Napaiyak sina Gelli de Belen, Candy Pangilinan, at Carmina Villarroel sa media conference ng pelikulang Road Trip nitong Biyernes ng hapon, Enero 12, 2024 nang mapag-usapan ang kanilang malalim na pagkakaibigan.
Read: Carmina Villarroel to son Mavy Legaspi: “Tatay and I are just happy that you're back.”
Pumatak ang luha ni Carmina nang ikuwento niyang hindi siya pinabayaan ng mga kaibigan nang mamatay ang kanyang ina noong May 1996 at ang tatay niya noong June 2022.
Read: Carmina Villarroel mourns passing of father Reggie Villarroel
“Nung namatay po yung mommy ko at yung very recent, namatay ang daddy ko, hindi nila ako iniwan.
"Kahit si Gelli nasa Canada, kasi iba talaga yung relationship ko with Gelli, so nu’ng time na…” sabi ni Carmina, na tuluyan nang napaiyak kaya hindi natapos ang pagsasalita niya.
Mabilis na sinalo si Carmina ni Gelli dahil ito ang nagpatuloy ng kanyang sasabihin.
Kuwento ni Gelli, “Nung nasa ospital si Tita Menchu, yung mom niya, teenagers pa kami noon, right after, I think I was one of the first na tinawagan niya because we were together, just two days before.
“Sabi niya, ‘Gelli, wala na si Mama.’
"So ngayon, nung nangyari yon kay Tito Reggie, sa daddy niya, kahit na nasa Canada ako… siyempre wala na, tapos nung si Mommy…”
Napaiyak din si Gelli at hindi na makapagsalita kaya sinalo naman siya ng kanyang kapatid na si Janice de Belen.

Ikinuwento ni Janice nang pumanaw ang ina nila ni Gelli na si Susan de Belen noong March 19, 2016, at kung paano sila dinamayan nina Carmina at Candy.
Lahad ni Janice, “When our mom passed away [Susan de Belen], itong dalawang ito [Carmina at Candy ], di ba, maraming inaasikaso kapag ganoon?
“Si Mina at saka si Candy were always checking, ‘O, meron na ba kayong ganito? Kami na ang mag-aasikaso.’
“Even sa times na hindi mo na kailangan magsalita, nandiyan sila.
"Sa point na Mina’s dad passed away, umabot na sa point na kami na ni Candy ang nagwe-welcome sa mga bisita.”
Ipinagpatuloy ni Gelli ang pagsasalita nang makontrol nito ang kanyang emosyon, samantalang napaiyak na rin si Candy dahil sa mga narinig nito.
Sabi ni Gelli, “It’s something we know na parang automatic. We’ve been together for decades. Siyempre, hindi na kailangan magsalita.
“Ako nga, I feel bad that I wasn’t there for her when Tito Reggie passed away.”
Gagawin daw ni Gelli ang lahat para kay Carmina, pero nagkataong nasa Canada siya nang pumanaw ang ama ng kanyang kaibigan noong Hunyo 2022.
Ang Road Trip ang unang pagkakataong nagkasama sina Janice, Gelli, Carmina, at Candy sa pelikula.
Ipalalabas ito sa mga sinehan simula sa Enero 17, 2024 kaya masipag sila sa pagpo-promote ng proyektong malapit na malapit sa kanilang mga puso.