JERRY OLEA
Tweet ni David Licauco noong Marso 17, Miyerkules, kalakip ang selfie nila ni Julie Anne San Jose: “Ay yung crush ko.”
Swak iyon sa promo ng rom-com series nilang Heartful Café na magpi-premiere sa Abril sa GTV.
Heart Fulgencio ang pangalan ng karakter ni Julie Anne sa nasabing serye, samantalang Ace Nobleza si David.
HeartAce ang tandem sa serye, hindi HeartAche!

Julie Anne San Jose and David Licauco in Heartful Café
E, bilang love team... Julie + David equals...? JuVid? Ay, tunog-COVID. JuDa na lang.
Hindi pwedeng JuCo (Julia + Licauco). Ang JuCo kasi taguri na kina Julia Montes at Coco Martin, na nagliliwaliw ngayon sa Boracay.
Aamin na ba sila, kasunod ng JuDoy?
Matapos ang closure ng JoshLia (Joshua Garcia + Julia Barretto) sa official music video ng "Paubaya" na in-upload noong Pebrero 14 sa YouTube channel ni Moira, umamin kapagkuwan si Gerald Anderson sa pagmamahalan nila ni Julia Barretto.
Title role si Gerald sa Kapamilya teleseryeng Budoy (Oktubre 2011-Marso 2012). Kaya ang JuDoy ay portmanteau ng Julia at Budoy. Cute ba iyon o baduy?
Matapos ang Kapamilya teleseryeng A Soldier’s Heart, matutunghayan si Gerald sa teleseryeng Init sa Magdamag umpisa Abril.
Ipinagdiinan ng ABS-CBN na fake news ang tsikang tatapusin na sa Abril ang teleseryeng FPJ’s Ang Probinsyano ni Coco.
Noon pa lumulutang na ang susunod na teleserye ni Coco ay FPJ’s Batang Quiapo, kung saan magtatambal umano silang muli ni Julia Montes.
JuDa, JuDoy o JuCo... aling tandem ang mas mainit, mas nakakakilig, mas kapana-panabik?
Ay! Pagkatapos ng makasaysayang pelikulang Between Maybes (2019), hindi pa uli nagtatambal sina Julia at Gerald.
Ang katambal ni Gerald sa Init Sa Magdamag ay si Yam Concepcion.
GORGY RULA
Sa Abril 5 na magsisimula itong bagong drama series ni Julie Anne na Heartful Cafe. Mapapanood ito sa GTV.
Ngayon lang uli magdadrama si Julie Anne dahil nag-focus muna siya sa recording.
Sabi ng mga taga-Heartful Cafe, nakitaan nila agad ng chemistry sina Julie Anne at David, at proud silang nabuo nila ito na maganda ang pagkakadirek ni Mark dela Cruz.
Feeling nila, pasok ito sa Netflix kung sakali. Kaya tingnan natin iyan.
Nakadalawang cycle na sila ng taping at nagpapasalamat sila sa Panginoon na safe silang lahat, walang nagkasakit sa kanila.
Talagang nag-iingat daw kasi sila at mahigpit na sinusunod ang safety protocols & guidelines.
NOEL FERRER
Malakas talaga ang loob ng GMA News and Public Affairs department para mag-cast ng mga wala pang history ng hit teleseryes. Para lang The Lost Recipe nina Kelvin Miranda at Mikee Quintos.
Tingnan natin kung tatatak ang tambalang ito sa Heartful Cafe. Who knows, malay ba natin, di ba?
Kayo, will JuDa make it or magiging Cynthia lackluster lang sila after? Good luck!!!
