THE TOP LIST: Triumphs in 2013: showbiz, sports, and beauty pageants

Sa kabila ng mga pagsubok na hinarap ng ating bansa nung 2013, maraming karangalan naman ang naiuwi ng Pilipinas sa larangan ng sports, showbiz, at beauty pageants.

Sa larawan (kaliwa-kanan) Megan Young, Manny Pacquiao, Bea Rose Santiago, at Jonathan Yabut.


Sa kabila ng mga nangyaring kontrobersiya at kalamidad sa Pilipinas nung 2013, nasaksihan ng buong mundo ang mga tagumpay na nakamit ng ating mga kababayan sa iba’t ibang larangan.

Ang mga larangang ito ay ang sports, show business, at beauty pageants.


PINAY BEAUTIES. Marami ang nagsabi na ang 2013 ay taon ng Pilipinas sa international beauty pageants.

Tatlong international titles kasi ang nasungkit ng Pilipinas nitong katatapos lang na taon, bukod sa pagiging finalists ng iba pang Filipina candidates sa kani-kanilang sinalihang international beauty pageants.

Setyembre parehong nakoronahan ang dalawang beauty queens: si Mutya Johanna Datul bilang Miss Supranational 2013 at si Megan Young bilang Miss World 2013. Bago sumapit ang Pasko ay nakuha naman ni Bea Rose Santiago ang koronang Miss International 2013.

Si Mutya ang kauna-unahang Asian at Filipina na nanalo ng Miss Supranational title. Ginanap ang pageant sa Minsk, Belarus, noong September 6.

(Read: Mutya Johanna Datul wins Miss Supranational 2013 crown)

Isang malaking tagumpay naman ang pagkakahirang kay Megan bilang Miss World 2013 sa Bali, Indonesia, nung September 28. Siya kasi ang kauna-unahang Pilipinang nag-uwi ng titulong ito.

Noong Miss World 1973 pageant ay naging 1st runner-up si Evangeline Pascual. Noong 2011 ay naging 1st runner-up din si Gwendolyn Ruais. At noong 1993 ay itinanghal namang Second Princess o 3rd placer si Ruffa Gutierrez.

(Read: Megan Young wins Miss World 2013!)

Panlimang Miss International title na ng Pilipinas ang pagkapanalo ni Bea Rose, na lumaban sa pageant sa Tokyo, Japan, noong December 17.

Si Gemma Cruz ang unang Pilipinang naging Miss International (1964). Sumunod sina Aurora Pijuan (1970), Melanie Marquez (1979), at si Precious Lara Quigaman (2005).

(Read: Bea Rose Santiago takes the Miss International 2013 crown)

Samantala, hindi man nagwagi sa Miss Universe 2013, pinalad pa ring mapabilang sa Top 5 si Ariella Arida at itinanghal pang 3rd runner-up.

Sa apat na magkasunod na taon ng Miss Universe ay laging pasok sa Final 5 ang Pilipinas.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang mga nakaraang beauty queens na pumuwesto ay sina Venus Raj, 4th runner-up (2010); Shamcey Supsup, 3rd runner-up (2011); at Janine Tugonon, 1st runner-up (2012).



PINOY CHAMPIONS. Humagupit man ang tinatalang pinakamalakas na typhoon sa mundo—ang Haiyan / Yolanda—noong November 8, sa Kabisayaan, nagdiwang pa rin ang mga Pilipino sa pagkapanalo ng ating mga boksingero.

Pinanalo ni Nonito Donaire Jr. ang laban niya sa Armenian boxer na si Vic Darchinyan. Tinalo ni Nonito si Vic sa ika-siyam na round ng kanilang 10-round match sa Corpus Christi, Texas, U.S.A., noong November 10.

Sa kanyang Facebook post sa araw mismo ng laban, sinabi ni Nonito: “Dedicating my fight to uplift the Filipinos spirits. Our indomitable spirit has been recognized worldwide, even by CNN. Keep the faith, HE will not abandon us in our time of need. Continued prayers for the Earthquake and Typhoon victims.”

(Read: Nonito Donaire Jr. dedicates win to Filipinos)

Marami rin ang natuwa nang manalo si Manny "Pacman" Pacquiao sa 12-round boxing match nila ni Brandon "Bam Bam" Rios sa Macau, China, noong November 24.

Sinabi noon ni Freddie Roach, ang coach ni Manny, na magreretiro na ang Pambansang Kamao kapag matalo ito kay Rios.

Ngayong unanimous decision ang panalo ni Manny kay Rios, pinaplano na ang susunod na laban ni Pacquiao para sa 2014. Ngunit sa kasalukuyan ay wala pang napipili kung sino ang kanyang susunod na makakatunggali.

Samantala, hindi lang sa loob ng boxing ring nakipagtunggali si Manny noong 2013. Pina-freeze ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang kanyang bank accounts ilang araw matapos ng kanyang laban kay Rios.

Ayon sa BIR, hindi umano nagbabayad ng tamang buwis ang champion boxer at Saranggani Province Representative. Umabot na sa tinatayang P2 bilyon ang hinihinging buwis ng BIR kay Pacquiao.

Tahimik ngayon ang dalawang kampo dahil na rin sa gag order ng Court of Tax Appeals noong December 5.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero sa pinakahuling ulat, binatikos ng BIR ang inihaing mosyon na bigyan ng lifetime tax exemption ang boksingero.

(Read: BIR Commissioner Kim Henares slams proposal to exempt Manny Pacquiao from paying taxes)

Nung December 10, 2013, naglabas ng report ang Hollywood news website na TMZ na may utang daw na higit pa sa 18 million U.S. dollars si Pacquiao sa Internal Revenue Service (IRS), ang tax agency ng Estados Unidos.

Itinanggi naman ng abugado ni Manny na si Attorney Tranquil Salvador ang report na ito.

BASKETBALL & FOOTBALL. Umani rin ng karangalan ang dalawang koponan ng Pilipinas sa magkaibang sports.

Una na rito ang pagsungkit ng Gilas Pilipinas basketball team ng silver medal sa ginanap na 27th FIBA (Fédération Internationale de Basket-ball) International Basketball Federation-Asia Championship noong Agosto.

Natalo man sila sa Iran, pasok pa rin ang Pilipinas sa FIBA World Championships na gaganapin sa Spain sa darating na Agosto 2014.

Ngayon lang uli nakapasok ang Pilipinas sa Basketball World Cup pagkatapos ng halos tatlong dekada.

Huling nakasali ang Pilipinas sa FIBA World Championships nung 1986.

Ngunit ilang buwan bago naganap sa Spain ang pandaigdigang torneyo sa basketball, nabuwag ang Philippine basketball team na The Northern Cement dahil sa 1986 People Power Revolution.

Pag-aari kasi ang basketball team ni Eduardo "Danding" Cojuangco, isang kilalang crony ni President Ferdinand Marcos na napatalsik sa Malacañang ng 1986 peaceful revolt.

Sa larangan naman ng football, nasa 127th rank na ang Philippine Azkals sa FIFA (Fédération Internationale de Football Association) rankings.

Nangunguna naman ang Pilipinas sa Southeast Asian teams pagdating sa football.

Malaking achievement ito para sa Pilipinas, na itinuturing na kabilang sa developing countries pagdating sa football.

Lumikha ng ingay at pumukaw ng interes ng mga Pilipino ang Philippine Azkals nang talunin nito nung 2010 ang football team ng Vietnam, na defending champion sa ASEAN Football Federation (AFF) Suzuki Cup.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



THE APPRENTICE ASIA. Agosto ng nakaraang taon nang hirangin ang Pilipinong si Jonathan Allen Yabut bilang kauna-unahang winner ng The Apprentice Asia.

Mga contestant mula sa iba’t ibang bansa ng Asya ang mga nakalaban ni Jonathan sa TV reality show, na spin-off ng U.S.-based The Apprentice, kung saan host si Donald Trump.

Kabilang sa napanalunan ni Jonathan ay ang pag-take over niya bilang chief-of-staff ni Francis “Tony” Fernandes, ang bilyonaryong Malaysian entrepreneur na host ng The Apprentice Asia.

(Read: Jonathan Allen Yabut "hired" in The Apprentice Asia)

METRO MANILA, THE FILM. Big Winner din ang indie movie na Metro Manila sa British Independent Film Awards (BIFAs), na ginanap sa London, United Kingdom, noong December 9.

Ang pelikula, na idinirek ni Sean Ellis, ang nagkamit ng Best British Independent Film Award, gayundin ng Best Director at Best Achievement in Production.

Nominado rin ang dalawang bida ng pelikula, sina John Arcilla, para sa Best Supporting Actor, at Jake Macapagal, para sa Best Promising Newcomer.

Dahil dito, lumaki ang tsansa ng pelikulang makapasok sa final list of nominees ng Best Foreign Language Film category ng Oscars sa 2014.

Ang Metro Manila ang entry ng United Kingdom sa nasabing kategorya.

(Read: Metro Manila wins big at British Independent Film Awards)

ASIAN TV AWARDS. Ilang nominasyon din ang nakuha ng ating mga kababayan sa Asian TV Awards ngayong taon.

Nominado para sa Best Actress category sina Marian Rivera (Temptation of Wife) at Lorna Tolentino (Pahiram ng Sandali).

Si Kris Aquino ay nominado para sa Best Entertainment Presenter/host para sa kanyang morning talk show na Kris TV.

Si Michael V. ay nominado para sa Best Comedy Performer by an Actor for Bubble Gang.

Ang mga programa ng GMA Network na Saksi, 24 Oras, Reporter’s Notebook, at Born Impact ay nakakuha ng nominasyon para sa Best News Program.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang The X Factor Philippines ng ABS-CBN ay nominado para sa Best Reality Show.

Wala sa kanila ang nanalo.

Ngunit nakakuha naman ng Highly Commended honors (second best honors) sina Lorna Tolentino, Michael V, at ang Saksi.

Para makita ng photo gallery ng mga tagumpay na ito, CLICK HERE.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN