JERRY OLEA
Kahit nahihirapan, dumalo ang beteranong aktor na si Dido dela Paz sa gala premiere ng Cinemalaya film na Ginhawa noong Agosto 9, 2022, Martes, sa Tanghalang Nicanor Abelardo (TNA) o CCP Main Theater.
Kontrabida si Dido bilang coach ng baguhang boksingero na ginampanan ni Andrew Ramsay sa pelikulang Ginhawa.
Tampok din sa movie sina Ruby Ruiz, Chanel Latorre, Kiko Matos, Duane Lucas Pascua, Ruth Lopez-Dee, at Rolando Inocencio, sa direksiyon ni Christian Paolo Lat.
Nakatungkod si Dido sa nasabing pagtitipon sa CCP.
Nitong Agosto 10, Miyerkules ng hapon, ay nag-message ako kay Dido sa Messenger at binati siya sa mahusay na pagganap sa Ginhawa.
Sabi ko pa, nawa’y magwagi siyang best supporting actor.
“Maraming salamat mahal na kapatid!” sagot ni Dido.
Makakadalo ba siya sa awards night ng Cinemalaya sa Agosto 14, Linggo ng gabi, sa TNA?
“I'm not sure kapatid. Medyo touch and go yung pakiramdam ko.”
Mabuti at nakaya niyang dumalo sa gala premiere ng Ginhawa.
“Pinilit ko para sa mga anak ko. Baka last time na kasi. Hehe!”
Read: Cancer ng character actor na si Dido dela Paz, kumalat na sa utak at di na maaaring operahan
Nag-request ako kay Dido ng konting kuwento tungkol sa pakikipagtrabaho kay Andrew, at sa produksiyon ng Ginhawa.
Reply ni Dido, nahihirapan siyang mag-text kaya kung puwede ay tawagan ko na lang siya sa cell phone para isalita niya.
Agad akong tumawag, at ang sabi ni Dido, “Impressed ako kay Andrew kasi nag-training talaga siya. Saka kita mo naman yung katawan niya, saka yung mga suntok niya, legit, talagang para siyang boxer. May puso yung bata, may fire.”
Read: Bunsong kapatid ni Derek Ramsay na si Andrew Ramsay, pinasok na rin ang pag-aartista
Maayos ba ang trato sa kanya ng produksiyon?
“Very, very professional yung group nila, especially yung production side. Yung ating direktor, mahusay,” tugon ni Dido.
“Alam mo, tuwang-tuwa ako sa sinabi sa akin ng anak ko kagabi. ‘Bumalik ang paghanga ko sa Philippine movies,’ sabi niya.
“Napanood niya ito, at sabi niya, maganda yung film, you know. Yung story, the way it was treated. Hindi katulad nung alam mo na, mga formula-formula na pelikulang Pilipino na pinapanood niya.
“So, last night, sinabi niya, nung kumakain kami, ano… ‘Nagustuhan ko uli ang Philippine cinema.’”
Sabi-sabi, ang Top 3 Cinemalaya films na maglalabanan this year sa awards night sa Sunday ay Blue Room, 12 Weeks, at itong Ginhawa.
“Maganda, e, maganda itong film. It’s good, it’s a very good film,” pagmamalaki ni Dido, na nasa cast din ng opening film ng Cinemalaya 2022 na Leonor Will Not Die.
“Maganda ang pagka-develop dito ng character ko para magalit yung mga tao, para maano kay Andrew. Kasi, yun talaga ang story ng ibang mga boxer, talagang kawawa, e.
“Ninanakaw yung pondo para sa kanila. Totoong nangyayari 'yan! Magaling yung direktor.”
Kumusta ang pakiramdam niya matapos ang gala premiere ng Ginhawa?
“Ay, naku! E… he, he… hilo na ako! Madapa-dapa na ako!”
Buti, may tungkod siya.
Ano nga pala ang pangalan ng mga anak na kasama niya sa CCP?
“Si Juan Carlos, si Isabella saka si Bienvenido III. Isinama ko sila, pumunta ako sa CCP, para sa mga anak ko! Hindi para sa akin talaga!” bulalas ni Dido, na matagal nang may malubhang sakit.
“Pinilit ko ang sarili ko kahit hirap na hirap ako.”
Sana, um-attend kahit isa sa mga anak niya sa awards night sa Sunday, in case na magwagi siyang muli na best supporting actor sa Cinemalaya.
Nag-best supporting actor si Dido sa pagganap bilang Doc sa Cinemalaya 2017 film na Respeto, kung saan bida ang rapper na si Abra.
“Maraming magagaling diyan. Ewan ko, I’m not hoping. I just do my work, and you know, do the best that I can,” saad ni Dido.
May laban siya sa best supporting actor, in fairness!
“Di bale na, kahit na ba… Kahit ma-nominate lang ako, OK na ako!”
May mensahe pa siyang nais iparating sa mga manonood ng Ginhawa?
“Ahh… sana, magkaroon sila ng ginhawa sa buhay. He! He! He! He!” paghagikgik ni Dido.
Sana rin, magkaroon siya ng ginhawa sa kabila ng pinagdaraanan niya.
“Ahh, well, God willing yun. Ako, kuwan naman ako, at peace naman ako, e,” malumanay na sambit ni Dido.
“Yung post ko kanina sa Facebook, natawa ako, maraming naalarma. Yung post noon ni Menggie [Cobarrubias], single word lang. Sinabi lang niya, ‘Goodbye.’
“Tumawag ako sa kanya noon, e, nang mag-post siya pero hindi na sumagot. Pero bago yun, two days before, nag-uusap kami. Ano yun, e, brod ko si Menggie."
Pumanaw ang beterano ring aktor na si Menggie Cobarrubias noong March 25, 2020.
Patuloy ni Dido, “Ang sabi ko naman, ‘Just say goodbye.’ I’m saying goodbye to cinema, to scenes that I cannot do anymore.
“Kaya pinalitan ko, e, inilagay ko, ginawa kong ‘Just said goodbye.’ He! He! He! He! Marami akong sinagot, e. Na-touch ako, marami pa palang concerned sa akin. He! He! He!
“Kailangan ko pa ng tulong, baka-sakali may tumulong pa sa akin. Wala kasi akong trabaho talaga.
“Yung tulong, hindi na para sa akin kundi para sa mga anak ko.”
Read: Character actor Dido dela Paz pleads for financial support as he battles cancer
GORGY RULA
Napaka-effective ng pagganap ni Sir Dido sa pelikulang Ginhawa.
(SPOILER ALERT) Sa ending nga ng pelikula na pinagsusuntok na siya ni Andrew dahil sa mga ginawang panloloko sa kanilang mga mahihirap na boksingero, doon ako nakaramdam ng "ginhawa."
Kaya pala Ginhawa ang pamagat ng pelikula!
Ang suwerte ni Andrew dahil ang gagaling ng mga sumuporta sa kanya. Kaya na-challenge din siyang galingan ang pagkaganap niya rito kahit hindi pa siya sanay mag-Tagalog.
Bukod kay Sir Dido, ang gagaling din ng suporta sa kanya nina Ruby Ruiz, Rolando Inocencio, pati sina Kiko Matos at Chanel Latorre.
Mukhang may laban itong Ginhawa. Kaya abangan natin sa darating na awarding ng Cinemalaya sa Agosto 14, Linggo ng 6:15 p.m., sa CCP Main Theater.
NOEL FERRER
Ginhawa is one of the must-see films in this year’s Cinemalaya.
Bukod sa nasabi ko nang Blue Room, OK rin ang The Baseball Player, 12 Weeks, at Ginhawa. Ito ang worth habulin talaga na mukhang hahabulin rin sana ng awards sa darating na Linggo.
Hindi na bago kay Sir Dido na manalo ng award. Very deserving siya sa kanyang pagkakapanalo sa Respeto noon.
Mabuhay ang magagaling na aktor na tulad niya!!!