JERRY OLEA
Mahal pa rin ni Ana Jalandoni si Kit Thompson, kahit muntik nang ikabulag ng kanang mata niya ang pambubugbog nito sa kanya.
Read: Sexy star Ana Jalandoni rescued by Tagaytay police after alleged assault by boyfriend Kit Thompson
Kumusta na ang lagay ng kanyang right eye?
“Sa ngayon po, ahh… meron pa rin po siyang parang gasgas sa loob,” pagmumuwestra ni Ana sa mediacon nitong Marso 28, 2022, Lunes, sa isang events place sa Sct. Borromeo St., Quezon City.
“So, parang… ganyan. Pero sabi ng mga doktor is… babalik din siya sa normal.”
May pagka-blurred daw ang kanang mata ni Ana.
Priority ngayon ni Ana na magpahinga muna sa showbiz, pero hindi ganun katagal.
Contrary sa naiulat ng ilang publikasyon, hindi pa naipalabas ang launching movie niyang Manipula, kung saan leading man niya si Aljur Abrenica, sa direksiyon ni Neal “Buboy” Tan.
Nag-presscon pa lang ang Manipula noong Oktubre 23 sa Tipsy Pig, Timog Avenue, Quezon City. Ikinakasa na sana ang streaming nito ngayong Marso, pero naudlot iyon matapos bugbugin ni Kit si Ana.
Hindi pa nagkakausap sina Ana at Kit mula nang mangyari ang gulpihan.
Ang message ni Ana para kay Kit: “Fix yourself.”
Bakit ganun ang message niya? Wala bang galit sa puso niya? Bakit parang may malasakit pa rin siya kay Kit?
Paliwanag ni Ana, “Ahhm, mahal ko po naman talaga yung tao. Pero siyempre ho, yung galit, nandun po yun.
“Kaya nga po namin pina-file yung case, kasi dun namin idadaan yung galit ko sa tamang proseso po.
“Pero bilang tao po, alam ko ho na maraming nakakagawa ng hindi maganda dahil sa emotions and everything.
“Pero… tao rin ho ako, e. Siyempre ho, marunong akong magpatawad pero may consequence yung ginagawa natin pag gumagawa tayo ng mali.”
Ano ang mensahe niya para sa mga babaeng pinanghihinaan ng loob?
“Sa mga babaeng katulad ko na nakaranas ng ganitong pangyayari, na nasaktan… huwag kayong matakot!” bulalas ni Ana.
“Dahil unang-una, hindi tayo dapat sinasaktan ng mga lalaki — kahit ano pang problema 'yan, kahit ano pang isyu — hindi tayo dapat pinagbubuhatan ng kamay.
“Kaya nga po nandiyan yung salitang, ‘Pag-usapan niyo nang maayos.’
“Kung mangyari man po sa inyo yung mga ganyan, lumaban po tayo. Huwag po nating… parang isantabi, o ikimkim lang na tanggapin.
“Dahil tayo ho ang kawawa diyan. Kailangan po nating putulin yung tali na iyan. Kailangan pong labanan natin 'yang takot na 'yan.
“Kung alam mong nasa tama ka, gawan mo ng paraan.
“Nandun yung takot, alam ko po yun. Pero… sa ngayon po, kailangang putulin 'yang ganyang pangyayari.
“Hindi po 'yan dapat gayahin ng kahit sino man. Dapat labanan niyo po. Lakasan po niyo ang loob ninyo. Huwag po kayong papayag na saktan kayo ng isang lalaki.”
Ano ang message niya para sa kanyang sarili? Dahan-dahan at halos pabulong ang tugon ni Ana, “Sa ngayon po, ang message ko sa sarili ko is, ahhmm… magpakatatag.
“Makipag-usap sa mga tamang tao. Ignore the negativity. Good energy lang. iSyempre po, lagi pa rin akong nagdarasal.
“At yung bonding ng pamilya ko at mga nagmamahal sa akin, mga kaibigan.
“Siyempre po, tuloy lang po yung buhay. Tuloy lang pa yung buhay,” pagtango ni Ana.
“Kahit ano man pong pagsubok ang dumaan sa akin, kailangan ko po talagang lumaban.
“Wala naman pong ibang magtatanggol sa akin kundi ang sarili ko.”
At ano ang mensahe niya para sa sister (Marie Jalandoni) at tatay (Lawrence Jalandoni) niya na kasama sa mediacon?
Gumaralgal ang tinig ni Ana, “Sa daddy ko, sa kapatid ko… sorry… nasaktan ko kaya!”
Napahikbi si Ana at yumuko, “Nasaktan ko kayo sa pag-aalala sa akin… gagawin ko po yung tulungan… Dun lang po ako sa tama.
“Mamahalin ko po yung sarili ko…” at lumagaslas muli ang luha sa kanyang mga mata.
GORGY RULA
Sinubukan naming hingan ng pahayag ang kampo ni Kit Thompson, pero walang may magsasalita sa kanila.
Kahit si Erickson Raymundo ng Cornerstone ay hindi na sumasagot sa text ko. May ilang tumutulong dahil sa closeness nila sa aktor, pero hindi rin muna sila magsasalita para ipagtanggol si Kit.
Sabi ng ilang abogado, mas mabuting manahimik muna at harapin na lang ang kasong isasampa. Iyon naman siguro ang tamang gawin para hindi na lumaki ang isyu.
Sana panindigan ito ni Ana, at hindi magbabago ang desisyon sakaling suyuin siya ni Kit. Inaamin kasi niyang mahal pa rin niya ito.
Baka ikawindang ng lahat kung mabalitaan natin isa sa mga araw na ito ay nagkaayos na pala sila at tuloy pa rin ang kanilang relasyon.
Mismong si Ana ang nagsabing malalagpasan din naman ng nobyo ang pinagdadaanan niya. Halos lahat kasi ay nagsasabing mahihirapan si Kit na makabawi dahil apektado naman talaga ang showbiz career nito.
“Siyempre po, yun po ang career ni Kit, e. Sa pagkakakilala ko po sa kanya, gusto niya po talaga maging best actor.
“May pangarap po siya. Yun po ang sinasabi niya sa akin sa career niya.
“Pagsubok lang naman po yun, e. Malalagpasan din po ‘yan ni Kit. Kailangan lang talagang tanggapin niya, at magpakatotoo siya sa sarili niya, para makapag-start siya nang maayos,” pahayag ni Ana.
NOEL FERRER
Kahit hindi pa man Best Actor si Kit, what comes to mind is the Oscar’s slapping event nina Will Smith at Chris Rock.
Violence is never acceptable. Kahit pa mag-Best Actor ka. Bakit parang napailing na lang ako sa sinabi ni Ana na mahal pa rin niya si Kit?
Very Filipino ba iyan—na sinapak, sinaktan ka na, yayakapin mo pa (at iboboto mo pa)?
Related Stories:
• Ana Jalandoni, pinagbantaan umano ni Kit Thompson: "Pag iniwan mo ako, patayin kita."
• Kit Thompson, nakapagpiyansa na; Ana Jalandoni, pursigidong magsampa ng kaso
• Darryl Yap, nagkuwento tungkol sa Ana-Kit incident base sa pakikipag-usap sa mga ito
• Kit Thompson's management releases new statement on actor's alleged assault
