GORGY RULA
Nabanggit ni Ken Chan sa nakaraan naming interview sa kanya na may nakatakda siyang gagawing drama series para sa GMA-7 at mukhang collaboration daw ito with Viva Entertainment.
Wala pang inilalabas na official announcement ang dalawang produksiyon, pero mukhang remake ito ng 1987 Viva movie na Saan Nagtatago ang Pag-ibig?, sa direksiyon ni Eddie Garcia.
Ito ang pelikulang nagbigay ng best actor trophies kay Tonton Gutierrez, kung saan sumikat din ang linya ni Vilma Santos na, “Si Val! Si Val! Lagi na lang si Val. Si Val na walang malay.”
Kung matutuloy ito, mukhang kay Ken mapupunta ang role ng intellectually disabled na si Val.
Kering-keri naman niya itong gampanan kung sakali.
So far, ang nasagap naming Viva artists na kabilang sa magandang proyektong ito ay sina Marco Gumabao at Yassi Pressman.
Kaya mukhang balik-Kapuso si Yassi.
Narinig din naming may special participation dito si Tonton Gutierrez mula sa orihinal na Saan Nagtatago Ang Pag-ibig?.
Abangan na lang natin kung sinu-sino pa ang mga mapapabilang sa magandang collab na ito ng GMA 7 at Viva Entertainment.
JERRY OLEA
Wow! Exciting ang unang series ni Marco Gumabao sa GMA-7!
Noon pa natin naulinigan na gagawa si Marco ng teleserye sa Kapuso Network. Kapana-panabik din siyempre kung ire-reenact nina Yassi Pressman at Ken Chan ang eksenang pinaliguan ni Vilma Santos si Tonton Gutierrez.
Pwetmalu roon si Tonton, remember?! Keri ba ni Ken na mag-butt exposure? OK kaya iyon sa MTRCB? Looking forward din tayo kung sinu-sino ang gaganap na Carmen at Mama Pacing, na ginampanan nina Gloria Romero at Alicia Vergel sa pelikula, respectively.
Totoo kaya ang narinig namin na isang mahusay at beteranang mang-aawit ang gaganap bilang matapobreng Mama Pacing?!
NOEL FERRER
So, Yassi Pressman as Vilma Santos ito?! Interesting!
Good din kung matutuloy ang special participation ni Tonton Gutierrez dito. Parang in ngayon ang mga challenging roles ng katulad ng kay Ken Chan dahil kahit si Elijah Canlas ay looking forward sa isang major role sa pelikula naman portraying a role of a mentally challenged person. May all these projects help shed light on this condition na dapat higit pang maintindihan ng nakararami.
