na nakatulong rin na hindi ko iniisip ang pressure na launching movie ko ang Instant Daddy.
"Maganda nang mas nauna ang mag-focus ako sa deserve na performance ng material sa abot ng aking makakaya.”
Sinadya ni Jerald na huwag panoorin ang original Mexican version ng Instant Daddy na Instructions Not Included (2013) dahil sa kagustuhang mabigyan ng bagong atake ang karakter na kanyang ginampanan.

Ano ang pakiramdam na ikaw ang bida at magdadala ng pelikula na Philippine adaptation ng blockbuster Mexican movie?
"Una po, grateful sa lahat ng mga tao na naniwala at nagtiwala para magampanan ko ang karakter, lalo na dahil napakarami sa industry na maaaring mag- portray ng role ko.
"Pangalawa, excited po. Malaki ang pangalan ng pelikula dahil maganda po ang tinakbo ng original version nito sa Mexico at may ibang mga adaptation mula sa iba’t- ibang bansa.
"Pangatlo, hindi naman ako na-pressure, pero may kaunting kaba dahil gusto ko na ma-appreciate ng lahat ang Philippine adaptation na ginawa namin.
"Kung may kaunting pressure man, nakatulong ito dahil naniniwala ako sa kasabihan na 'A diamond is a chunk of coal that did well under pressure.'"
JERALD NAPOLES'S PRAYER
Siyempre hindi siya nakalimot na magpasalamat at humingi ng patnubay mula sa Panginoong Diyos.
Very specific din ang kanyang dasal: Sana ay magandahan ang mga moviegoers sa kanyang pelikula.
Aniya, "Lagi po akong humihingi ng tulong, guidance at higit sa lahat, pasasalamat sa Diyos kada project.
"This time naman, hinihiling ko na marami ang maka-appreciate ng aming pinaghirapan dahil maganda po ang pelikula. Hindi po ito budol at wala pong A.I."
Ibang-iba rin daw ang portrayal niya sa actor ng original version na si Eugenio Derbez.
"And honestly, hindi ko pinanood ang original version dahil ito rin ang aking protocol hangga’t maari kung sakaling adaptation ang role na gagawin ko.
"Gusto ko kasi mabigyan ng fresh approach ang atake ko sa role. Kahit same premise, iba kasi ang situation sa adaptation namin so nakabase ako sa ‘What if hindi ito adaptation? What if ako ang unang gagawa at para sa akin talaga ito? What would Jerald do?’”
KIM MOLINA'S SUPPORT
Samantala, hindi man niya kasama si Kim sa Instant Daddy, buung-buo ang suporta kay Jerald ng kanyang girlfriend para sa launching movie niya.
Si Jerald ang kumanta ng "Sa Piling Mo," ang theme song ng Instant Daddy, at si Kim ang kanyang vocal coach nang i-record niya ang original song ni Regine Velasquez.
"Fan kami ni Kim ng isa’t- isa. Actually, siya po ang vocal coach ko since ako nga ang kumanta ng official song ng Instant Daddy.
"I did a version of Kuya Ogie Alcasid’s 'Sa Piling Mo' popularized by Ate Regine.
"With Kim’s support, kahit hindi po siya kasali sa pelikula, she still brings out the best in me and for that, I love her even more."