Bata pa lang ay gustung-gusto nang mag-artista ni Jaime Yllana.
Ngayong 20 years old na siya, wala nang magawa ang kanyang mga magulang na sina Anjo Yllana at Jacqui Manzano kundi ang suportahan ang masidhing pangarap niya.
Read: Kilalanin: Derick Lauchengco, Kaleb Ong, Patrick Roxas
“Buong buhay ko po, gusto ko nang maging artista,” rebelasyon ni Jaime sa eksklusinong panayam sa kanya ng Cabinet Files.
“Ang pag-aartista po ang gusto ko dahil sa trabaho ng parents ko. Palagi akong isinasama ng dad ko sa mga shooting at taping niya kaya nakita ko ang experience.
"Noong 16 years old ako, tinanggap ko na gusto ko talagang mag-artista."
Ayon kay Jaime, ang kanyang amang si Anjo ang nakaimpluwensiya sa kanya upang pasukin din ang pag-aartista.

Lahad niya: “Ang dad ko talaga ang naka-influence sa akin. Baby pa lang ako, dinadala na niya ako sa kanyang trabaho at palaging ready ako na sumama.
“Kahit outside of work, ako pa rin ang kasama niya kaya nakikita ko ang mga taong nagpapa-picture na kasama siya.
“Masaya sila sa simple gesture ng dad ko na pumapayag agad magpa-picture. At isa yon sa mga nakaimpluwensya sa akin—ang magpasaya ng mga tao.”
CELEBRITY PARENTS: ANJO AND JACKIE
Taong 1984 nang magsimula si Anjo sa pag-aartista, at makalipas ang apat na dekada ay aktibo pa rin sa showbiz.
Si Jackie naman ay nagsimula noong dekada '90 ngunit hindi nagtagal sa showbiz.
Anong edad si Jaime nang malaman niyang kapwa mga artista sina Jacqui at Anjo?
Sagot niya: “Noong bata pa lang ako, akala ko normal lang na nakikita ko si Dad sa TV.
“Hindi naman po niya ipinagyabang na artista siya at bilang bata, akala ko trabaho lang ng dad ko ang magpasaya at magbigay ng aliw.
“Yung mom ko naman, hindi ko na siya naabutan na artista, hindi rin niya ipinagyayabang na dating artista siya.
“Yung mga alam ko tungkol sa kanya bilang artista ay yung mga naririnig ko na lang na cute na cute siya at Jacqui Manzano ang screen name niya.
“Noong nalaman ko yon, na-surprise po ako. Hindi lang pala flight attendant ang nanay ko dahil nakaya rin niya noon na mag-artista.”

Ano ang reaksiyon ng kanyang mga magulang nang sabihin ni Jaime na desidido na siyang pumasok sa showbiz?
Ayon sa aspiring actor, “Pakiramdam ko alam na nila yun ever since kaya hindi na kami nakapag-usap tungkol sa pangarap kong maging artista.
“Dahil mga artista sila, alam nila kung gaano kahirap sa showbiz. Hindi sila sure kung papayag sila dahil mahal nila ako, e, at ayaw nilang maging mahirap ang kinabukasan ko.
“Eventually, nakita naman nila na determined ako kaya araw-araw, lumalaki na ang kanilang suporta sa akin.”
JAIME IS A DANIEL PADILLA FAN
Ipinagmalaki ni Jaime na iniidolo at inspirasyon niya bilang aktor ang kanyang ama, pero humahanga rin siya kay Daniel Padilla.
“Si Dad ang nagpapakita sa akin how it’s done and he’s been giving me advices.
“Ipinakita niya sa akin kung gaano kasaya ang pag-aartista while reminding me na kailangan kong magtiyaga.
“Growing up, uso ang movies nina Daniel Padilla and Kathryn Bernardo kaya, in a way, naging inspiration rin sa akin si Daniel. Gusto ko noong maging katulad niya."
Pagpapatuloy ni Jaime, “At kung magiging aktor ako, hardwork ang puwedeng ibigay ko.
“Gusto ko po na maging artista hindi dahil sa pera or para sumikat. Gusto ko talaga maging entertainer, magpatawa at magpaiyak.
“Gagawin ko talaga ang lahat para sa pangarap ko. I will to strive to be the best that I can be. I want to make my parents proud too.”

JAIME YLLANA'S PREPARATIONS
Si Jaime ay may taas na 5’11.
Maliban sa guesting nila ni Anjo sa Family Feud, ang game show ng GMA-7, hindi pa niya nararanasang umarte sa telebisyon at sa pelikula.
Pero sumasali raw siya sa mga acting workshop sa school na kanyang pinagmulan.

Kuwento niya: “Noong bata pa ako, sumasali na ako sa mga acting workshop. Nag-theater din ako sa Ateneo Children’s Theater.
“Nag-perform ako sa mga play, pati na rin sa Cultural Center of the Philippines.
“Open-minded po ako. Kapag may chance ako makipag-usap sa mga artista, pati na rin sa mga magulang ko, lahat sila may advice at nakikinig talaga ako sa mga sinasabi nila.
“Patuloy ako sa panonood ng movies para tingnan kung ano ang mga puwede kong gawin. Nag-eensayo rin ako para gumaling ako sa pagsasalita ng Tagalog.”
Tanggap ni Jaime na hindi madali ang maging anak ng mga artista.
Aniya, “Kailangan kong maging mabuti at maayos na anak dahil reflection ako ng character ng mga magulang ko.
“They raised me to be respectful. Walang akong bisyo at hindi ako mahilig mag-party.
“Pero isang advantage is nakikilala ko ang mga kaibigan at co-workers nila. Kunyari na lang, hindi ako fan para hindi nakakahiya.
“Madalas na busy ang dad ko dahil marami siyang kailangang gawin bilang artista, pero naiintindihan ko kapag busy at pagod ang dad ko dahil both my parents, ipinapakita nila na mahal nila ako."