Pilit na hina-hack ang email at social media accounts ng aktres na si Angel Locsin.
Sinabi ito ng 35-year-old Kapamilya actress sa isang entry sa kanyang Instagram Stories nitong Huwebes, August 6.
Sa post, ibinahagi ni Angel ang screenshot ng notice na “Temporarily Locked” ang kanyang email.
May na-monitor daw kasing “recent login” sa email ni Angel “from an unfamiliar location.”
Ang login attempt ay natunton sa Miami, Florida sa Amerika.
Bilang bahagi ng security features ng email at social media accounts, awtomatikong nagla-lock ang account kapag ilang beses na may nagtangkang mag-log in dito.
Nala-lock ang account kapag paulit-ulit na gumamit ng maling username o password sa pagla-log in.
Caption ni Angel sa kanyang post: “ATTENTION: Someone’s trying to repeatedly hack my twitter, facebook, & email.”

THE FAN PAGE MODUS
Nangyari ang hacking attempt kay Angel mahigit tatlong linggo makaraang ibunyag niya na may netizens na bumibili sa kanyang social media fan pages.
Nakikipagtransaksiyon sa private message ang namimili ng fan pages at malaki raw ang alok na presyo ng mga ito.
Kapalit ng malaking halaga ang kontrol sa fan pages, na karaniwang libu-libo ang followers.

Bukod kay Angel, may nagtangka rin daw bumili sa fan pages ng iba pang Kapamilya stars, tulad ng mga aktres na sina Bea Alonzo at Liza Soberano.
Mapapansin naman sa screenshot ng post ni Angel ang petsa kung kailan nagpahayag ng interes ang isang netizen na bilhin ang isa sa fan pages ng aktres.
Ang petsa ng direct message ay July 11, o isang araw makaraang pagkaitan ng Kamara ng bagong 25-taong prangkisa ang ABS-CBN nitong July 10.
Hindi tukoy kung may kuneksiyon ang fan page modus sa pagbasura sa franchise renewal appeal ng ABS-CBN
Hindi rin makukumpirma sa ngayon kung may kaugnayan ang modus sa tangkang pangha-hack kay Angel.
FEARLESS ANGEL
Kilala si Angel sa walang takot na paglalahad ng kanyang mga saloobin tungkol sa iba’t ibang national issues.
Madalas, kontra sa gobyerno.
Ang latest ay nitong August 3, nang paalalahanan ng aktres si Pangulong Rodrigo Duterte na hindi mga health workers ang kalaban ng pamahalaan.
Ito ay matapos na galit na murahin ni Duterte ang medical frontliners, na naglahad lang naman ng mga kakulangan sa health sector ngayong may COVID-19 pandemic.
Inakusahan ng Presidente ang medical community na walang “ginagawa kundi magreklamo."
Pinagbintangan din niya ang healthcare workers sa pagtatangkang maglunsad ng “revolution” laban sa kanyang gobyerno.
Mensahe ni Angel kay Pangulong Duterte: “Pagsuporta ang kailangan. Hindi pagsindak.
“Covid po ang kalaban. Hindi ang mamamayan.”

Bukod dito, isa si Angel sa pinakamasusugid na nagtanggol sa ABS-CBN simula nang mamroblema sa legislative franchise ang kanyang home network noong February 2020.
Patuloy na nanindigan ang aktres para sa ABS-CBN nang ipasara ito ng gobyerno noong May 5.
Nitong July 10, nang tuluyang ibasura ng Kamara ang franchise renewal appeal ng ABS-CBN, isa si Angel sa mga natitirang lumalaban para sa Kapamilya network.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
