GORGY RULA
Napangiti si Ogie Alcasid sa komento naming binatang-binata na ang anak nila ni Regine Velasquez na si Nate Alcasid.
Tahimik lang itong nakaupo sa isang sulok ng CWC Interiors Showroom sa BGC, Taguig, kung saan ginanap ang trade launch ng talent management and production company ni Ogie, ang A Team, Huwebes ng gabi, May 23, 2024.
Sabi ni Ogie tungkol kay Nate, “Binata na e. So, kailangan kong ipaalam ang post. Pero he’s a very… mabait na bata. Matalino.
“Gusto ko na hindi siya showbiz. Yung alam niya na trabaho namin ito. Hindi niya yun dinadala na anak siya ni Regine at Ogie.
“Normal kasi kami e. Hindi kami… you know, nagmo-malling kami. Lumalabas kaming tatlo lang, nagti-trip kaming tatlo lang.
“Priority namin talaga yung family time. Kaya nakakatuwa na lumaki siyang ganun.”
View this post on Instagram
Abala si Ogie sa ipo-produce na shows ng A Team, kaya nagpa-trade launch siya kung saan inimbita ang mga sponsors na posibleng makipag-partner sa mga ipo-produce niyang shows.
Sabi ni Ogie, 21 concerts daw ang ipo-produce niya simula ngayong taon hanggang taong 2025.
Kabilang sa mga in-announce niya sa trade launch ay ang reunion concert ng Streetboys na gaganapin sa New Frontier Theater sa November 8.
Read: Ogie Alcasid, ipo-produce ang reunion concert ng Streetboys
Naka-lineup din daw ang pagbabalik-Araneta Coliseum ni Martin Nievera sa September; ang concert nina Lara Maigue at Gian Magdangal sa Gateway; ang String Forever concert na pangungunahan ni Noel Cabangon; ang PowerX3 na tatampukan nina Jed Madela, Bituin Escalante, at Poppert Bernadas; ang series of concerts ni Ogie; at ang matagal na niyang pinaghandaang musical play.
NOEL FERRER
Ipinagmamalaki rin ni Ogie ang pag-graduate ng tatlo niyang anak.
Bukod sa anak nila ni Regine na si Nate, may dalawa pang anak si Ogie sa first wife niyang si Michelle Van Eimeren—sina Leila at Sarah.
Sa susunod na buwan ay lilipad si Ogie sa Australia para dumalo sa graduation ni Sarah.
“I’m going to Australia. Kasi yung pangalawa kong anak, ga-graduate. She’s now a nurse.
“Actually, tatlo silang ga-graduate. Si Nate, nag-graduate ng grade school. Si Leila, nag-graduate ng college.
“So, triple celebration,” nakangiting pahayag ni Ogie.
Masayang selebrasyon ito sa Father’s Day sa June. Wala raw ideya si Ogie kung may pinaghahandaan si Regine at mga anak niya sa Father’s Day.
“Wala lang. Nililibre nila ako,” kaswal na sagot ni Ogie nang tinanong kung may plano siya sa Father’s Day.
Read: Ogie Alcasid, handa na kung magpapakasal ang anak na si Leila?
JERRY OLEA
Looking forward ako sa reunion concert ng Streetboys. Maggi-guest kaya roon ang dance groups na Big Brothers at Motion Dancers?
1994 ipinalabas ang Sige… Ihataw Mo (Dancin’ with the Motion) The Movie, kung saan bida ang Motion Dancers at kontrabida ang Streetboys.
Ang direktor ng nasabing pelikula ay si Chito Roño na manager ng Streetboys, at ng Big Brothers.

Marami ang nakapansin noong mas mahusay ang Streetboys kesa sa Motion Dancers.
May special participation sa nasabing movie sina Nanette Medved at Claudine Barretto. Andoon din si Ai-Ai delas Alas na below-the-title pa ang billing.
Take note na noong kasikatan ng Motion Dancers ay umariba na rin ang Abztract Dancers kung saan kabilang sina Dingdong Dantes at Dino Guevarra.
Rumaratsada na rin noon ang Manoeuvres na nakilala sa pag-back up kay Gary Valenciano.
30TH ANNIVERSARY OF 1994 MOVIES
How time flies! Ngayong 2024 ay hindi lang 30th anniversary ng Manila Film Festival Scam, kundi 30th anniversary rin ng mga pelikulang Sige… Ihataw Mo (Dancin’ with the Motion), Chop-Chop Lady: The Elsa Castillo Story, The Elsa Castillo Story… Ang Katotohanan, The Fatima Buen Story, The Secrets of Sarah Jane: Sana’y Mapatawad Mo, Wating, Ang Pagbabalik ni Pedro Penduko, at Mars Ravelo’s Darna! Ang Pagbabalik.
1994 din ipinalabas ang mga pelikulang Machete II, Midnight Dancers, Kadenang Bulaklak, Minsan Lang Kita Iibigin, Mistah (Mga Mandirigma), Brat Pack (Mga Pambayad Atraso), Nandito Ako, at Paano Na? Sa Mundo ni Janet.
