GORGY RULA
Karangalan para kay Toni Gonzaga na makatrabaho si Joey de Leon sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2022 official entry na The Teacher.
Read: Coco-Jodi, Vice-Ivana, Ian-Heaven, Joey-Toni movies pasok sa MMFF 2022
“Dati pa, 2020 pa, tinext ko lang si Tito Joey,” nakangiting kuwento ni Toni sa mediacon noong Oktubre 22, 2022, Sabado, sa Coffee Project-Wil Tower, Lopez Drive, Quezon City.
“Kasi I consider him as my mentor sa industry. Kasi naalala ko nung nagsisimula ako sa industry, ang sinasabi lagi ng daddy ko, ‘Kapag papasok ka sa industriya, huwag mong idolohin ang pinakasikat,’ sabi ng daddy ko.
“Sabi niya, ‘Ang dapat iniidolo mo, yung pinakatumagal. Kasi, mabilis sumikat sa industriya pero ang pinakamahirap ay tumagal.’
“So, sabi ng daddy ko, ‘Tingnan mo iyan, sina Vic Sotto, Joey de Leon, bata ka pa lang napapanood mo na sila sa telebisyon. Tapos ngayong artista ka na, nandiyan pa rin sila sa telebisyon.
“Iyan ang mga dapat inaaral mo kung paano sila tumatagal ng ganyan sa industriya.’
“So when I had the chance na makatrabaho ko sila sa Eat Bulaga, lagi ko siyang inoobserbahan. Lagi ko siyang kinakausap, tinatanong.
“Isa sa mga hindi ko makakalimutan na naituro niya sa akin nung naghu-host kami sa Eat Bulaga, bata pa ako nun…
“Parang ano nun, e, ang lakas ng bagyo. Tapos ilan lang kaming hosts na nakapasok kasi nga, baha na.
“Tapos parang kinakabahan ako, kasi wala sina Paolo [Ballesteros], wala yung mga kaedad ko.
“Sabi ko, ‘Naku, papaano kaya ito?! Kasi baka pag sinalang ka, nag-isa ka lang sa TV.
“Naalala ko, sabi ni Tito Joey, ‘Huwag kang kabahan, huwag kang matakot. Dapat kapag host ka, kahit wala kang kasama, pag sinalang ka, kaya mong dalhin ang sarili mo. Huwag kang aasa sa kasama mo.’
“To this day, hindi ko makakalimutan yun. Na as soon as isalang ka sa TV at may hawak kang mikropono, wala kang aasahan kundi ang sarili mo.
“So, kailangang maitawid mo yung programa, maitawid mo yung gap na yun mag-isa na hindi ka umaasa kahit kanino man.
“Huwag kang umasa sa writer, huwag kang umasa sa cameraman. Kahit magkamali-mali ang camera, basta ang trabaho mo, maitawid yung nais mong iparating sa audience.
“So, hindi ko makakalimutan yun. Kaya tuwing makikita ko siya, na 49 years na ang Eat Bulaga! today, tapos magpi-50 years na siya, lagi kong naiisip na what a privilege it is to work with the legend in an industry. And it’s so nice to absorb yung wisdom.
“Actually, the mere presence of Tito Joey on the set, mararamdaman mo na yun bang… alam mo nang seasoned sa industriya.
“Kaya kapag dumating siya sa set, talagang alam mong may kasama kang isa sa mga haligi, isa sa mga legends ng noontime.
“Kaya ang sarap ng pakiramdam na nakakasama mo siya sa isang eksena.”
Maliban kay Tito Joey, sino pa ang maituturing niyang idolo, alamat at haligi sa local showbiz?
“Madami. Lahat ng mga tumagal sa industriya. Lahat ng mga nakatrabaho ko sa ASAP dati,” mabining tugon ni Toni.
“Sa Eat Bulaga. Lahat, basta lahat ng mga seasoned stars natin. Iniidolo ko ang mga iyan.
“I look up to them kung paano nila na-preserve yung kanilang career at yung longevity sa industriya.”
JERRY OLEA
Ano ang influence ng asawa niyang si Direk Paul Soriano sa kanyang career at perspective sa buhay?
“Naku! Dati, ang laki ng influence sa akin ng parents ko,” napapangiting pagtatapat ni Toni.
“Lahat ng mga desisyon ko noon sa career, ang kinokonsulta ko, si Mommy Pinty, daddy ko. ‘Ano kaya ang tingin niyo na OK sa akin?’
“Tapos nung nag-asawa ako, isa naman sa talagang nilu-look up ko at saka talagang kino-consider ko yung decision ay yung wisdom din ni Paul.
“Kasi one of the things that I truly admire and respect about Paul is that… yung lalim ng utak na meron siya. Yung vision na meron siya.
“He taught me how to have a vision, how to believe in myself, how to trust in myself.
“Na-realize ko, wala pala akong masyadong tiwala sa sarili ko. Mas malaki pa yung tiwala ng asawa ko kaysa sa akin.
“Like yung Toni Talks, idea niya yun. Sabi niya, ‘Gumawa ka ng sarili mong show sa YouTube.’ Sabi ko, ‘Ha? May manonood ba niyan, e, pan-TV iyan?’
“Sabi niya, ‘Hindi. Kung ano ang gusto mong gawin, dapat gawin mo iyan habang naghihintay ka ng trabaho. Isipin mo na lang, this is your training ground. Nag-iinterbyu ka ng mga tao, kasi that’s what you’re good at.’
“So, he pushed me to start Toni Talks. Dahil sa Toni Talks, nagkarun na ako ng sarili kong studio.
“Yung office niya dati lang ang pinagsusyutan namin ng Toni Talks. Tapos ang katabi nun, talyer. Yun ang naging studio ko.
“Bakanteng talyer. Nung ipinakita sa akin… kasi, pag may vlog kayo, alam niyo yun, may ads, dollars ang suweldo sa YouTube.
“So, nung ipinakita niya sa akin, ‘Uy, eto na ang naipon ng show mo for doing it for one year.’ Then he said, ‘You know this can build you a studio. Do you want to do it?’
“Lahat ng naipon ng Toni Talks, kasi hindi namin ginalaw yun, we built a studio. Tapos sabi niya, ‘Para magamit ko na yung office ko, kasi halos ikaw na ang gumagamit.’
“So, nung ginawa namin yun, and then the opportunity with ALLTV came, and we pitched the show, the concept.
“And I remember, parang nung nag-pitch kami, may apat o tatlong nag-pitch din for talk show. So, ayun, pinitch lang namin.
“Ahh, we shared the mission and the vision of the show. And then we’re so grateful na they gave it a green light, na they’re willing to absorb the show sa ALLTV.”
Si Direk Paul ang producer ng reality talk show na Toni, na napapanood Lunes hanggang Biyernes tuwing 5:00 p.m.
Sa Episode 18 ng Toni ngayong Oktubre 26, Miyerkules, ay panauhin ang cancer survivors na sina Janella Dapusala, Kai Desamparado, at Mico Lopez.
Tampok naman bukas, Oktubre 27, ang Gen Z Entrepreneurs na sina Josh Mojica, Harold Zapata, Alessandra Josue, at Angelo Antonio.
At sa Biyernes, Oktubre 28, bisita sa Toni ang OG Chefs na sina Chef Gene Gonzalez at Chef Sandy Daza.
NOEL FERRER
Sana, dumating ang pagkakataong makilala si Toni sa kanyang kahusayan at pagiging totoong host tulad ni Joey de Leon, at isang ganap na aktres at singer na rin tulad ng mga nakapanabayan niya sa industriya.
Sana nga, maganda ang kalalabasan ng pelikulang The Teacher at nitong reality talk show na Toni. All the best!
