Pinuri ng aktor na si Geoff Eigenmann ang pagpupursigi ng ABS-CBN na magpatuloy sa pagbu-broadcast kahit sa online platform.
Ito ay matapos ibasura ng Kongreso ang aplikasyon ng network para sa bagong franchise noong July 10, 2020.
Sa kanyang Instagram kahapon, August 17, ibinahagi ni Geoff ang balitang umabot na sa 10 million subscribers ang YouTube Channel ng ABS-CBN News.
Ayon sa kanya, walang makapipigil sa ABS-CBN sa muli nitong pagbangon—kahit ang 70 kongresistang bumoto pabor sa pagbasura sa franchise application ng network.
Sabi ni Geoff sa caption, “can’t keep the great ones down.
“they will always rise up and be better than they were and will be unstoppable.
“the unity of 70 people is nothing compared to the unity of 10million strong.
“#thisisjustthebeginning #welcomebackabscbn #weneverleft #labankapamilya #abscbnstrong”
PIVOT TO ONLINE, CABLE BROADCAST
Kasunod ng pagbasura ng Kongreso sa franchise application ng ABS-CBN, pinapalakas naman lalo ng network ang kanilang cable at online presence.
Sa Kapamilya Channel sa cable, iWant app, Facebook, at YouTube napapanood ngayon ang ilang programa ng ABS-CBN.
Napaso ang legislative franchise ng broadcast giant noong May 4, 2020.
Kinabukasan, May 5, naghain ng cease and desist order (CDO) ang National Telecommunications Commission (NTC) upang itigil ng network ang kanilang pagbu-broadcast.
Nakabalik sa ere ang ABS-CBN, sa pamamagitan ng digital broadcast gamit ang ABS-CBN TV Plus, ngunit ipinatigil din ito ng NTC noong June 30, 2020.
Dahil sa pagkawala sa free-to-air broadcast ng network, may mga artista, talents, at empleyado ang network na nakaambang lumipat ibang istasyon, partikular na sa TV5 at GMA-7.
Pero ang mas maingay sa ngayon ay ang guest appearance ng Kapamilya stars sa TV5 na muling nagpapalakas ng kanilang entertainment department.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
