JERRY OLEA:
Kinilig, tumawa, lumuha at naki-sing along ako sa Dear Heart concert nina Sharon Cuneta at Gabby Concepcion noong Oktubre 27, Biyernes ng gabi, sa SM MoA Arena.
Read: Did Sharon Cuneta and Gabby Concepcion kiss during their reunion concert?
Bumalik sa aking alaala ang mga eksena nina April at Jimmy sa pelikulang Dear Heart (1981), Kristine at Mark sa P.S. I Love You (1981), at Cindy at Billy sa My Only Love (1982).
Sabi nga ni Kristine, “Love should not be a heavy feeling. It should not make you suffer. Love should make you happy. It’s a smile in the heart, it makes you come alive. Love makes you want to fly.”
Ang mga pelikulang iyon ay mga kuwento ng pag-ibig sa panahong hindi pa uso ang cellphone at internet. Betamax at VHS tapes ang laganap noon.
Dinalirot sa Dear Heart concert ang pagliligawan nina Sharon at Gabby, ang kanilang pagpapakasal, ang pagkakaroon ng anak (KC Concepcion), at ang kanilang paghihiwalay.
Read: Sharon Cuneta apologizes to daughter KC Concepcion for not giving her a "complete family"
Habang pinapanood ni KC ang pagdu-duet ng kanyang mga magulang at pagbabalik-tanaw sa nakaraan, naalala ko iyong pag-awit ni Sharon ng Kahapon Lamang sa pelikulang Forgive and Forget (1982).
Gumanap doon sina Nida Blanca at Nestor de Villa bilang mga magulang niya na kapwa artista, at naghiwalay.
Heto ang bahagi ng lyrics ng Kahapon Lamang, na komposisyon ni George Canseco:
"Kahapon lamang, narito ang saya/ May dalawang puso, daigdig na kayganda/ Sa kanilang mata, mababanaag pa/ Ningning ng pagsinta ukol sa isa't isa “Kahapon lamang ay magkahawak pa/ Sa isang landasin na ngayo'y nagsanga/ Bagama't may ngiti, balatkayong saya/ Magkabalikan pa kaya sila?
"Sa kanilang mata mababanaag pa/ Ningning ng pagsinta ukol sa isa't isa
"Kahapon lamang, pag-ibig ay wagas/ Animo'y batis na di magwawakas/ Nguni't naglayo, di na nagkasundo/ Kahit nagmamahalan kapwa puso…"
Happy ending ang pelikulang Forgive and Forget.
In real life, happy sina Shawie at Gabo sa kani-kanyang bagong pamilya.
Happy together sina Sharon, Gabby, at KC sa entablado ng MoA Arena noong Friday night.
Watch:
Pinagsaluhan nila ang kantang Ikaw from the 1993 movie of the same title, kung saan si Ariel Rivera ang leading man ni Sharon. Tampok din sa pelikulang Ikaw sina Monique Wilson at Rustom Padilla. Idinirek iyon ni Joel Lamangan.
Pinasimulan ni Sharon ang impromptu number habang nakatingin sa panganay, “Ikaw ang bigay ng Maykapal/ Tugon sa aking dasal/ Upang sa lahat ng panahon/ Bawa't pagkakataon/ Ang mahalin kong baby ko'y ikaw”
Sambot ni KC habang pinupunasan ang luha ng ina, na yumakap kapagkuwan sa kanya, “Ikaw ang tanglaw sa aking mundo/ Kabiyak nitong puso ko/ Wala ni kahati mang saglit…”
Naputol ang pag-awit ni KC at natatawang sabi, “May away na sa likod, teka lang! Moment ko ito! Hahaha!
"My gooossshhh… ang sarap niyong makita together sa isang stage!” bulalas ni KC, na kumawala sa mahigpit na yakap ng ina, at niyakap naman ang ama.
Pakli ni Gabby, "I’m so happy, anak."
Pagpapatuloy ni KC sa pag-awit na kapagkuwan ay sumabay na si Sharon, “Ngayo't kailanma'y ikaw/ Ang lahat ng aking galaw/ Ang sanhi ay ikaw
“Kung may bukas mang tinatanaw/ Dahil may isang ikaw/ Kulang ang magpakailan pa man/ Upang bawat sandali ay.../ Upang muli't muli ay.../ Ang mahalin ay ikaw”
Nagyakap nang mahigpit ang mag-inang Sharon at KC habang masuyo silang pinagmamasdan ni Gabby.
Read: Joey Paras's last moments revealed; family asks help for hospital and funeral expenses
NOEL FERRER:
Good luck pa rin sa VIP show nila mamayang 7:00 p.m., sa grand ballroom ng Okada Manila, at sa Nobyembre 17, sa Nustar Convention Center sa Cebu.
Nabalitaan ng PEP Troika na iba ang isusuot ni Megastar sa mga show na ito.
Meron din kayang impromptu number dito sina Sharon, Gabby at KC?
May chikahan portion pa rin kaya sina Sharon at Gabby with Regine Velasquez and Ogie Alcasid?
Umani ng papuri ang socmed post ni Senator Kiko Pangilinan na nagpakita ng kanilang moment ng asawang Sharon Cuneta pagkatapos ng birthday celebration ng anak nilang si Miguel.
Read: Sharon Cuneta's son Miguel receives Nokia 8210 for his 13th birthday
Ani Kiko, “Kapag natapos na ang oras ng trabaho…”
Heto ang magandang larawan nilang masayang mag-asawa.
GORGY RULA:
Maganda ang naglabasang kuwento tungkol sa Dear Heart concert sa SM MOA.
Maaring ang daming na-curious, kaya umusad ang bentahan ng tickets.
Pero inaalam pa namin kung super sold-out na ba ang tickets sa Okada Manila at sa Nustar Convention Center sa Cebu City, sa November 17.
Ang dinig ko, yung show sa Cebu, may mga Sharon-Gabby fans talaga na gustong makabili ng ticket na halagang PHP20,000.
Iyon ang VIP 1 ticket na reserved seat para sa Dear Heart show, kasama ang dinner, event memorabilia, exclusive VIP merchandise, at photo opportunity.
Meron ding tig-PHP15,000 at PHP10,000 na ticket.
Sa Okada naman, PHP25,000 ang pinakamataas na package, at meron ding PHP18,500 at PHP9,500.
Kumukuha pa ang PEP Troika ng update sa ticket sales.
