GORGY RULA
Selos ang dahilan kaya binugbog umano ni Kit Thompson ang girlfriend nitong si Ana Jalandoni, ayon sa initial police report.
Read: Kit Thompson alleged assault of girlfriend Ana Jalandoni caused by jealousy, says police
Sa unang pagkakataon, humarap si Ana sa media nitong Marso 28, 2022, Lunes ng hapon, sa isang events place sa Sct. Borromeo St., Quezon City.
Kasama ng aktres ang kanyang tatlong legal counsels, pati na rin ang kanyang ama, para bigyang-linaw kung ano ang naging mitsa ng pananakit sa kanya ng nobyong aktor.
Hindi gaano kadetalyado ang paglalahad ni Ana, pero base sa salaysay niya, pareho silang lasing ni Kit nang mangyari ang insidente habang sila ay naka-check in sa isang hotel sa Tagaytay.
Ayon sa legal counsel niyang si Atty. Faye Tiongson, noong Marso 17, 2022 naganap ang insidente.
Lumalabas na ang posibleng naka-trigger sa galit ni Kit ay ang usapan nilang baka iwan ni Ana ang nobyo.
Ayon kay Ana, hindi totoo ang espekulasyong mayroon siyang third party.
Pero sa hindi malinaw na dahilan ay pinagseselosan umano ni Kit ang ex-husband ni Ana na hiniwalayan nito noon pang 2018.
Lahad ni Ana: "Nangyari po kasi yun, na nag-usap po kami na gusto daw po niya akong pakasalan.
"Tapos po, sabi niya mahal na mahal niya ako, ganun din ako sa kanya.
"Tapos po, may pina-delete po ako sa kanya na mga pictures namin sa social media.
"Tapos, naging okay naman po yung usapan namin."
Maya-maya ay biglang binanggit daw ni Kit ang tungkol sa ex-husband ni Ana.
Dito raw siya binantaan ni Kit na papatayin siya sa oras na hiwalayan niya ito.
"And then, ang next na po niya na tanong sa akin, 'Iniwan mo yung ex mo, di ba? Di ba, hiniwalayan mo siya?'
"Sabi ko, 'Oo, ang tagal na 'yan, 2018 pa 'yan. Alam mo naman kung ano ang nangyari kung bakit.'
"Tapos, sabi niya, 'Ako, pag iniwan mo ako, patayin kita.' Tapos, sabi niya, 'Akin ka lang, hindi ka puwedeng mapunta sa iba.'
"Kaya nung sinagot ko siya, sabi ko sa kanya, 'Mahal kita, hindi kita iiwan, alam mo ‘yan.'"
Dagdag na kuwento ni Ana, tinatawagan daw niya ang kaibigan nilang nagngangalang "Victoria."
Mahina raw ang signal sa kuwarto ng tinutuluyan nilang hotel kaya lumabas si Ana at nakarating siya ng third floor ng hotel.
Nagising daw si Kit at hinanap si Ana.
Hanggang sa itinuro raw ng lady guard na nasa third floor si Ana kung saan sandali itong nakaidlip.
Binitbit daw siya ni Kit pabalik ng kanilang kuwarto.
"Akala niya na iiwan ko siya," salaysay ni Ana.
"Kasi, paghiga niya sa akin sa bed, sinampal niya ako ng gising, e. Nagulat ako, na-shock ako.
"Sabi ko sa kanya, 'Bakit mo ako sinampal?'
"Sabi niya, 'Bakit mo ako iniwan?'
"Sabi ko, 'Hindi ako umalis. Tumatawag ako kay Victoria para sabihin ko sa kanya na nandito tayo sa hotel, lasing tayo.'
"'Hindi! Umalis ka! Iiwan mo ako!'
"Hindi siya nakikinig sa akin, kasi nga, galit na galit na siya," lahad pa ni Ana.
Aware si Ana na may "anger" management issue si Kit dahil ito raw mismo ang nagbanggit nito sa kanya noon.
Sa tingin ni Ana, nasa isip ni Kit na iiwan niya ito kagaya ng nangyari sa kanila ng kanyang ex-husband na pinagseselosan daw ng aktor.
"Perception ko lang, siguro pumasok sa isip niya na iwan ko siya, kasi ginawa ko nga sa ex ko.
"Siyempre, nakainom nga kami. Kasi lumabas ako ng pinto, e. Kasi matagal din niya akong hinanap, e. Akala niya iniwan ko na siya," sabi pa ni Ana.
Inamin na rin ni Ana na itong ex-husband niya ay pinakasalan niya sa Amerika nung taong 2017.
Pero hindi nagtagal ang kanilang relasyon at naghiwalay rin sila.
"Ikinasal po ako noon sa States po. Pero, hindi po kami nagsama sa isang bahay kasi, September 2017 yun, December kami bumalik ng Pilipinas.
"January 2018, hiwalay na po kami," pag-amin ng aktres.
JERRY OLEA
Nahihirapan pa ring matulog si Ana Jalandoni mula nang bugbugin siya ni Kit Thompson.
Read: Sexy star Ana Jalandoni rescued by Tagaytay police after alleged assault by boyfriend Kit Thompson
"Dun nga po ako hirap," nahihikbing saad ni Ana ukol sa "trauma" na pinagdadaanan niya.
Pinahid ni Ana ang namuong luha sa mata, "Dun po ako nahihirapan—anxiety, lahat-lahat. Natatakot ako. Sa hospital. Hindiiii… Hindi ako natutulog."
Gumagaralgal ang boses ni Ana, "Nahihirapan po ako. Hanggang ngayon, traumang-trauma ako."
Napayuko si Ana at tuluyang lumagaslas ang masaganang luha.
Pahayag ng legal counsel niyang si Atty. Faye Singson, "The following days right after the incident, I will be receiving calls from her. Tatawag siya sa umaga.
"Siyempre, una kong tatanungin, 'Kumusta ka? Nakatulog ka ba?'
"Iyan mismo ang sasabihin niya, and she’ll break down and cry, 'Hindi ako nakatulog, nanaginip ako. Every detail… is relived in my head. Bangungot, nightmare, akala ko, totoo ulit. Magigising na lang ako—kung nakatulog man ako—yun ang nasa isip ko.'
"So, every waking hour, every sleeping hour, yun at yun ang tumatakbo sa isipan niya."
Bilang legal counsels, ipinapayo nina Atty. Faye Singson, Atty. Walter Baligod, at Atty. Greg Tiongco ang legal procedures para sa isasampang reklamo ni Ana, ang mga karapatan ni Ana, at kung anu-ano ang nalabag sa pagkatao ng baguhang sexy actress.
Dagdag ni Atty. Faye, "Dahil pareho kaming babae, nakaka-relate kami sa nararamdaman niya.
"We tell her to, as much as possible, get some rest. Rest well. And siyempre, magdasal na rin."
Ano ba ang ipinagpi-pray ngayon ni Ana sa Panginoong Diyos?
"Paulit-ulit ko pong ipinagpe-pray, una siyempre nagpapasalamat po ako na ligtas po ako," gumagaralgal muli ang boses ni Ana.
"At sana po… bigyan Niya po ako ng… lakas ng loob para lumaban. Sana po.
"Sana, maging maayos ang lahat," napayukong saad muli ni Ana.
NOEL FERRER
May dagdag na kuwento ang abogado ni Ana na si Atty. Faye Singson, kasama ang nasa legal group nila na si Ms. Deanna Ang.
Naikuwento raw ni Ana na nung umaakyat pa lang sila ni Kit ng Tagaytay, habang nasa kotse sila, nabanggit daw ng aktres na meron siyang shoot para sa susunod na movie project niya.
Tinanong daw sa kanya ni Kit kung maghuhubad na naman ba ang aktres.
Ilang beses na raw palang sinabihan ni Kit si Ana na itigil na ang paghuhubad.
Ipinaliwanag naman daw ni Ana na sexy naman talaga ang image niya.
Sinabihan daw siya ni Kit na tila galit na galit na, "Magpapalamas ka na naman ng suso?"
Habang sinambit daw iyon ni Kit ay nilalamas daw nito ang dibdib ng nobya.
Iba na raw ang mood ng aktor noong papunta pa lamang sila ng Tagaytay.
Kaya raw sila nagbakasyon dahil matagal silang hindi nagkita since na-lock in nang matagal si Kit sa taping.
Akala raw ni Ana, masaya ang kanilang bakasyon dahil miss na miss nila ang isa’t isa.
Dagdag na kuwento ni Atty. Faye Singson, humingi raw ng tulong si Ana kay Kit at nakiusap na dalhin siya sa ospital dahil sobrang sakit na ang ulo niya matapos saktan ng aktor.
"Sabi raw ni Kit sa kanya, siya na lang daw ang gagamot. Humingi pa raw si Kit ng Biogesic sa reception para ipa-take kay Ana.
"Nakita ni Kit na ang daming pasa ng mukha ni Ana, kumuha siya ng yelo at nilagay sa towel. Nilagay niya yun sa mukha ni Ana.
"Pero heto pa, nung nilagay niya ang towel na may ice, idinaan niya nang malakas sa mukha ni Ana.
"For a while, unconscious si Ana, hanggang sa nagising siya, pero tulog na si Kit."
Sa puntong iyon na raw humingi ng tulong si Ana sa isang kaibigan na kinontak via Messenger.
Palihim daw iyong ginawa ni Ana sa takot na baka magising si Kit.
Hindi na raw gaanong nakakakita si Ana kaya nang buksan niya ang Messenger, basta na lang siya nagpadala ng mensahe na tulungan siya at puntahan siya doon sa hotel.
Pasado alas-singko ng hapon ng Huwebes, March 17, nang mangyari ang bugbugan, pasado alas-siyete ng gabi na raw dumating ang mga pulis para saklolohan si Ana.
Doon na rin daw nagising si Kit.
Nananatiling bukas ang PEP Troika para naman sa panig ni Kit Thompson.
Read related stories:
- Ana Jalandoni posts cryptic message amid assault allegation against boyfriend Kit Thompson
- Kit Thompson, nakapagpiyansa na; Ana Jalandoni, pursigidong magsampa ng kaso
- Kit Thompson in Tagaytay police custody; his girlfriend treated for injuries
- Kit Thompson’s camp releases statement about Tagaytay incident
- Gabriela, naglabas ng statement tungkol sa pananakit umano ni Kit Thompson kay Ana Jalandoni
