GORGY RULA
Masaya ang mga taga-Sparkle GMA Artist Center sa magandang resulta ng first-ever back-to-back concert na Sparkle Goes To Canada.
Tampok dito ang A-list Sparkle stars na sina Julie Anne San Jose at Rayver Cruz, Barbie Forteza at David Licauco, at Ruru Madrid at Bianca Umali.
Kung anu-ano ang mga naglalabasang kuwento tungkol sa resulta ng concert na idinirek ni Mr. Johnny Manahan, pero makikita raw sa mga litratong ipinadala nila ang pruweba.
Kahit napakalamig ng Canada, mainit daw ang pagtanggap sa kanila ng Global Pinoys.
Read: Sparkle reel and real-life couples bring kilig to snowy Canada

Masaya sila sa first leg nito sa Calgary nung April 5, 2024, pero mas masaya sila sa katatapos lang na concert nila sa Toronto noong April 7.

Kasama nila rito si Boobay.

Isang kaibigang nandun sa Toronto ang tinanong namin, at sold out daw itong sa Toronto na ginanap sa Toronto Pavilion.

Sabi ng taga-Sparkle, masaya sila dahil hindi raw nabigo ang supporters ng tatlong love teams na ito. Sila ang Sparkle best kaya ng iikot sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Kaya ang tanong ng iba, tuluy-tuloy na kaya itong world tour nila?

Maganda raw kasi ang show na idinirek ni Johnny Manahan o Mr. M, na maipagmamalaki mo raw talaga. Tiyak na marami silang natutunan dito sa sinimulan nila sa Canada, na puwede na nilang ayusin sa mga susunod nilang concert tour.
Abangan na lang natin ang pagbalik nila, para ibahagi sa atin ang mga experience nila sa napakalamig na Canada.
Read: Barbie-David, Bianca-Ruru, Julie Anne-Rayver maghahatid ng kilig sa Canada
NOEL FERRER
Maayos daw ang show na ginawa ni Mr. M sa Kapuso love teams na ginawa ang lahat para maging maganda ang performance nila.
Pero ganitong mga shows ba ang makakapagpataas ng status nila bilang mga performers kung base sa mga photos na ipinadala ay way more than the audience dapat ang nako-command nila dahil sila ang prime stars ng network, at joint forces silang lahat, di ba?
Sa totoo lang, yung hindi press release, kumita ba ang producers?
JERRY OLEA
Magkano ang production cost ng nasabing Kapuso concerts sa Canada?
Naulinigan nating bonggacious ang entourage ng palabas, kaya harinawang kumita ang producers.
Gaya ng nasabi ko before, TV stars pa lang sina Julie Anne-Rayver, Ruru-Bianca, at Barbie-David. Wala pa silang pelikula na nagpakitang-gilas sa takilya.
Sakaling magsanib-puwersa silang anim sa isang trilogy movie, dudumugin kaya iyon ng moviegoers?
