Ngayon ay muling napag-uusapan ang isyung kinasangkutan noong 1982 ng namayapang bold star na si Pepsi Paloma at ng Eat Bulaga! hosts na sina Vic Sotto, Joey de Leon, at ang yumao na ring si Richie D’Horsie.
Read: Pepsi Paloma, buhay pa rin sa alaala ng publiko 35 taon pagkatapos pumanaw
Sa panayam sa kanya ni Julius Babao, isiniwalat ng kasabayan ni Pepsi na si Coca Nicolas ang nalalaman umano nito sa malaking kontobersiyang pinagpistahan ng publiko.
Ayon kay Coca, "gimik" lamang ng namayapang talent manager na si Dr. Rey dela Cruz ang pang-aabusong ibinintang ni Pepsi laban kina Vic, Joey, at Richie.
Ayon pa kay Coca, mismong si Pepsi ang nagsabi sa kanya ng katotohanan nang tanungin niya tungkol dito.
Coca: “Totoo ba yung sa inyo ni Tito, Vic, and Joey?”
Pepsi: “Hindi ah! Alam mo naman si Tito Rey... Parang hindi ka naman naano diyan kay Tito. Lahat gagawin niya para sumikat tayo."
Sina Pepsi at Coca ay kabilang sa "Softdrink Beauties," ang grupo ng bold stars noong '80s na binuo ni Rey.

Read: Former bold star Coca Nicolas nagsalita tungkol sa nalalaman sa Pepsi Paloma controversy
Hindi lamang si Pepsi ang sangkot sa nabanggit na eskandalo dahil kasama niya sa pagrereklamo noon ang kapwa sexy star na si Guada Guarin.
Matagal nang hindi aktibo sa showbiz at tahimik nang namumuhay si Guada.
Isang nakakaalam sa kuwento ang nagsabi sa Cabinet Files na makalipas ang maraming taon matapos maganap ang eskandalo, gumawa ng paraan si Guada na makausap si Vic para personal na humingi ng tawad.
Nakokonsensiya raw si Guada sa pagkakasangkot niya sa paghahabla sa Eat Bulaga! hosts.
Sa kuwento, ang kaibigang aktres ni Vic na kasamahan ni Guada sa sinanibang religious community ang kinausap ni Guada para maging tulay sa planong paghingi ng tawad sa TV host-comedian.
Ang paghingi ng kapatawaran mula sa mga taong nagawan niya ng pagkakamali ang kinailangang gawin ni Guada bilang pagsunod sa prinsipyo ng religious community.
Ngunit hindi na nangyari ang balak ni Guada na makausap nang personal si Vic dahil minabuti nitong tuldukan na ang nakaraan.
Noong 2016, muling nabigyan ng pagkakataon ang ilang showbiz reporters na makausap si Guada. Pero tumanggi na itong magsalita tungkol sa mga kaganapan ng 1982 alang-alang sa mga anak na malalaki na at ayaw niyang bigyan ng kahihiyan.