Ginugunita at ipinagdiriwang ang Pista ng Tatlong Haring Mago o Three Wise Kings tuwing Enero 6.
Makasaysayan ang araw na ito para kina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon — ang tatlong pioneer hosts at itinuturing na mga hari ng Eat Bulaga!.
Noong Sabado, Enero 6, 2024, muli nilang nagamit ang Eat Bulaga! bilang pamagat ng kanilang noontime program sa TV5 nang paboran ng Marikina Regional Trial Court ang petisyong inihain nila laban sa TAPE, Inc.
Read: Eat Bulaga! returns to TVJ: "Isa lang ang puwedeng tawaging Eat Bulaga!."
Araw ng Biyernes, Enero 5, 2024, nang ibalita nina Tito, Vic, at Joey na pinagtibay ng korte ang desisyon nitong sila ang may mga karapatang gumamit sa pamagat, logo, at trademark ng Eat Bulaga!.
Read: TVJ wins copyright infringement, unfair competition cases vs TAPE, GMA-7
Huwebes ng gabi, Enero 4, 2023, in-upload naman ni Julius Babao sa YouTube channel nito ang eklsusibong panayam niya sa dating bold star at Softdrink Beauty na si Coca Nicolas.
Matalik na kaibigan ni Coca si Pepsi Paloma, ang bold star na winakasan ang sariling buhay sa edad na 18 sa pamamagitan ng pagbibigti noong Mayo 31, 1985.
Tatlong taon bago pumanaw si Pepsi, nasangkot siya sa isang kontrobersiyal na kaso dahil pinaratangan niya ng pang-aabuso sina Vic, Joey, at ang pumanaw na komedyanteng si Richie D’Horsey.
Inilahad ni Pepsi na, kasama ang dating starlet na si Guada Guarin, minolestiya sila nina Vic, Joey, at Richie sa Room 210 ng Sulu Hotel sa Quezon City noong Hunyo 1982.
Read: Sexy star Pepsi Paloma still trending 38 years after her death
Sari-sari ang mga haka-haka ng publiko tungkol sa eskandalong paulit-ulit na pinag-uusapan mula noon hanggang ngayon, lalo na kapag nasasangkot sa mga maiinit na isyu ang mga orihinal na host ng Eat Bulaga!.
Sa interbyu ni Julius kay Coca, pinabulaanan nito ang diumano’y pang-aabuso nina Vic, Joey, at Richie kay Pepsi.
Si Pepsi raw mismo ang nagsabi sa kanya nito.
Ibinahagi ni Coca kay Julius ang pag-uusap umano nila ni Pepsi tungkol dito.
Coca: “Totoo ba yung sa inyo ni Tito, Vic, and Joey?”
Pepsi: “Hindi ah! Alam mo naman si Tito Rey... Parang hindi ka naman naano diyan kay Tito. Lahat gagawin niya para sumikat tayo."
Ang tinutukoy ni Coca na "Tito Rey" ay ang namayapa na rin nilang talent manager na si Rey dela Cruz.
Kilalang magimik ang manager at publicist at mabilis makapagpasabog ng headline sa tabloids, kaya sa maiksing panahon ay napaingay niya ang grupong binuo at siya na rin ang nagbansag na "Softdrink Beauties."
Sinundan pa niya ito ng "Liquor Beauties," na siya rin ang nagbansag. Kabilang naman dito sina Vodka Zobel, Chivas Regal, at si Brandy Ayala na nasa rehab facility sa Cebu.
Read: Throwback: Divina Valencia vs. Rey dela Cruz—the ultimate mic hit that scandalized local showbiz
Sabi ni Coca kay Julius, “Kaya yun po talaga. Ako mismo ang magpu-prove niyan na hindi totoo po yon.”
Sina Coca at Pepsi ay kabilang sa tinaguriang "Softdrink Beauties," ang mga bold star na mina-manage ni Rey dela Cruz noong '80s. Kabilang din sa kanilang grupo si Sarsi Emmanuelle.
Apat na dekada na ang nakalilipas buhat nang mangyari ang mabigat na akusasyon laban kina Vic at Joey.
Maaaring makatulong ang bagong rebelasyon ni Coca para makalaya at makawala na sila mula sa multo ng nakaraan na nagsanga-sanga na ang mga kuwento dahil paulit-ulit na inuungkat.
Umaasa ang mga tagasuporta nina Vic at Joey na kasabay ng desisyon ng korte noong Biyernes, na sila ang tunay na may karapatang gumamit sa pamagat na Eat Bulaga!, tuluyan nang matutuldukan ang Pepsi Paloma issue dahil sa pagsasalita ni Coca.
Read: Pepsi Paloma trends on Twitter amid Tito Sotto's Inquirer.net clampdown
Postcript: Ang Snake Sisters ang isa sa mga pelikula na pinagbidahan nina Coca at Pepsi noong 1984. Si Celso Ad. Castillo ang direktor ng Snake Sisters.